Friday, October 30, 2015

Isko

Kapareho na naman ang tagpo noong mga nakaraang araw. Nagkakatuwaan na naman ang mga bata sa panunukso sa isang lalaki. Si Isko. Nakapaligid na naman ang limang bata kay Isko, labing limang taon lang si Isko at mantakin mo, matagal niya nang tinitiis ang mga panunukso ng mga bata. Ginagaya – gaya ang pagsasalita niya. Nasa harapan niya ang isang batang lalaki at babae. May mga sinasabing hindi niya naman naiintindihan at hindi niya naririnig. Pero ramdam niya na masasama ang sinasabi ng mga batang nakapalibot sa kaniya dahil nakikita niya sa mga mukha nito ang labis na pagkatuwa sa kaniya kahit wala naman siyang ginagawa. Mabuti na lang talaga at dumating si Aling Melba.
                “Hoy! Tigilan niyo nga ang anak ko! Araw – araw na ginawa ng Diyos! Mga walang modo!” pag-awat ni Aling Melba sa mga bata. Sumenyas si Aling Melba kay Isko at pinalapit sa kaniya ang anak, niyakap, suminghot – singhot na tila ba nagpipigil sa pag-iyak. Inakay papunta sa bahay.
                Nagbabasa noon si Mang Elmer nang pumasok sa loob ng bahay ang mag – ina.
“Ano na naman ang nangyari? Narinig na naman kitang sumisigaw. Pinapagalitan mo na naman ba yung mga batang nanunukso diyan sa anak natin?” Saka ibinaba ni Mang Elmer  ang diyaryo at kinuha ang tasa ng kapeng umaaso pa na nakapatong sa lamesitang nasa harapan niya.
“Paanong hindi ko papagalitan, lagi na lang inaalaska itong si Isko ko e.” Sabay hatak sa anak na walang kamuwang – muwang sa pinag-uusapan ng mga magulang.
“Pabayaan mo na sa susunod ang mga batang yan. Ilang beses mo na bang sinaway ang mga yan? Magulang dapat ang nagmamando sa mga anak nila. Hayaan mo’t kakausapin ko sa susunod ang mga magulang kapag inulit pa.”
“Sinabi mo na rin iyan dati pero hindi mo naman kinausap. Baka pwedeng gawin mo na kapag naulit pa? Si Isko na natin ang kinakawawa e.” ang pangungumbinsi ni Aling Melba sa asawa.
“Sige na nga, kakausapin ko na. Mahirap na at baka sabihin mo pang wala akong pakialam diyan sa anak natin.”
                Tumigil lang ang pag-uusap ng mag-asawa nang muling humigop si Mang Elmer ng kape. Muli itong bumalik sa pagbabasa ng diyaryo. Si Aling Melba naman ay dumiretso na sa kusina para magluto ng tanghalian.
                Natapos ang usapan ng mga magulang niya na wala na naman siyang naintindihan kahit isa. Pero kahit ganoon na wala siyang naririnig o naiintindihang salita ay alam niyang nagtatalo na naman ang mga ito dahil sa mga batang nakapalibot sa kaniya kanina. Iyon na lang kasi madalas ang tagpo tuwing umaga kaya kabisado na niya ang ekspresyon ng mukha ng nanay at tatay niya.
                Madalas pa nga siyang inaapi sa kanila. Kapag bumibili sa tindahan ay paminsan – minsang niloloko ng tinder, paulit – ulit na ipapaturo ang bibilhin niya  at minsan din siyang pinipilit na magsalita. Minsan naman ay napagtitripan siya ng mga tambay na hubad barong nagiinuman sa isa sa mga eskenitang dinadaanan niya pauwi mula sa eskwelahan. Ang mga maliliit na bata ay sinisipa siya at sinusuntok paminsan – minsan. Ang mga kasing edad naman niya ay ayaw sa kaniyang makipagkaibigan dahil nga hindi naman sila nagkakaintindihan. Ang iba nga ay tinatapat ang bibig sa tenga niya at sinisigawan siya ng ubod ng lakas. Hindi siya nagsusumbong sa nanay o tatay niya. Ayaw niyang masakatan ang mga ito ng dahil sa kaniya. Iniintindi niya lang iyon. Araw – araw niyang iniintindi ang mga ganoong tagpo. Matagal na niyang tinitiis ang pang-aapi sa kaniya ng mga kapitbahay, ng halos lahat ng tao sa Baranggay Palara. Pero habang tumatagal ay lalo lang niyang tinitibayan ang sarili. 
