Wednesday, October 12, 2011

Saranggola

Sa tatay ko nagumpisa ang lahat, mula sa paghahanap ng plastic at lumang diyaryo ng Bulgar para gawing saranggola hanggang sa panguumit nang papirapirasong ting-ting sa walis ng kapitbahay. Adik kasi sa saranggola ang tatay ko.

Naalala ko, may isang beses noon na bumili ng tatlong saranggola ang tatay ko, para sa aming magkakapatid yun. Bumili siya nang tatlong tagtrenta’y singko pesos na saranggolang tela. Nasayang nga lang yung pera niya dahil wala man lang lumipad ni isa man sa saranggolang binili niya. Pero hindi natapos ang adiksyon ng tatay ko sa saranggola, isang beses naman, galling siya sa pamamasada ng taxi nang umuwi siyang may dala-dalang sandamakmak na diyaryo. Tinanong naming siya.

“Anong gagawin mo diyan pa?” tapos isasagot niya sa amin, “Saranggola” with matching ngiti pa. Ilang beses din nangyari ang ganiyang eksena. Tuwing may dalang diyaryo si papa inuutusan niya kaming kumuha ng kanin na bahaw sa kaldero, pagkatapos nun itatanong uli ng isa sa amin.

“Anong gagawin mo sa kanin pa?” inosenteng tanong namin noon na sasagutin niya naman nang, “pandikit para sa saranggola” with matching ngiti pa. Dahil sa saranggola kaya ko nalamang pwedeng gamiting pandikit ang kanin.

‘Pag natapos na ni papang gawin ang tatlong saranggola noon, tatawagin niya kami isa-isa sa palayaw naming. “Dawe! Mike! Yok!” tapos maya-maya lang magyayaya na siyang umakyat sa bubong para magpalipad nang saranggola. ‘Pag napalipad niya na ang tatlong saranggola ipapahawak niya sa amin yun isa-isa. Matibay –tibay pa ang bubong naming noon kaya siguro malakas ang loob ng tatay kong magpalipad nang saranggola sa bubong kasama ang tatlong mga anak niya.

Sa ngayon matanda na ko, hindi pa rin ako marunong gumawa nang saranggola. Nasanay siguro ako na tatay ko ang gumagawa nun para sa akin. At ngayon nalaman ko ang paniniwala ng erpat ko sa saranggola.

Sumisimbolo pala sa aming tatlong magkakapatid ang saranggolang yun, at kung gaano kataas ang ililipad nun ay ganun din kalayo ang mararating naming baling araw. Naisip ko ngayon na siguro hindi mataas ang lipad nang saranggola ko noon kaya wala pa kong nararating sa buhay ko pero sa kabila nun naisip ko rin na kung totoo man yun, ilan kayang tatay ang magpapalipad ng saranggola para malaman kung gaano kalayo ang mararating ng anak nila? Kaya pala pinipilit ni Erpat noon na bumili at gumawa ng saranggola ng paulit-ulit kasi gusto niyang mataas ang marating ko. Anak ng tipaklong! Sana naging saranggola na lang ako.


Sa ngayon hindi na gumagawa ng saranggola si Papa, kalawangin na ang bubong para akyatan pa, kinakain na namin ang bahaw, [pero ginagamit pa rin bilang pandikit paminsan-minsan] iniipon ang mga diyaryo at plastic para maibenta sa junkshop at wala na rin ang bungangerang kapitbahay na sumisigaw ng “sino ang kumuha ng ting-ting ko.”. Nawala na ang sinulid na naguugnay sa saranggola at pangarap ko pero nag-iwan ito sa puso ko ng matinding aral: Wag aakyat sa bubong ng kapitbahay.

Marami akong nakuhang benepisyo sa pagpapalipad ng saranggola, bonding kasama si tatay, kasiyahan sa paggamit nito bilang laruan at ang di matutumbasang aral na nakadikit sa saranggola at sinulid nito.

“Sa buhay minsan aangat ka pero darating din ang araw na lalagpak ka, pero kahit ilang beses mang mangyari yun hanapin mo ang sinulid nang buhay para muling lumipad.”
-Tatay ko habang nagpapalipad ng saranggola kasama ko.

