Thursday, November 10, 2016

Mga Himala sa Kalye Madriaga

Mababa pa ang araw pero marami na ang nakapila sa Holy Water Station sa tabi ng kubo sa Kalye Madriaga. Nagiging malagkit tuloy ang tama ng hanging pang-umaga sa balat. Malakas ang hangin na nagiging dahilan ng paglalakbay ng mga alikabok papunta sa balat ng mga nakapila. Makikintab na ang leeg ng mga debotong walang pamaypay, towel o portable electric fan. May taong grasang panay ang hila sa damit ng isang debotong may hawak na rosaryo at panyo. Nang hindi pansinin ng ale, kumalabit ulit. Umalis lang ang taong grasa pagkatapos abutan ng barya. Normal na araw sa abnormal na pagkakataon. Lahat dahil kay Jesstoni “Aircon” Cruz, pedicab driver na pinagkamalan na tulak ng pulisya base na rin sa nanay ng biktima.

Anim na araw pa lang ang nakakalipas magmula nang walang awang pagbabarilin si Jess (tawag ko sa kaniya, bilang malapit na rin na kaibigan at bilang respeto) pero parang nabalitaan na kaagad ng buong Pilipinas ang tungkol sa hiwaga. Dinayo ng napakaraming tao ang Madriaga. Pero hindi naman talaga kadayo-dayo ang kalye at hindi mo rin gugustuhing pumunta rito kung naabutan mo ang dating itsura nito. Sa likod kasi ng pader na pumapaligid sa kumbento, sa tapat ng Madriaga, may malaking sulat na BAWAL MAGTAPON NG BASURA, pulang pintura ang salarin, sa baba ng arrow, ipinapaalala ng isa pang babala na makukulit na tao ang mga taga-Madriaga, HUWAG MAKULIT! Kung sino ang nagsulat no’n, walang nakakaalam, kahit ang mga madre sa loob ng malaking bahay na pinapalibutan ng pader.

Tambakan ng basura ang pader na ‘yun dati. Kahit may nakasulat na. Hindi talaga siguro mapipigil ang taong gumawa ng bawal dahil masarap nga. Pero ngayon, magmula nung mamatay si Jess, biglang linis-kinis na ang pader. Biglang bumili ng trak ng basura si Meyor, kaya meron nang nag-iikot para kumuha ng basura sa mga bahay-bahay. Parang napakaraming bumait at nagbago nang mamatay si Jess na para bang si Jess ang dahilan ng pag-ikot ng mundo ng mga nakatira sa Madriaga.

Pero ang totoo, nahihirapan akong magkwento sa ngayon dahil hindi ko alam kung tama bang sinimulan ko ang kwento kung paanong nagdagsaan ang mga tao dito sa Madriaga. Hindi ko alam kung tama bang nagsimula ako sa Holy Water Station. Natatakot kasi ako, na baka ako ang sumunod kay Jess. Noong gabi kasi, alas dose, bago pagbabarilin si Jess ng riding-in-tandem na pulis, nandoon ako malapit sa Madriaga. Nasa likod ng pader sa kumbentong tapunan ng basura, naisama ko na sa gabundok na basura ang umaalingasaw na bituka ng isda. Nakatayo ako, nakabuka ng bahagya ang binti at relaks na umiihi, nang makarinig ako ng kumakanta. ‘Di ko kayang tanggapin ni April Boy, mas sumisigaw ang kumakanta kaya nakilala ko agad na si Jess ‘yon. Ilang beses ko na kasing nakainuman si Jess. Pagkatapos, bago ko pa matawag si Jess, may biglang umatungal na makina, parang pinapasigaw ng nagmamaneho yung motor kaya rinig na rinig ko.

Dalawang lalaking nakasakay sa motor ang tumapat sa pedicab ni Jess. Parehong naka-unipormeng pampulis. Dalawang putok ng baril. May dalawang bagay na hinagis sa gilid ng nakatihayang si Jess, pero yung pinakamalaking bagay lang na hinagis ang nakita ko, baril, kalibre 38. Sigurado ‘ko dahil may ipinakita sa aking gano’n yung dati kong katrabaho. Parang may tinawagan muna yung bumaril. Pinaandar ulit nung driver yung motorsiklo. Madriaga lang ang narinig ko. Bago umalis napansin siguro nung isang pulis na nandoon ako sa pader at nakita ko sila. Hindi ko nagawang makatakbo agad. Parang umakyat ulit sa pantog ko ‘yung inihi ko kaya naihi ulit ako. Pinigil ng may hawak ng motor yung lalaking bumaril kay Jess nung lalapitan na ako, ‘wag na, mukhang lasing naman, o, pasigaw na sabi nung driver, siguruhin na natin tsip, mahirap na baka sumabit tayo, sabi nung pulis habang inaangat ‘yung kamay niyang may hawak na baril. Mas mataas yata ang posisyon ng may hawak ng motor kaya napigilan ‘yung papatay dapat sa akin. Pag-alis ng motor, parang hindi sumasayad sa lupa ang ginawa kong pagtakbo.  Pinuntahan ko agad ang bahay nila Jess para ibalita kay Aling Carmen ang nangyari.