Mapapatunayan ko rin sa inyo na may silbi rin ako. Iyon ang palaging nasa isip ni Isko. May paniniwala kasi siyang ang lahat ng tao ay may silbi sa mundo.
                Isa lang iyon sa normal na araw ng buhay niya. Sa Baranggay Palara kung saan nakatirik ang bahay nila kasama ng iba pang bahay na mas matagal nang naroon kaysa sa bahay nila. Dikit – dikit ang mga bahay, iba’t – iba ang sukat, ang anyo, at ang mga pagkakatayo. May mga bahay na ang ginamit na pader ay ang mga mga yero, plywood o semento. May mga haliging matibay, may mga haliging hindi sigurado kung kailan bibigay.
                Palagi rin mainit ang lugar nila mapatanghali man o umaga. Kaya naman makikitang nakahubad ng pang-itaas ang karamihan sa mga lalaki, payat man o mataba. Ang ibang babae naman, na madalas ay binubuo ng mga nanay ay nasa labas ng bahay madalas kapag tanghaling tapat, nakikipagtsismisan sa mga kumare, kutuhan  at kung hindi na matiis ang init ay dumadayo ng mall para magpalamig, minsan ring nagpupunta sa tong – it – an. Ang ibang binata, dahil bakasyon ay karaniwang nagbabasketbol, naghahalakhakan, nagkukwentuhan, naglalaro sa computer shop at mayroon din namang kumakanta at isinasabay sa tugtog ng gitara. Ang ibang dalaga ay nagpupunta sa mall, nakikipagkuwentuhan sa mga kaklaseng nasa kabilang baranggay o kaya naman ay nanonood ng telebisyon. Ang ibang bata ay naglalaro ng tumbang preso, nagpapatintero, naghahabulan, tumatambay sa computer shop at kapag tanghali ay sapilitang pinapatulog ng mga magulang.
                Iyon ang kulay ng Baranggay Palara na nakikita ni Isko, ang kulay na nagbibigay sa kaniya ng pag-asa para maipakita sa mga kapitbahay na may silbi rin siya. Ang mga kulay na kahit hindi niya naririnig at hindi naiintindihan ay hindi niya naman pinagsasawaang titigan. Araw – araw. Mahal ni Isko ang lugar nila, kahit pa sabihing iskwater’s area lang iyon o kahit pa sabihin ng ibang wala siyang mga kaibigang nakatira roon. Mahal niya ito sa simpleng kadahilanan: ang lugar kasing iyon ang humubog sa pagkatao niya.
                Ngunit dumarating talaga ang araw ng pagbabago sa buhay ng tao. At dumating iyon kay Isko. Isang gabi, noong huling linggo ng Marso. May curfew kaya naman ang halos lahat ng tao ay nasa kani – kanilang bahay na at natutulog. Ang mga tanod na nagroronda ay tumigil na sa paglalakad at humanap na ng pwesto para magawa ang seremonya ng pag-inom at mabanatan na ang alak na pinag-ambag – ambagan. Naubos ang alak. Nakatulog ang mga tanod.
                Hindi makatulog si Isko noong gabing iyon sa hindi niya malamang kadahilanan kaya naman nagpasya siyang umakyat na lang sa bubong ng kanilang bahay sa pagbabakasakaling madampian ang balat ng malamig na hangin ng gabi. Dahan – dahan niyang binuksan ang pinto ng bahay para hindi magising ang natutulog na mga magulang. Madali niyang naakyat ang bubong. Nag-unat – unat pa siya ng kamay. Nang mapalingon siya sa gawing kanan ay malinaw na nakita ng mata niya ang lahat. Ang nasusunog na bahay ng isa sa mga kapitbahay niya.
               