                                      Opisyal na Lahok para sa Kategoryang Blog(Freestyle)
                                                             Saranggola Blog Awards 3


Si Paulo at ang Laruang Eroplano




“Kunwari ako si Batman, susuntukin daw kita tapos tatalsik ka. Ayan na susuntukin na daw kita” masayang naglalaro ang dalawang bata habang inaarte ang palabas na napanuod sa kapitbahay.

            Sa kabilang dako ay masusing pinagmamasdan ni Paulo ang dalawang batang ilang metro lang ang layo mula sa pintuan ng kanilang bahay. Nasa ika-unang baiting ng elementary si Paulo, sa edad niyang walo ay aakalain mong limang taong gulang lamang siya dahil sa payat nang kanyang pangangatawan. Nung mga oras na yun naisip niya, ano kaya kung maglaro rin siya. Magmula sa pintuan ng kanilang munting barong-barong ay naglakad siya ng ilang hakbang para kunin ang kulay asul na plastic na laruang eroplano na nakapatong sa tokador. Matapos kunin ang laruan ay siyang-siyang iwinagyaway ng musmos ang laruan na animo’y ngayon lang nakadama ng ganoong kasiyahan. Yun ang kauna-unahan niyang laruan, luma na sapagkat nakita lamang iyon ng kaniyang ama habang nangangalahig sa bundok ng basura ilang metro lang ang layo sa bahay nila. Naalala pa niya, tuwang-tuwa siya noon habang pinagmamasdan ang paglilinis na ginagawa ng  kaniyang ina sa laruang dinala ng kaniyang ama.

“Ma-de in  tsii-na” binabasa niya noon ang mga nakasulat sa ilalim ng laruang eroplano nang dumating ang ama at narinig siya.

“Meyd in Tsayna.” Pagtatama ng ama – Si Mang Carlos na bagamat na nasa edad singkuwenta’y sais na ay hindi mo makikitaan nang anumang kunot sa mukha na bakas nang mga nagdaang problema.


Muling bumalik sa paglalaro ang utak ni Paulo, ang mga bata sa tapat ng pintuan, ang kumakalam na sikmura at ang laruang eroplano na nagbibigay sa kanya nang kakaibang kasiyahan na nagiging dahilan para makalimutan ang lahat kabilang na ang kumakalam na sikmura.

“Anak  ‘pag nagutom ka, meron nang makakain diyan sa lamesa. Kumain ka na lang diyan at baka hapon na makauwi ang tatay mo.” Hawak ng ina ang labada pero hindi nakalimot paalalahanan ang anak na may tuyong isda at kamatis na nakahain sa lamesa. Ang ulam na madalas nilang ulamin isang beses sa bawat araw ng linggo.

Ngunit hindi iyon pinansin ng bata, sa paglalaro ni Paulo ng eroplano ay muling pumasok sa kanyang isipan ang isang gunita.

“Anak, anong gusto mo paglaki mo?” masayang tanong nang kanyang ama nang minsan ay dumating itong pagod galling sa pagtatrabaho.

“Gusto ko pong maging masaya tay.” Masayang tugon ni Paulo.

“Ang ibig kong sabihin anak ay kung ano ba ang pangarap mo? Parang gusto mo maging trabaho pag laki mo, ganun. Doktor? Nars? Indyinir?” masayang inaantay ni Mang Carlos ang isasagot nang anak nang biglang sumabat sa usapan ang may bahay niyang si Aling Tasya.

“Hoy Caloy! Tigil-tigilan mo nga yang pagpapaasa sa anak natin! Pangarap, pangarap, baka isang araw basurero na rin yang anak mo katulad mo.”

Yumukod lang si Mang Carlos bilang simbolo nang pagkatalo, tama ang asawa niya. Malaman man niya kung ano ang pangarap ng anak ay imposible niyang mabigyang katuparan ang gusto nito.


Bumalik muli ang isip ni Paulo nang dumating ang ama, sa isip-isip niya alam niya na kung ano ang pangarap niya at sasabihin niya na ito sa ama. Mabilis niyang sinalubong ang ama, nagmano at pagkatapos ay kumuha ng baso ng tubig para ipainom sa ama.