Nabakuran na ang bangkay ni Jess pagdating namin ni Aling Carmen sa crime scene. May dalawang police mobile saka may mga tambak na usisero ilang metro lang ang layo sa bakod. Tiningnan ko ‘yung mga taong nagbubulungan, siguro pinagbubulungan nila na minsan nasakyan na nila ang pedicab ni Jess, o kaya si Jess ‘yung manyak na minsang sumitsit sa kanila. Tumakbo na agad si Aling Carmen, hindi na napigilan ng mga pulis nang pasukin nito ang bakod ng tape na may nakalagay na Police Line Do Not Cross. Niyakap niya agad si Jess. Panay ang iyak. ‘Yung eksena ng pagkakayakap at pag-iyak ni Aling Carmen sa bangkay ni Jess, parang isang lesson na tinalakay namin sa isang subject noong highschool, sa Mapeh. Mother and Child yata ‘yun o Pieta. Ilang minuto lang pagdating ni Aling Carmen sa crime scene, habang iniiyakan at yakap si Jess, nagdatingan na rin ang mga media. Parang nagsusuka ng mga flash ang camera sa sunod-sunod na kuha. Panay pa rin ang iyak ni Aling Carmen, hinahatak na siya ng pulis papalayo, kahit sumasadsad na ang binti ni Aling Carmen sa semento di pa rin niya binibitawan ang anak. Ganoon na ganoon ‘yung eksena sa pelikulang Heneral Luna, ‘yun nga lang pulis ang humahatak kay Aling Carmen, sabagay, kababayan din naman.

“Hindi masamang tao ang anak kong si Jesstoni! Napakabait na bata ng anak ko. Hindi man lang nagkaroon ng kahit isang kaaway.”

Sinisigaw iyon ni Aling Carmen habang umiiyak. Marungis na ang mukha. Sinisipon. Magulo ang buhok. Totoo namang walang kaaway si Jess. Mabait din na kaibigan. Saka wala naman talagang nanay na naniniwalang masama ang nagmula sa kaniya. Kahit ang nanay ko, kung tatanungin mo, sasabihin lang nu’n na mabait akong anak. Pero ang totoo, iniisip kong masama akong tao dahil nagnakaw ako ng isang garapon ng stick-o nu’ng may sari-sari store pa kami. Hanggang ngayong pagtanda ko, iniisip ko na dahil sa akin kaya nalugi ang sari-sari store namin.

Katulad din ng napakaraming biktima na napagkamalan at napaslang, totoong nakakalungkot ang pagkamatay ni Jess. At nakakalungkot na magpahanggang ngayon ay natatakot pa rin akong maging witness. Si Jess kasi iyong tipo ng kaibigang di ka pababayaan. Pag may pera, kahit kakaunti, papautangin ka. Ililibre ka ng alak. Masayang kakwentuhan. Simple lang naman ang pagkakakilala ko kay Jess, kaklase ko siya mula second hanggang third year high school, tumigil bigla nung fourth year na. Nagpatuloy naman ako hanggang makakuha ng vocational course.

  Nagpapakilala isa-isa sa harapan no’n bago magklase. Matikas na tumindig ang kulay lawanit na payat na katawan ni loko. Nung magpapakilala na sa harapan, ngumiti ng ubod laki. Parang proud na proud sa sarili. Siya raw si Jesstoni. Kaya raw Jesstoni ang pangalan niya kasi pinaglihi daw siya ng nanay niya kay Jestoni Alarcon, nagpogi sign pa ang loko. Doon na naghagalpakan ang buong klase. Hindi naman kasi talaga kamukha ni Jestoni Alarcon si Jess, siguro mas malapit kay Randy Santiago kapag pinapayat mo ng kaunti, pinaitim at tinanggalan ng salamin.