                Ano ang gagawin mo kapag nakikita mong nasusunog ang isa sa mga bahay ng kapitbahay mo? Iyon agad ang tanong na pumasok sa isip ni Isko nang makita niya ang sunog.
                Sisigaw. Iyon ang karaniwang sagot. Ngunit hindi sa katulad ni Isko, sapagkat noong gabing nakita niyang natutupok ng apoy ang isa sa mga bahay na malayo sa kanila ay mabilis siyang bumaba ng bubong. Ginising niya ang mga magulang na natutulog pa. Nang mapaharap ang mga ito sa kaniya at magulat ay sumenyas siya sa kamay. Itinaas papunta sa kanang tenga.
 “Aaah! Aaah! Eeeh!” Tumawag kayo ng bumbero.Iyon talaga ang gusto niyang sabihin sa nanay at tatay niya. Nang hindi makuha ng nanay at tatay niya ang sasabihin ay alistong nagpunta si Isko sa kalan. Binuksan niya, tinuro – turo niya ang apoy. Nang masiguro niyang nakuha na ng magulang niya ang gustong iparating ay dali – dali niyang kinuha ang dalawang isang litrong plastic na bote ng coke na pinaglalagyan nila ng tubig. Pagkalabas niya ng pintuan ay ibinuhos niya agad ang natitirang laman ng bote sa katawan. Hindi na nahabol pa ng mga magulang niya si Isko.
                Parang si The Flash ang bilis ng takbo at ang pakiramdam ni Isko ng takbuhin niya ang bahay na nakitang nasusunog kanina. Habang tumatakbo ay sumisigaw siya ng ubod ng lakas at pinupukpok ang mga bahay na dinadaanan niya ng plastic na bote ng coke na hawak – hawak niya. Ginagawa niya ang lahat para magising ang kaniyang mga kapitbahay. Wala siyang tigil sa pagsigaw. Sa pagpukpok sa mga bahay na dinadaanan.  Nang marating niya ang bahay na nasusunog ay kinatok niya ang pinto ng sunod – sunod. Nagmamadaling mga katok. Sapagkat iyon lang ang tanging magagawa ng piping katulad niya sa mga ganoong pagkakataon: ang mag-ingay para magising ang mga kapitbahay.
                Ngunit mabagal pa rin pala ang pagtakbong kaniyang ginawa. Tinalo ng bilis ng pagkalat ng apoy ang kaniyang pagtakbo. Doon lang din sa puntong iyon napuno ng pagtataka ang isip niya,  na kung bakit sa mga ganoong uri ng gabi na nangyayari ang sakuna ay tila himbing na natutulog ang mga kapitbahay niya. Para bang siya lang at ang mga magulang niya ang gising, na para bang tanging sila lang ang may buhay sa lugar na iyon. O maaari ring siya ang napili ng panahon para iligtas sa pagkalamon ng apoy ang daang – daang, dagat – dagatang bahay na dikit – dikit sa Baranggay Palara.
                “Eeeaahhh! Aaaaah!” ang hindi maintindihang sigaw ni Isko. Sunog ang kanina niya pa paulit – ulit na gustong isigaw ngunit tanging mga palahaw lang ang inilalabas ng kaniyang bibig. Kinatok niya pa nang kinatok ang bahay. Ilang ulit. Hanggang sa makita niyang gumalaw ang pinto. May taong iniluwa ang pintuan na sinabayan ng paglabas ng maitim na usok mula sa loob ng bahay. Umubo – ubo. Umiiyak at panay ang pahid ng luha at sipon. May itinuturo kay Isko.
                “Nasa loob pa ang anak ko!” ang umiiyak na sigaw ng babaeng iniluwa ng pintuan.
Nakailang turo pa ang babae sa pinto bago maintindihan ni Isko ang ibig nitong iparating. Mabilis niyang pinasok ang pintuan. Sa pagbukas ng pinto ay unti – unting naglaglagan ang ilang piraso ng mga kahoy na nagsisilbing pundasyon ng bubong. Nang makakita siya ng katiting na tsansa para mapasok ng tuluyan ang nasusunog na bahay ay hindi na siya nagdalawang isip pa. Kailangan niyang mailigtas ang bata at maialis sa kamang noon din ay dinidilaan na ng apoy. Alisto ang kilos niya, ang pakiramdam ni Isko ay nasa kaniya ang lahat ng lakas ng mundo para makapagligtas. Kinuha niya agad ang bata na muntik nang madilaan ng apoy. Lumabas. At pagkatapos makaalis ni Isko kasama ang mag-inang iniligtas ay saka lang lumaki ang apoy na kumain sa buong bahay. Mabuti na lang at nailigtas niya ang bata.
                Yumakap ang bata sa kaniyang ina. Tumingin kay Isko. Nang magkatinginan si Isko at ang bata ay saka niya lang naalala na iyon ang batang madalas na nang-aasar sa kaniya. Nginitian niya ito. Saka sila tumakbong tatlo papalayo sa nasusunog na bahay.
                “Salamat at iniligtas mo ang anak ko.” Ang sabi pa ng babae kay Isko habang tumatakbo silang tatlo.
Hindi na rin nabigyang pansin ni Isko ang pagpapasalamat sa kaniya ng babae dahil natuon ang pansin niya sa apoy na gumapang sa wire ng kuryente. Inabot na ng apoy ang iba pang mga bahay na kadikit ng bahay na nauna nang nasunog. Sinenyasan na lang niya ang dalawang taong nailigtas. Kinalabit ni Isko ang nanay ng bata para lingunin siya at sa pagharap nito ay itinaas niya ang kanang kamay at itinapat sa tenga na parang inaaktong tumatawag sa telepono.