“Tay alam ko nap o ang pangarap ko.” Masayang sabi ni Paulo.

“Ano anak?”

“Drayber po ng eroplano.”
Napangiti si Mang Carlos sa sinabi ng anak. “Piloto ba kamo?”

“Opo. Piloto nga po.” masayang tugon ni Paulo. Muli ay humakbang siya papunta sa isang sulok ng bahay para hanapin ang kanyang laruan, laruan na nagbigay nang maraming ala-ala, ang laruang eroplanong nagsilbing kayamanan niya.

                                         Opisyal na Lahok para sa Kategoryang Maikling Kwento
                                                              Saranggola Blog Awards 3
               


Monday, October 10, 2011

Dalawampung minuto ng kung ano-ano


Dahil rumenta ko ng 20 minuto sa computer shop ng kapitbahay ko, eto ko magsusulat na naman ng kung ano-ano. Wala kasi akong magawa, sinusumpong na naman ako ng sakit ko, inuutusan na naman ako ng utak ko na magtipa sa keyboard ng mga bagay na naiisip ko. 

Maraming nangyari noong lumipas na mga araw na hindi ko alam kung may kwenta o wala: pero para sa katulad kong walang ginagawa sabihin na lang natin na meron.

-Nautusan akong bumili ng gamot sa ngipin ng tito kong mahilig manigarilyo, namamaga daw kasi yung ngipin niya. Punyeta, yosi siya ng yosi tapos ako papabilihin ng gamot. Sinabi ko sa kanyang kaya namamaga yung ngipin niya dahil sa paninigarilyo pero di siya naniwala. Nung bumibili na ko ng gamot sa drugstore, napagkamalan pa kong may tulo.

Sa drugstore.

Ako: Pabili, penbid.

Pharmacist: Wala e. 

maya-maya nung nakatalikod na ko may sinabi siyang ganito sa isang babaeng customer,

"May tulo yata. hehe[narinig ko talaga yung tawa nung pharmacist. Pramis]

Syempre para ipagtanggol ang sarili ko sumagot ako ng ganito,

"Wala ah. Gamot ba sa tulo yung binibili ko? Inutos lang kasi yun sakin e?

Tapos ngumiti lang yung pharmacist, ngiting nangangahulugan ng "Oo". Nung mga oras na yun parang gusto kong tawagin si the flash para buhatin ako papunta sa bahay para mabatukan ko yung tito ko na ginoyo ata ako dahil sa pinabiling gamot. Walang the flash na lumabas, umuwi akong hindi nakabili ng gamot sa sakit ng ngipin [gamot sa tulo], napagod lang ako sa paglalakad pero ayos lang nakabawi naman ako paguwi ko ng bahay.

"Tito, may tulo ka no? haha" 

"Gago  wala! bakit?!"

"Sabi kasi ng pharmacist gamot daw sa tulo yung pinapabili mo e." 


- - - - - - -

Nanuod ako ng balita kanina, pero hindi ako nanood ng miss universe kahapon ah. Nakakagulat talaga yung mga balita sa t.v. Hindi na lang pala pambato at pagsusulat sa pisara ng eskwelahan ang gamit sa chalk ngayon, pinapakain na rin pala siya sa estudyante. Ayos! Cool! Ano kayang lasa ng chalk? Lasang an-an kaya yun? Yung chalk ba sa bareta at powder na commercial parahas sa chalk na pinangsusulat sa blackboard? At ano ba talaga ang sikreto ni Elenor?
Balik sa usapang chalk, kawawa naman yung estudyante pero kawawa din naman yung teacher kasi nanganganib siyang mawalan ng trabaho [malas pa 'pag nakulong]. Paano na lang yung mga mani, yema at popcorn na tinitinda ni ma'am tuwing break time? 

. . . 

Sa isang klase sa PNHS. . .

Studyante: Ma'am si Melicor po naniniko o'

Teacher: Melicor, hindi mo ba alam na masakit ang maniko?

Para kanino ka bumabangon?