‘Yung aircon na alyas ni Jess, mga tambay na dito ang nagbigay sa kaniya ng alyas na ‘yun. Paano kapag mainit, parating aircon ang bukambibig, kesyo sarap daw magpunta sa mall dahil malamig. Kapag inuman, mainit at walang electric fan, iaangal niya lagi kung bakit walang aircon ang bahay. Kapag sobrang init ng panahon (gaya ngayong halos anim na buwan nang di umuulan, na bihira mangyari) sasabihin niyang sana ipa-aircon ng bagong presidente ang Pilipinas para magkaroon na raw ng lunas sa global warming. Nang minsang tanungin siya ng mga kasama kong tambay kung bakit napakasipag niyang pumadyak, sasabihin niyang nag-iipon siya ng pambili ng aircon. Hanggang sa naging aircon na nga ang alyas ni Jess.

Kung buhay pa ngayon si Jess at tatanungin mo kung babae, pagkain o aircon ang pipiliin niya kapag naligaw siya sa gitna ng disyerto, aircon siguro ang isasagot niya. Na para bang aircon ang katuparan ng pangarap niya. O baka nga para kay Jess, aircon ang solusyon sa napakaraming problema ng mundo.

-----------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Kinaumagahan, matapos ang pagkamatay ni Jess sa kalye Madriaga nakakita ang isang residente ng imaheng pinaniniwalang dahilan ng mga himala. Napaluhod ang nakakita. Pagkatapos, dahan-dahang hinaplos ang imaheng nasa kalsada. Mabagal na haplos na parang kumikilatis ng tela ng bibilhing sofa. Dinama ng residente ang tekstura. Kumusot-kusot pa raw ng mata na parang kinukwestiyon ang nakita. Napatingala at nagdasal. Sa dugo kasi ng namatay na si Jess, nabuo ang isang imaheng pamilyar sa ating lahat, si Hesukristo.

Sa natuyong dugo makikitang litaw na litaw ang koronang tinik. Nakapatong ang koronang tinik sa pahabang korte ng natuyong dugo na mahahalatang buhok dahil parang may tumakas na hibla. Malinaw na malinaw ang itsura ng malungkot at naghihirap na mukha. Parang nakatingin ang mata sa likod ng kumbentong may gabundok na basura. No’ng mismong umaga ring ‘yon, ikinuwento ng residenteng nakakita sa imahe kung paanong gumaling ang ubo niyang matagal nang iniinda. Ipinagpasalamat nito ang paggaling ng ubo sa imahe. Mabilis na kumalat ang balita sa mga residente kabilang na si Aling Carmen na kahit raw labis na nagluluksa sa pagkamatay ni Jess, hindi na rin napigilan ang sariling makita ang imaheng nabuo sa natuyong dugo ng anak. Pumunta rin agad ako sa Kalye Madriaga nang malaman ko ang tungkol sa himala na para bang nalimutan ko agad ang takot ko nu’ng lumipas na gabi. Marami nang tao ang nakapila para saksihan ang imahe.

“Kahit ang Diyos! Naniniwalang mabuti ang anak ko!” Iyon agad ang isinigaw ni Aling Carmen nang makita ang imahe.

“Pero, Aling Carmen, sino po ang magmamay-ari niyang imahe?” tanong ko.

“Sino pa ba? Siyempre, ako,” parang may pagmamalaking sabi ni Aling Carmen.

“Hindi naman pwede ‘yon, Aling Carmen. Hindi niyo naman pwedeng angkinin ang Diyos.”

“Dugo naman ng anak ko ‘yan, e. Saka hindi Diyos ang inaangkin ko, kapiraso lang ng anak ko,” Parang nagyayabang na ang boses ni Aling Carmen nang mamagitan ako. Bilang malapit na rin na kaibigan ni Jess, nakaramdam ako ng kaunting awa kay Aling Carmen. Sino ba naman ang hindi maaawa sa nanay na matagal na ngang walang asawa, nawalan pa ng anak.

“Aling Carmen, bakit po ‘di na lang natin hayaan na dasalan at hawakan ng mga tao yung dugo ni Jess?”

“Oo nga naman. Marami pang matutulungan ang imaheng ‘yan. Ngayon pang marami nang inihahatid na himala ‘yan sa Madriaga?” sigaw ng isa sa mga babeng nakapila.

Hindi na sinagot pa ni Aling Carmen ang mga nagtatanong pagkatapos nu’n. Para bang tinanggap na lang niya ang katotohanan na dugo ng anak niya ang naging tulay para iparating ng Diyos sa mga tao ang himala.