                Umalis na kayo dito! Tumawag kayo ng bumbero! Humingi kayo ng tulong! Iyon ang mensaheng gustong sabihin ni Isko kung nakakapagsalita lang sana siya. Pagkatapos nang makailang ulit na pagsenyas ay umalis na ang mga ito. Tumango – tango ang babae tanda ng pagkakaintindi sa mga senyas ni Isko.  Sa pag-alis ng mga nailigtas ay muling inulit ni Isko ang pagsigaw. Wala na sa kaniya ang mga plastic na bote kaya ginamit niya ang mga kamay. Kinalampag niya ng paulit – ulit ang mga bahay na malapit ng maabot ng apoy. Mabilis. Makailang ulit siya sa pagtakbo kahit pa ang mga paa’y maraming beses ng natutusok ng mga bato.

                Ililigtas ko ang mga kapitbahay ko. Mahal ko ang Baranggay na ‘to. Ang gustong isigaw ni Isko, kahit pa ang totoong lumalabas lang naman sa kaniyang bibig ay mga salitang hindi maintindihan. Kahit pa mga pagsigaw lang iyon na hindi nabigyan ng kabuuhan.
                Marami na ang nagising ni Isko bago pa kumalat ang apoy sa kabuuhan ng Baranggay Palara. Ang mga naggising ni Isko ay nanggising din ng mga kapitbahay. At ang mga nagising ng mga nanggising ay nanggising ng iba pa. Hanggang ang kabuuan nga ng Baranggay Palara ay magising na. Bilang pa sa daliri ang bahay na nadidilaan noon ng apoy. Si Isko ay napagod na rin sa pagtakbo. Nilakad na lamang niya ang daan pauwi sa mga magulang. At nang hindi na magawang makalakad ay bumagsak na lang siyang bigla sa sementadong daan. Saka lang din napansin ng kaniyang mga kapitbahay na puno na ng sugat at bubog ang kaniyang mga paa.
               