Gumising na naman ako ng maaga, pero hindi para mag-apply kundi para kumuha ng card ng mga kapatid ko na hindi naman nakikinig sa mga utos ko. Mabilis na dumaan sa lalamunan ko ang almusal na kinain ko: Longganisang tira kagabi saka kaning bahaw [nanaman!]. Natapos ang usapan namin ng nanay ko kung magkano ang ibibigay niyang pamasahe, nagbigay ng 70 pesos at mukhang hindi nakasimangot, tapos may inabot na sobre, [suhol ata] pagbuklat ko bill pala ng kuryente. Pambihira! Gusto pa kong pagudin ng nanay ko, pumunta raw ako ng SM para bayaran yung bill namin, baka maputulan daw kasi. Masyado na talagang paranoid ang nanay ko, dati yung tigyawat ko yung kinatatakutan niya ngayon pati pagbabayad nang bill ng kuryente kinatatakutan na rin niya. Tsk. Tsk. Pero ayos na rin, atleast di naniniwala yung nanay ko sa mga propesiyang nagsasabing magugunaw na ang mundo sa petsang ganito. Pakenshet talaga! 

 + + + + +
Maaga kong nakapunta sa room ng kapatid kong 4th year, wala pang magulang, ako pa lang yung tao saka yung adviser ng kapatid ko. Tingin saglit sa cellphone. Text. Walang nagreply. Text ulit. Wala pa rin. Tingin sa paligid baka may ninjang yagit. Meron nga, may nakita kong yagit pero hindi ninja. Biglang pumasok sa isip ko yun huling pasok ko sa room na yun, PTA meeting ata ni utol yun. Ganoon at ganoon pa rin ang itsura ng classroom, madumi, walang pintura ang dingding, marami pa ding sirang upuan at mga sirag estudyante na patuloy na sinusulatan ang mg upuan. Malapit na rin pala masira yung teachers desk, siguro may estuyanteng sumisira nun. Teka. Ba't ko ba pinoproblema to? 
May problema din akong dapat atupagin at lutasin. Tsk. Kaya ayokong maging masyadong palamasid e, kung ano anong kabalbalan na lang kasi yung pumapasok sa isip ko e. Nung matapos kung kunin yung card ng kapatid ko, pinuntahan ko agad yung CR na ginagamit ko nung OJT pa ko nang nasabing eskwelahan. May nakapaskil, nakasulat sa malalaking itim na bold letters ang katagang ganito,
"FOR MALE TEACHERS ONLY"

Banas. Sasapog na ang pantog ko, first floor pa ang CR para sa mga esudyante at nasa third floor ako. Natiis ko naman, tapos nung nasa first floor na ko biglang nawala yung ihi ko [hindi na ko naiihi, baka nasilisihan yung pantog ko]. Nung nasa baba na ko , napangiti ako, tama nga talaga yung hinala ko. Wala pa ring bago sa eskwelahan, andun pa rin yung hindi pagkakapantay - pantay ng esudyante at guro sa ibang aspeto. Sigurado ko meron pa ring mga teacher dun na malakas maningil ng bayad sa Xerox. Isang Xerox , dalawampiso. 

"FOR MALE TEACHERS ONLY"
Di talaga ko makamove on e, nung PTA meeting pa kasi yung paskil na yun. Datai naman nakakaihi ako dun ah, OJT ako nun at hindi teacher. Ano ba naman yan, ano bang pagkakaiba ng ihi ng guro sa ihi ng esudyante? Mas mabango ba ang ihi ng guro sa ihi ng esudyante? O baka naman amoy albatros yung ihi nila? 
Kung ebs naman ang paguusapan sigurado akong walang pinagkaiba ang amoy ng ebs ng lalaking guro kesa sa ebs ng mga lalaking estudyante [maliban na lang kung may almonds at mais yung ebs nila]. Gross ko! 
At kung may tao mang magsasabi nang "Malaki ang pinagkaiba ng amoy ng ebs ng guro kesa estudyante." sasabihin ko sa kanyang magsama sila ng mga kapatid ko. Basta ako, isang bagay lang ang alam ko. Mabaho ang ebs. Mabahong - mabaho.