Palihim
niyang pinagmamasdan ang babaeng nakatayo sa kabilang parte ng waiting shed.
Marahil ay naghihintay din ng pagtila ng ulan o kaya ng sundo. Sa kaso ni Jay,
pagtila ng ulan ang hinihintay niya para makasakay na ng dyip. Siya na isa sa
pinakamatalinong lalaki sa kurso nila ay nakatitig lang sa babaeng maaaring
kabilang sa pinakamagaganda at matatalinong babae sa unibersidad na pinapasukan
niya. Hindi naman niya makausap o di kaya ay magawang kawayan man lang sapagkat
nahihiya siya rito. Sayang, iyon lang ang salitang nasambit niya nang maalala
ang dahilan kung bakit siya naghihintay tumila ang ulan sa lumang waiting shed
ng kanilang paaralan. Kung may payong siya, baka inalok niya itong sumabay sa
kaniya. Problema nga lang kung papayag ba ito o hindi kapag inalok na niya.
Kung papayag man ay hindi siya kakanta habang nakasukob sila sa payong habang
naglalakad sa gitna ng pagbuhos ng ulan, ayaw niyang kumanta dahil baka lumakas
pa lalo ang ulan. Hindi niya din isasayaw ang magandang dalaga katulad ng napapanood
niya sa mga pelikula.
Matapos
ang pangangarap ay muli pang pinagmasdan ni Jay ang babae na para bang
kinikilatis ang bawat galaw nito. Mayroon itong mahabang itim na buhok na abot
hanggang baywang, pabagsak iyon at walang tali o ipit na pumipigil sa
pagkatuwid ng buhok nito. Morena lang ang kulay ng balat. Walang kahit anong
burloloy sa katawan. Simple kumbaga. Bago niya muling iiwas ang pagkakatitig sa
babae ay tiningnan niya naman ang mukha nito. May magaganda itong mga mata,
hindi singkit at hindi din malaki. May tangos ang ilong at mapupula ang labi at
mahahalata mong walang lipstick na humalik sa mga labi ng babae. Sa madaling sabi
ay maganda.
Walang
kainip – inip ang babaeng naghihintay sa pagtila ng ulan, hindi niya katulad na
kanina pa naiinip dahil may trabaho pa nga siyang papasukan sa malapit na
fastfood restaurant. Isang sakay lang ng dyip ang layo sa kanilang paaralan. Sa
pag-iwas niya sa tuwing tumitingin sa kaniya ang babae ay siya namang
pagbabalik ng tingin niya sa tuwing hindi ito nakatingin. Tiningnan muli ni Jay
ang mga mapupulang labi nito, tila sa sandaling nasa ilalim sila ng waiting
shed ay para bang gusto niyang hagkan ang labi ng babae na nasa kabilang parte
ng kanilang sinisilungan. Hahalikan niya iyon ng may lambing, may pagmamahal o
di kaya’y pipigilin ang labi nito gamit ang kanyang hintuturo sa tuwing
sasabihin ng babaeng mahal din siya nito. Sapagkat kung magkakaganoon man ay
alam niyang mahal nga din siya nito.
Pagmulat
ni Jay sa gitna ng pangangarap ay nagulat na lang siya ng bigla niyang
mapansing nakatitig na sa kanya ang babae. Nginitian siya nito na para bang
alam ng babae kung ano ang iniisip niya. Dala na din ng matinding hiya ay
mabilis niyang iniwas ang kaniyang tingin sa babaeng kanina niya pa
pinagmamasdan at saglit na pinangarap na mahagkan. Sayang, iyon uli ang
salitang sa isip ay sinambit niya nang naunahan siya ng hiya at nakalimutang
ngumiti pabalik sa babae. Ilang minuto pa ang lumipas ay nagkahiwalay na sila
ng babaeng sa darating na panahon ay malalaman niyang Shiela ang pangalan.
Umalis sila sa waiting shed na walang impormasyon na nalalaman sa isa’t – isa.
Walang pangalan, cellphone number o simpleng batian man lang.