                Hindi na nagawang samantalahin pa ng mga magnanakaw ang pagkakataon. Walang nawalang plantsa, rice cooker, kalan at electric fan na karaniwang nawawala sa tuwing nagkakasunog. Tila ba pati mga magnanakaw ay sumali sa nangyaring bayanihan. Nagtulong – tulong ang mga bumbero at ang mga tao sa Baranggay Palara. Binuksan ang gripo noong gabing iyon ng bawat bahay malapit sa nasusunog. Ang mga kalalakihan ay nagbuhat ng timba- timbang tubig at pinagpasa – pasahan hanggang sa makarating sa pinakauna ng pila para maibuhos sa apoy. Ang mga kababaihan naman ay tumulong din sa pagsasahod ng tubig, hawak ng karamihan sa mga babae ay tabo at planggana. Ang mga bata ay kumuha ng maliliit na galon. Kumuha rin ang iba sa mga bata ng mga tabo at pitsel at sinahod sa gripong nasa loob ng kani – kanilang bahay. Kapag napupuno ang mga pitsel, galon at mga tabo ay inilalagay iyon ng mga bata sa iba pang timbang walang laman. Para bang pinatay ng pagkakaisa ng lahat ng tao sa Baranggay Palara ang dapat sana ay pagkataranta.
                Sa pagdating ng iba pang trak ng bumbero ay lalo pang pinagbuti ng mga lalaki ang pagpapasahan ng mga timbang may lamang tubig. Mabilisang pasahan ng mga timba. Hindi alintana ang pagsakit ng mga kamay. Kailangang mapatay ang apoy. Kailangang magpatuloy ang buhay at manatiling naroroon ang bahay nila sa Baranggay Palara.
Si Isko naman, noong mga oras na iyon ay nakatingin lang, nakahiga pa rin sa sementadong daan, nakangiting pinagmamasdan ang kaniyang mga kapitbahay habang nagtutulong – tulong para mapatay ang apoy.
Nang matapos maapula ang sunog ay may isang babaeng nagtanong.

“Sino pala ang unang nakakita ng sunog?” tanong ng babaeng may hawak na planggana.
“Iyun! Yung Pipi.” Nguso ng babaeng may hawak na tabo kay Isko na nakahiga pa rin at nakasalampak sa sementadong daan.
“Kung hindi dahil sa batang iyan baka nasunog ang lahat ng bahay natin.” Sabi pa ng isang babaeng may hawak na pitsel na nakisali na rin sa usapan.
“E, ano raw pala ang pinagmulan ng sunog? Sino ang may kasalanan?”  tanong ng lalaking may hawak na timba na hindi na rin nakapagpigil na huwag sumabat sa usapan ng mga babae.
“Ewan. Baka pinasunog na naman ni Meyor. Alam mo na…” sadyang putol ng babaeng may hawak na pitsel sa sasabihin niya. “Noon pa ito balak kunin ni Meyor ‘di ba? Saka wala naman daw kandilang nakalimutan doon sa pinagmulan ng sunog sabi nung may –ari.”
“Hayaan niyo na. Ang importante ay ligtas tayong lahat. Huwag na nga kayo magkalat ng kung ano – ano pang tsismis.” Ang sabi ng babaeng may hawak na planggana. “Batiin niyo na lang yung bata. Siya ang dahilan kung bakit nakaligtas tayo.”
                At nagdagsaan na nga ang mga tao tungo sa kinahihigaan ni Isko. Nakangiti pa rin siya. Wala na ang apoy na muntik lumamon sa Baranggay Palara. Binuhat siya ng mga kalalakihan at initsa – itsa sa ere ng mga ito. Masayang nagtatawanan ang lahat habang ihinahagis ang katawan ni Isko sa ere.
                “Si Isko! Ang bayaning nagligtas sa Baranggay Palara!” sigaw ng isang lalaki.
                “Mabuhay!”
                “Isa kang tunay na bayani!”
                “Matapang! Walang alinlangan.”
                “Mabuhay si Isko!”
Iyon ang mga sinisigaw ng kapitbahay niya. Hindi man naririnig ni Isko ang lahat ay nakaramdam naman siya ng labis na saya. Na kahit minsan, sa buhay ng isang piping tulad niya ay napatunayan niyang may silbi siya. May maitutulong din siya sa kaniyang kapwa.
“Ang anak natin, Mer.” Ang naiiyak na sabi ni Aling Melba sa asawang si Mang Elmer habang pinagmamasdan ang anak na hinahagis ng mga kalalakihan.