-----------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Pagsapit ng ikatlong umaga, magtatapon na ako ng basura nang makarinig ako ng mga pagpukpok. Tiningnan ko ang kabilang kalsada kung saan binaril si Jess. Naroon lang si Aling Carmen, nagpupukpok kasama ng isang lalaking ngayon ko lang nakita. Parang malapit nang matapos yung doghouse na binubuo nila. Ipinatong ni Aling Carmen ang natapos na doghouse sa imahe. Inayos na parang sinisiguro kung makikita ng mga lalapit sa doghouse ang natatakpan. Tumingala sa langit. Nagdasal. Ngumawa. Hinaplos-haplos siya ng katabing lalaki. Tinapon ko ang basura. Umalis ako sa likod ng kumbento at umuwi.


Tanghali na nang bumalik ako sa Madriaga. May donation box na sa gilid ng doghouse. Nakaupo si Aling Carmen sa gilid ng donation box. Wala namang nagbawal sa kanya at sa mga taong nakapila. Hindi naman kasi madalas daanan ng sasakyan ang Madriaga kaya siguro wala ring nagrereklamo. Noong nakaraang araw lang, puro pamilyar na mukha ang nasa hanay ng mga tao. May mga nawala raw ang kati at sakit sa katawan na taon nang iniinda. Si Aling Isyang na madalas namin utangan ng beer ni Jess, iyong palamurang matanda na madalas minumura ang rayuma, magaling na at hindi na ulit sinumpong pa. Nakabangon na ang matagal nang nakaratay sa banig na si Mang Igme kaya muling bumalik sa pagtutupada. Nawala ang mga buni ni Grace sa likod kaya naglalalabas na ulit ng naka-backless. Nakalakad ang lumpo sa kabilang baranggay. ‘Yung bulag since birth, nakakita ang isang mata, nangako na babalik pa kahit gaano kahaba ang pila para mapagaling pa ang isang mata.

“Baka mahina pa ang paniniwala mo, bata.” Minsang sinabi ni Aling Carmen sa bulag.

“Satanista ka yata. Kaya hindi sa’yo tumatalab.” Narinig kong sabi niya sa isang pangkistang may tusok-tusok na buhok. “Bumalik ka na lang sa sunod.”

Marami pang himala ang nangyari sa Madriaga. Nabuhay pa nga ang asong patay nang itabi sa imahe.

“Gayahin niyo ‘tong aso. Mabuti pa nga ito, mukhang naniniwala sa Diyos.” Bigla-bigla naging relihiyosa si Aling Carmen. Pinapangaralan niya ang mga taong hindi gumagaling. Sinasabi niya pa na kung magiging mabuti lang daw ang mga tao ay magiging mapayapa ang mundo. Minsan, ikinuwento niya sa mga nakapila na nakita niya raw ang anak sa panaginip, nakangiti, sinasabi raw ng anak na gamitin daw siyang tulay ng ina para maipagpatuloy ang buhay.

Kasing bilis lang nang kidlat ang pagkalat ng balita sa buong Pilipinas pagsapit ng ikapitong araw. Bumalik muli ang media sa Madriaga. Nag-interview ng mga residente. Pinatunayan ng mga tao ang himala sa pagpapakita ng mga litrato nila noong may kapansanan pa. Ininterview ang paring nakatira malapit sa Madriaga.

“Minsan, kinakailangan ng tao ang himala para magpatuloy sa buhay. Ngunit may mga himalang mapanlinlang, mga himalang ginagamit ng demonyo para makalimutan ng mga taong manalig sa tunay na Diyos. Para maituon ang atensiyon ng mga tao sa tunay na kagustuhan ng Panginoon.” Pagpapaliwanag pa ng pari sa harap ng camera. “Huwag sanang kalimutan ng tao ang manalangin at magpasalamat. Para magpatuloy pa ang mga himala, kailangan nating isapuso at paniwalaan ang tunay na aral na ipinababatid ng Panginoon.” Pagtatapos ng pari sa interview kung saan tinatanong ang Pari kung naniniwala ba ito sa himalang nangyayari sa Kalye Madriaga.

Malinis na noon ang likod ng kumbento at wala nang nagtatapon ng basura. Hindi ko pa rin nakikita man lang na lumabas ang mga madre sa kumbento. Mga madreng madalas na gawan namin ng biro noon ni Jess. Dito rin mismo sa kalyeng ‘to, sinabi ni Jess minsan, na kapag namatay siya, hihiling siya sa panginoon na magpaulan ng isda na sinagot ko naman ng tuna, ha, para naman maraming makakain ng matinong ulam sa Madriaga. Usapang lasing lang.