Matapos
umalis ng babae sa waiting shed ay umalis na din siya. Tumila na din kasi ang
ulan.
Ilang
araw pa ang lumipas bago nakilala ni Jay ang babae. Nalaman niyang matalino nga
ito tulad ng unang akala niya. Nagpasiya siyang ligawan ito dahil naniniwala
siyang kaya niyang gawing pariwara ang buhay ng babae. Natutuwa siyang isipin
na babagsak ang mga grado nito nang dahil sa kaniya. Isa pa ay gusto niya naman
talaga kasi ang babae mula pa man ng makita niya ito sa waiting shed na malapit
sa kanilang unibersidad.
Nangyari
at nagawa nga ni Jay ang panliligaw ngunit ikinagulat niya ang resulta sa
babaeng kaniyang nagustuhan mula pa noong unang araw na una niya itong
masilayan. Hindi man lang naging bagsak ang mga grado nito bagkus ay mas naging
matataas pa ang mga ito.
Huling
taon nila noon sa kolehiyo at mula pa noong nakaraang dalawang taon ay
nililigawan niya na ito. Minamal na niya kaya siguro tumagal ng ganoon ang
pangliligaw niya kay Shiela. Naalala niya pa nang sabihin nito sa kaniyang
darating ang tamang oras na sasagutin din niya ito.
“Sasagutin
mo ba ako?” tanong ni Jay sa kaharap na nakatingin lang sa mga estudyanteng
nagdaraan sa kanilang harapan.
“Bakit,
nanliligaw ka ba?” tanong ni Shiela. Saka ngumiti ito na para bang inaasar
siya.
“Manliligaw
ako. Sisimulan ko na ba ngayon?”
“Ikaw
ang bahala.”
“Pwede
bang bukas na lang?” nangingiting tanong ni Jay sa kaharap. Sabay silang tumawa
ng malakas. Malulutong na halakhak. Malagkit na tingin at tahimik na ngiti na
nagpapahiwatig ng lihim na pagtingin sa isa’t – isa.
Sa araw
ng pagtatapos ni Jay ay para bang pinasok ng napakaraming kabayo ang puso niya.
Kumakabog. Napakabilis. Mula sa kumpulan ng mga estudyanteng kasabay nila sa
pagtatapos ay lumabas si Shiela at sinunggaban siya ng yakap. Si Shiela na noon
pa man ay minahal na niya at ginawang inspirasyon.
Nakangiti na naman ito sa
kaniya. Ngiti na kung maaari lang ay gusto niya palaging nakikita. Bumilis na
naman ang tibok ng puso niya. At lalo pa itong bumilis ng halikan siya ng babae
sa pisngi. Gwapo siya pero iyon ang kauna-unahang halik na hindi nanggaling sa
kanyang magulang. Para bang uminit ang pisngi niya ng madama ang halik ng
babaeng matagal nang minamahal. Nayakap niya na din si Shiela, marahil ay dala
iyon ng labis na pagkatuwa. Mahigpit ang yakap niya na parang ayaw niya itong
bitawan. Bago pa siya bumitaw mula sa pagkakayakap sa nililigawan ay hinalikan
niya ito, sa noo nga lang. Madiin at puno iyon ng respeto at pagmamahal. Saka
niya naibulong sa sarili ang pagmamahal sa babae.
“Bumitaw
na ako sa pagkakayakap ha?” pagtataka niyang tanong habang tinitingnan ang
babaeng hanggang kili – kili niya lang ang tangkad. “Bakit nakakapit ka pa
diyan?”
“Ayaw mo
ba?”
“Gusto.”
“Ayaw mo
yata e. Aalisin ko na lang.”
Pinigil niya sa pagkalas mula sa pagkakayakap ang kamay
ng kaharap at tiningnan ito sa mata.
“Huwag.
Yakapin mo lang ako, hanggang mangalay yang braso mo.” Sambit niya habang
nakatingin sa mata ng babaeng kaharap. Nginitian niya pa ito.
“May
bayad na.” pagbibiro ni Shiela.
“Magkano?”
“Hindi
magkano ang tanong kundi ano.”