“Bayani ang anak natin.” Ang tugon ni Mang Elmer. Pagkatapos ay tuluyan na nitong binitiwan ang timbang hawak at kinulong sa pagkakayakap ang asawa.



                                   Opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 7

                                     




Si Abe at Ang Kaniyang mga Tanong


                “Abe, oras na para uminom ng gatas anak.” Ang sabi ng kaniyang Ina.
Kaya naman dali – dali siyang tumakbo kasabay ng mga kapatid patungo sa kanilang ina. Nakahiga lang ito at hinihintay ang mga anak sa pag-inom ng gatas mula sa kaniya. Abe ang itinawag sa kaniya ng ina dahil iyon ang pinaikling pangalan ng amo niyang si Abelardo at malapit iyon sa kulay ng kaniyang balahibo. Iyon din kasi ang tawag ng amo niya sa kaniya. Siya ang unang pinangalanan nito sa kanilang magkakapatid. Nakapikit pa nga siya ng una niya itong marinig. Ang isa namang kapatid niya ay Brownie ang pangalan. At ang isa naman ay Blackie alinsunod sa mga kulay ng mga ito. Siya lang ang natatangi ang pangalan sa kanilang tatlo. Kaya naman pakiramdam niya isa siyang espesyal na tuta sa tuwing tinatawag siya nito.
“Inay, bakit po pala Abe ang pangalan ko?” tanong ni Abe na katatapos lang pakainin ng ina.
“Abe, dahil malapit ang pangalang iyon sa kulay ng balahibo mo anak. Kulay abo kasi ang balahibo mo. “
“Kung ganoon po, espesyal po ba ako inay?” pagtatanong pa ulit ni Abe.
“Espesyal kayong lahat sa akin ng kapatid mo dahil lahat kayo ay anak ko.”
“Talaga po? Kung ganoon po, maaari po akong maglaro kung kalian ko gusto?”
“Oo naman. Dahil bata ka pa kailangan mong maglaro para masanay kang kumilos.”
“Kung ganoon po ay aalis po muna ako para maglaro.” Pagpapaalam ni Abe sa ina. Kakawag – kawag ang buntot niyang tinakbo ang kinaroroonan ng mga kapatid na nauna ng nakapagpaalam para makapaglaro.

                                                                -------------------------------------------
                Isang araw nga pagkatapos uminom ng gatas ay naitanong niya sa kaniyang ina.
“Ano po ang gagawin ko inay kapag dumating ang araw ng aking paglaki?”
“Malalaman mo rin iyon sa takdang panahon, Abe.” Ang sabi ng inay ni Abe.
“Hindi ko po ba pwedeng malaman na ngayon?” pangungulit ni Abe.
“Pwede ko sa iyong ipaalam. Ngunit sigurado akong hindi mo maiintindihan dahil bata ka pa.”
“Kung ganoon po nanay, hihintayin ko na lang po ang aking paglaki”
“Mabuti iyan anak. Sa ngayon maging masaya ka muna sa paglalaro.”
                At muli na naman siyang tumakbo papalayo na kakawag –kawag ang buntot. Habang tumatakbo sa bakuran ay iniisip niya. Ano kaya ang gagawin niya sa pagtanda? Makakapaglaro pa rin kaya siya kapag tumanda? Makakapaghabulan pa kaya sila ng mga kapatid niya?
Ngunit sa labis na pag-iisip ay naligaw si Abe. Napalayo yata ang takbo niya mula sa kinaroroonan ng ina. Nanginig siya. Natakot siya dahil baka hindi na makauwi sapagkat hindi niya na matunton ang amoy ng ina.
Noon din ay napadpad siya sa bakuran kung nasaan si Monicang Manok na madalas na ikwento sa kanya ng ina. Kasama ni Monica ang mga anak nito. Nagkakahig sa lupa at tumutuka. Sa puntong iyon ay pansamantala siyang namangha at nakalimutan ang pagkaligaw.
“Magandang umaga po, Aling Monica. Ako nga po pala si Abe at ako po ay nawawala. Ang nanay ko po ay hindi ko makita. Maaari po bang dito na muna ako para samahan kayo?”
“Kak. Kak.” Ang sabi ni Monicang Manok. “Maaari naman kung iyon talaga ang gusto mo, Abe. Kak. Kak. Ngunit gusto ko sanang pabantayan sandali sa iyo ang mga anak ko. Ayos lang ba iyon sa iyo?”
“Ayos lang po sa akin. Ngunit kapag naging makulit ang mga anak niyo at kung saan – saan tumakbo. Sa paanong paraan ko po kayo tatawagin?”
“Kak. Kak. Narito lang ako sa aking pugad. Kailangan kong limliman ang dalawa pang itlog na naririto. Kak.Kak.” Sako ito umupo sa mga itlog. “Kak. Kak. Ngunit maaari kang tumahol para matawag ang pansin ko. Kak. Kak.”
“Kung ganoon po ay babantayan ko na ang mga anak niyo.”
                                                                ---------------------------------