Noong nakaraang araw pa pinuwestuhan ng Holy Water Station ang likod ng kumbento. Ang nakasulat sa ibaba ng malaking banner ng HOLY WATER STATION: Inumin mo ako at ika’y magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Mahaba pa rin ang pila sa tapat kung nasaan ang dugong natuyo na may imahe ng panginoon. Sa tabi ng Holy Water Station, may nagtitinda ng buko juice na pinangalanang Holy Juice. Sa kanang bahagi naman, may mga panyong may litrato ni Jesus Christ katabi ng mga iskapularyo, rosaryo at iba’t-ibang kulay ng langis.

Iniwan ni Aling Carmen ang pwesto no’ng ikapitong araw at pinagbantay ang pamangking kasama sa bahay dahil libing no’n ni Jess. Kabilang ako sa napakaraming taong nagpunta sa burol. Dala ko parin sa dibdib ko ang bigat ng itinatagong lihim.

Mga deboto ng imahe ang karamihan, mga taong hindi namin nakilala ni Jess o nakausap man lang. Mga taong napadpad lang sa Madriaga dahil sa himala. Mas mabagal pa sa lakad ng pagong ang usad ng karo dahil marami ang dumidikit para mahaplos man lang o masilip ang kabaong ni Jess sa huling pagkakataon. Nagdadala sa akin ng kilabot ang ingay ng mga palahaw ng debotong sa himala lang may pakialam. Naisip ko, ilan ba sa mga tao rito ang may pakialam sa kamatayan ni Jess? Ilan ba sa kanila ang nag-isip no’ng mapanood sa tv ang kamatayan ng kaibigan ko, at sinabing dapat lang na mamatay si Jess dahil adik siya. Baka wala. Baka ako lang at si Aling Carmen ang naniniwalang hindi kahit kailan naging adik si Jess.

Hinahanap ko si Aling Carmen sa gitna ng mga taong nagsusumiksik para magkaroon ng katiting na kaugnayan kay Jess. Wala. Hindi ko makita si Aling Carmen sa kumpol ng mga tao. Wala rin sa mga sasakyang serbis papunta at pabalik ng Madriaga. Pinaliguan ng palahaw at mga flash ng camera ang karo.


Pagsapit ng ikawalong umaga, napabalitang inagahan ni Aling Carmen ang pagpunta sa Madriaga. Pagkarating daw sa gilid ng donation box kung saan ito madalas pumwesto. Bumulwak daw ang suka sa bibig. Biglaan, ang kauna-unahan ding beses na nakita nilang nagsuka si Aling Carmen sa loob ng apat na taong nakalipas magmula nang mamatay ang kinakasama. Nagkaroon na agad ng usapan na mabilis na naglakbay hanggang sa dulo ng pila. Kumalat ang balita sa buong Madriaga.

“Totoo nga talaga ang himala! Buntis si Carmen!” sigaw ng isang ale, umiiyak at winawagayway ang kamay na may hawak na pamaypay. Tumingala ang karamihan sa langit. Yumuko ang iba para magdasal.

“Immaculada Concepcion!” sigaw ng isa sa mga nakapila.

Maya-maya, tuluyang dumilim ang langit. Kumulog ng malakas at nagsunod-sunod ang kidlat. Matapos ang anim na buwang paghihintay ng buong bayan sa ulan, tuluyan nang lumuha ang kalangitan. Wala kahit isang deboto ang tumakbo mula sa pila para maghanap ng masisilungan. Nakatulala lang ang lahat. Dinadama ang ginhawang dulot ng ulan sa balat. May mga nakanganga at iniinom ang tubig. Pumunta ako sa Holy Water Station para makisilong.

“Ang imahe ng Panginoon! Mabubura!”

Nagtakbuhan agad ang mga tao papunta sa doghouse. Nagkandarapa ang iba sa mga tumakbo. Natapakan ang mga nadapa. Nagkatulakan. Nagkadaganan. May mga sumisigaw at pilit na gumagapang sa doghouse para mahawakan o masilayan man lang ang imahe sa dugong natuyo. Kahit sa huling pagkakataon. Binaha ng sigaw at dugo ng mga taong natapakan at nadapa ang kalsada. Lumakas pa ang ulan at hinugasan ang kabuuhan ng Madriaga. Tinangay ng tubig ulan ang imaheng kinukulong ng doghouse.

Lilipas pa ang ilang sandali, maaalala ko si Jess dahil sa mga isdang naglalaglagan mula sa langit.

‘Totoo  nga. Totoo sigurong may himala.




Lahok sa Saranggola Blog Awards 8 www.sba.ph



No comments:

Post a Comment