“Ano
pala?”
“Pagmamahal.”
Nagtawanan sila ng malakas.
“Ibig
sabihin ba nito e sinasagot mo na ‘ko?”
“Hindi.”
Ngumiti ito saka muling nagsalita. “Minamahal na kasi kita.”
Ayaw mang aminin ni Jay sa sarili na
kinikilig siya pero lumalabas iyon sa bawat ngiting itinutugon niya sa kausap.
Siya na siguro ang pinakamasayang lalaki noong gabi ng kanilang pagtatapos. Sa
kalagitnaan ng gabi ay ipinangako niya sa mga bituin, buwan at sa sarili na
mamahalin niya ang babaeng kaharap kahit ano pa man ang mangyari.
Muli bago magpunta sa
kanilang mga magulang ay nagyakap silang muli. Nagpaalam sa isa’t – isa. Buong
gabi siyang hindi nakatulog noong araw na iyon.
Hindi niya alam na
napakatagal pa ng lalakbayin ng kanilang pag-iibigan. Paulit – ulit na
masasayang tagpo na puno ng pagmamahal ang nangyari sa kanilang dalawa ng
kasintahan. Mga bagay na ginagawa ng mga magkasintahan na kasing edad lang
nila. Walang oras ang sayang sa tuwing magkasama sila ni Shiela. Kahit pa noong
nagtatrabaho na sila. Sa mga magulang nila ay wala naman silang problema dahil
hindi naman ito tutol sa kanilang relasyon, botong – boto pa nga ang mga
magulang ni Shiela sa kaniya.
Ngunit sa paglipas ng
maraming taon ay laging may pagsubok na dumadating sa kahit anong relasyon. Pinasya
ni Jay na magtrabaho sa Qatar at iwanan pansamantala ang kasintahan dala ang
pangakong madalas niya itong tatawagan at i-chachat. Kasabay ng pangakong iyon
ay ang pagsasabi niya kay Shiela na hindi na ito muling mabibigo sa pagbabalik
niya. Dadalhin niya patungo sa Qatar ang pangarap niyang iyon para sa kaniyang
pamilya at kay Shiela.
Tiniis niya pa ang mahabang
taon ng hirap para sa mga minamahal at sa babaeng kanyang iniibig na naiwan sa
Pilipinas. Ilang taon pa nilang hinawakan ang pag-ibig at tiwala sa isa’t –
isa. Madalas ay tatawagan niya at kukumustahin ang kasintahan.
Madami pang araw, linggo at
buwan at taon ang tiniis ni Jay para makapiling si Shiela. Hindi siya naiinip
sa paghihintay na darating ang araw na aalis na siya ng Qatar at hindi na
muling babalik pa rito. Magpapakasal sila. Lalagay sa tahimik at bubuo ng
pamilyang masaya. Pamilya lang, naniniwala kasi siyang matagal ng nabuo ang
mundo nilang magkasintahan.
Isang napakalaking balita
ang nagpabago ng kanilang pag-iibigan. Ang balitang nagahasa ang kaniyang
minamahal. Sobrang sakit ang nadama niya ng malaman ang balita, para bang
winawasak ang dibdib niya ng sobrang sakit at pagkalungkot na nadarama. Naawa
siya sa minamahal. Umiyak siya sa opisina niya ng palihim. Hindi makapaniwalang
mangyayari iyon sa kasintahan niyang madalas niyang ipinagdarasal na sana ay
ilayo sa kapahamakan. Sa kabila ng sakit na nadarama para sa sarili at pagkaawa
sa kasintahan ay para bang gusto na niyang umuwi at bumalik kaagad ng
Pilipinas. Gusto niyang yakapin ito ng mahigpit, yakap na mas mahigpit pa noong
araw ng kanilang pagtatapos. Iniisip niya na kapag yakap niya na kapag yakap
niya na si Shiela ay sasabihin niya rito ang mga salitang pinag-isipan niya
bago pa siya umalis sa Qatar. Sasabihin niya siguro sa kasintahan ang ganito,
“Andito lang ako, hindi kita
iiwan kahit ano pa ang mangyari.”