“Pwede ko bang malaman ang ginagawa ninyo kaibigang sisiw?” tanong niya sa pitong sisiw na nasa harapan.
“Naghahanap kami ng pagkain.” Sabay – sabay na sagot ng mga sisiw na animo’y mag-kakakambal.
“Hindi ba kayo pinapakain ng inyong inay?” tanong niya pa uli.
“Pinapakain noong umpisa. Ngunit tinuruan niya kami kung paano maghanap ng pagkain dahil iyon daw ang gagawin namin sa aming paglaki.” Sabay – sabay ulit na sabi ng mga sisiw.
Aw. Aw. Aw. Tahol ni Abe. Agad na tumalon si Monicang Manok mula sa pugad.
“Kak. Kak. Kak. Anong nangyari? Nasa panganib ba ang mga anak ko?” natatakot na tanong nito.
“Ayos lang po sila Aling Monica. May gusto lang po sana akong itanong kaya tinawag kita.”
“Ano ang itatanong mo, Abe?”
“Alam niyo po ba ang gagawin ko kapag lumaki na ako?” tanong ni Abe kay Monicang Manok.
“Kak. Kak. Naku! Hindi ko alam ang sagot sa tanong mo. Kak. Kak.” sagot ni Monicang Manok habang nililingon ang mga sisiw nito.
“Dahil po ba hindi kayo ang nanay ko?”
“Kak. Siguro. Ang alam ko lang kasi ay ang gagawin ng mga anak ko kapag sila’y malalaki na. Kak.”
“Wala po ba kayong kahit anong ideya?” tanong ulit ni Abe.
“Wala Abe. Kak. Kak. Bata ka pa. Maging masaya ka muna sa paglalaro bago mo isipin ang pagtanda. Kak. Kak.” Ang sabi ni Monicang Manok.
“Kung ganoon po ay maaari niyo po ba akong samahan para makabalik kay nanay?” pagpapaalam ni Abe.
“Naku! Kak. Hindi kita masasamahan. May mga itlog pa akong kailangang limliman. Ngunit pwede ko sa iyong ituro ang direksyon pauwi sa iyong nanay.”
“Talaga po? Kung ganoon po ay pwede niyo na po bang ituro sa akin ang daan?” masayang tanong ni Abe.
“Kak. Kak. Doon! Maglalakad ka ng pakanan. At sa gilid ng haliging iyon ay naroon ang silungan. Iyon ang daan papunta sa iyong inay.”
“Salamat po, Aling Monica.” At umalis si Abeng kakawag – kawag ang buntot.