Iyon ang salitang gusto
niyang sabihin sa minamahal, iyon kasi ang ipinangako niya sa buwan, bituin at
sa sarili noong araw na sagutin siya nito. Iyon din siguro ang gagawin niya
kahit hindi man siya nangako noon. Noong mga panahong iyon ay naisip niya na
sana ay siya na lang si Superman, gusto niyang lumipad para makapunta agad
patungong Pilipinas. Alam niyang masakit ang nararamdaman niya ngunit mas
masakit ang nararamdaman ng kasintahan niya.
Nang mabalitaan ng among
Arabo ni Jay ang nangyari sa kasintahan ay pinagbigyan siya nitong umuwi muna
ng Pilipinas at magbakasyon doon. Naisip niya habang nakasakay sa eroplano na
para pala siyang tanga na ipinaglalaban ang karapatan para maging ama kung
sakaling may mabubuo mang bata sa sinapupunan ni Shiela. Tanga na siya sa lahat
ng tanga, ganoon naman talaga kapag nagmamahal hindi ba?
Demonyo ang lalaking
gumahasa sa kaniyang kasintahan. Demonyong sumira sa kanilang pag-iibigan at sa
kanilang mga pangarap. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na tinawag niya ang
isang rapist na demonyo.
Ilang buwan pa ang lilipas
ay may mabubuo ngang bata sa sinapupunan ni Shiela. Hindi iyon kay Jay. Lumusob
pa siya sa bahay ng mga magulang nito para sabihin na siya na lang ang gawing
ama, tutal naman ay mahal na mahal niya si Shiela. Hindi pumayag ang mga
magulang ni Shiela, sinabi nito sa kanya na kung sino man ang nakabuntis sa
anak nila ay siya din ang dapat managot sa responsibilidad.
Labis na pag-iyak ang ginawa
ni Jay noong araw na iyon. Umuulan na para bang ipinapaalala nito ang unang
pagkakita niya sa kasintahan. Sinasabayan ng ulan ang pagluha niya na para bang
pagdamay iyon sa pagkabigo ng kaniyang pagtatangkang makuhang pabalik ang
kasintahan. Hindi niya man nakitang ipinaglaban ng babae ang kanilang
pagmamahalan ay ayos lang. Inisip niya na lang na labis na trauma siguro ang
dahilan kaya hindi man lang nakatutol ang kasintahan sa kagustuhan ng mga
magulang nito. Masakit na naman ang dibdib niya. Napakabigat ng kaniyang
dinadala. Habang naglalakad sa ulanan ay niyakap niya ang sarili na para bang
lamig na lamig. Sa paglalakad sa gitna ng ulan ay napaluhod na lang siyang
bigla nang hindi na kayang ilabas ng luha ang sakit na nadarama. Iyon ang
huling araw na naalala niyang nakita niya ang kasintahan.
Sa paglipas pa ng ilang taon
ay magtatagpo muli sila ni Shiela sa isang social networking site, sa facebook.
Trenta anyos na si Shiela at bente otso naman siya. Magkakamustahan. Nasa Amerika
na si Jay at nasa Pilipinas naman si Shiela. Pareho ng may kaniya – kaniyang
pamilya. Tatlo ang naging anak ni Shiela, isa naman ang naging anak ni Jay.
Palihim nilang ginagawa ang pag-chachat. Ang pag-alala sa naputol nilang
pag-iibigan ay itinuloy nila sa pamamagitan ng pag-uusap at pagkukumustahan.
Nobyembre ng taong 2014 ng
muling makabalik si Jay sa Pilipinas. Araw ng Linggo ang napag-usapan nilang
araw para makita ang isa’t -isa. Sila at tanging sila lang, walang mga anak o
asawang kailangan. Sa Entrance pa lang ng mall ay mabilis na silang nagyakap ng makita ang isa’t –isa.
Walang umiiyak at walang nagpapahalata na kulang ang bawat isa.
“Kamusta?” si Jay ang unang
nagsalita.