                                                -----------------------------------------------------
Sa paglalakad ni Abe patungo sa haligi ng bahay ay nakita niya ang isang gagamba na naghahabi ng sapot nito. Sumasayaw ang gagamba, iyon ang naisip niya. Gumalaw ito ng pakanan. Pakaliwa. Patalon. Kaliwa. Kanan. Si Abe ay namangha at muli niyang nalimutan ang pagkaligaw.
“Magandang umaga, Gagamba. Pwede ko po bang malaman ang iyong ginagawa?” tanong ni Abe sa gagamba na minsan na ring naikwento ng kaniyang ina.
“Ginagawa ko ang bahay ko. Nasira na kasi ang unang bahay na ginawa ko nang may dumapong insekto. Ano nga pala ang iyong pangalan abuhing nilalang?” tanong sa kaniya ng gagamba.
“Abe. Katunog ng Abo, dahil iyon ang kulay ko. Ikaw, Ano pala ang pangalan mo?” masayang sagot at pagtatanong ni Abe.
“Beni. Iyon na lang ang itawag mo sa akin.” Ang sagot ng gagamba.
“Kung ganoon Beni, pwede ba kitang kaibiganin?”
“Oo naman. Mula ngayon ay pwede mo na akong ituring na kaibigan.” sagot ng gagambang si Beni habang itinutuloy ang pag-gawa ng bahay niya.
“Pwede ba akong magtanong, Beni?” sabi ni Abe.
“Oo naman. Dahil natural lang ang pagtatanong at pagsagot sa magkaibigan.”
“Alam mo ba ang gagawin ko paglaki ko?” ang tanong ni Abe kay Beni. Kumawag – kawag pa ang buntot niya. Pinagmamasdan ang nasa taas ng haligi na gagamba.
“Hindi ko alam ang sagot diyan kaibigan.” Sagot ni Beni habang patalon – talon sa ginagawang bahay.
“Baka mayroon kang kahit anong ideya?” pangungulit ni Abe.
“Wala. Hindi ko talaga alam kaibigan. Ngunit alam ko ang mangyayari kapag lumaki ang mga anak ko. Bubuo rin sila ng bahay na gawa sa sapot katulad ko.”
Nalungkot si Abe nang marinig ang sagot ng kaibigan niyang gagamba.
“Dahil siguro hindi ikaw ang nanay ko kaya hindi mo nasasagot ang tanong ko.”
Muli ay gumalaw ang gagamba ng pakaliwa. Pakanan. Pinagmamasdan lang siya ni Abe habang naghihintay ng sagot.
“Maaari. O baka naman hindi ngayon ang tamang panahon para malaman mo ang sagot.” Ang sabi ni Beni.
“Kung ganoon nga ay aalis na muna ako kaibigan. Maraming salamat sa mga sagot sa aking mga katanungan.” Ang sabi ni Abe sa kaibigang si Beni.
“Walang anuman kaibigan. Sa ngayon ay huwag mo munang problemahin ang paglaki. Maging masaya ka muna at malibang sa paglalaro.” Sagot ng gagamba habang itinutuloy ang paghabi sa bahay na papatapos na.

                Bago lumiko sa haligi ay nginitian ni Abe si Bening Gagamba. Ikinawag-kawag niya ang buntot niya at nagpaduyan – duyan naman sa sapot si Beni habang ikinakaway nito ang walong galamay.
“Salamat ulit kaibigang Beni.”
                                                                ------------------------------------------
                Ilang hakbang na lang ang layo ni Abe sa kaniyang ina nang makita niya ito. Sa tabi naman ng ina ay naroon ang dalawang kapatid nitong naglalaro. Kakawag – kawag ang buntot niyang tinakbo ang mga kapatid. Nakipaghabulan siya sa mga ito. Nagpaikot – ikot silang magkakapatid sa ina. Nang mapagod ay tinanong ni Abe ang ina.
“Nay, ayos lang naman po kung hindi ko muna isipin kung ano ang gagawin ko paglaki ko hindi po ba?”
“Oo naman, anak. Dahil hindi dapat minamadali ang paglaki.”
“Kung ganoon po, magpapakasaya na lang po muna ako sa paglalaro. Maglilibang po muna ako dahil bata pa ako.”

At magmula noon ding araw na iyon ay hindi niya na muna inisip pa ang tungkol sa pagtanda. Sapagkat siya’y bata pa. Saka na lang niya iisipin ang pagtanda.

                             Opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 7