“Ito, ayos lang. Ikaw ba?”
nakangiting tanong ni Shiela.
“Malungkot, simula ng nawala
ka.”
“Sus! Drama mo ha!”
Saka muli ay nagtawanan sila
na para bang walang nangyaring kakaiba. Ramdam sa bawat puso na sila pa din ang
dating magkasintahan kahit sa dami na ng taon ang lumipas. Alam nila na masama
ang palihim na pagkikitang kanilang ginagawa. Masama sa mata ng ibang tao
ngunit hindi sa kanila. Magyayaya si Jay na manood ng sine. Bibili ng ticket at
papasok sa sinehan na magkahawak ang kamay. Sa dilim ng sinehan ay mas
pinapanood ni Jay ang mukha ng dating kasintahan kaysa sa palabas sa malaking
screen na nasa kanilang harapan. Hinahaplos niya ang kamay nito. Hindi sila
nagbibitaw. Nangingiti siya at nagtatanong sa sarili kung bakit hindi man lang
nagiba ang tingin niya sa dating sinisinta. Sa kalagitnaan ng palabas ay
magtatanong siya.
“Kamusta na pala kayo ng
asawa mo?” tanong ni Jay kay Shiela.
“Okay naman kami. Mabait
naman ang asawa ko.”
Hindi man iyon ang inaasahan
niyang sagot ay magiging masaya siya para sa dating kasintahan. Iyon naman kasi
talaga ang pangarap niya noon pa, ang maging masaya sa buhay si Shiela.
“Hindi magagalit kahit
sabihin mong nagkita tayo ngayon dito?”
“Magagalit siyempre. Ikaw
talaga Jay, palabiro ka pa din hanggang ngayon.”
“Hindi no. Sineryoso kaya
kita.”
“Kumukorni na yata ang pagjojoke
mo. Last mo na yan ha?” pang-aasar ni Shiela sa kaniya.
Hindi siya iimik saglit.
“Ayoko
nga.”
Ngingiti
siya na para bang nangaasar. Saka sila magtatawanan ng malakas sa loob ng
sinehan.
Matapos ang palabas ay
maglalakad ulit silang magkahawak ang kamay na para bang mga tinedyer.
Magkukwentuhan habang naglalakad. Kakain sa isang restaurant. Magtatawanan.
Alam ni Jay sa sarili na nagkahiwalay man sila ng mahabang panahon ay patuloy
namang mabubuhay ang pag-iibigan nila. Sa pamamagitan marahil ng kanilang
masayang ala-ala. Marahil ay naghihintay lang sila ng pagkakataon para
ipagpagtuloy ang naudlot na pag-iibigan noon.
Sa pagbibitiw ng kanilang
kamay at paghihiwalay ng landas ay maiisip ni Jay na hindi man maghinang ang
kanilang mga labi o di man magkayakap ng matagal ay patuloy naman nilang
mamahalin ang isa’t –isa. Naramdaman niya iyon noong nagkayap sila at noong hawakan
niya ang kamay ng dating kasintahan. Alam niyang naramdaman din iyon ni Shiela.
Ang munting kislap ng kuryenteng mayroon pa sila. Hindi man nila nasabi sa
isa’t – isa ang nararamdaman ay alam naman nilang mabubuo muli ang kanilang mga
puso na winasak ng pangyayari at panahon. Muling maglalapit iyon o magdidikit
katulad ng mga kamay nila mula noong pumasok at lumabas sila ng sinehan.
Pag-labas ng mall ay
kinawayan ni Jay si Shiela. Hinatid niya ng tanaw ang dating kasintahan
hanggang sa mawala ito sa kaniyang paningin. Ingat at hindi paalam ang salitang
sinambit niya. Nakangiti silang iniwan ang landas ng isa’t -isa. Nang mawala
ang babaeng minamahal ay muling ibinulong ni Jay sa hangin ang pagmamahal sa
dating kasintahan.
“Mahal na mahal kita Shiela.
Hanggang sa muli, paalam.”
* Lahok para sa Saranggola Blog Awards 6 http://www.sba.ph/