Thursday, November 10, 2016

Super Mama

Palagi akong nagtataka sa totoong katauhan ni Mama. Kagaya kaya siya ni Superman o ni Darna?

Kasi kapag binubuhat niya ang mga mabibigat na gamit katulad ng sofa, monoblock na mga upuan at ang plangganang puno ng labahan para bang walang kapaguran si Mama. Kaya sobrang napapaisip ako kung si Superman ba o si Darna ang mama ko. Ang lakas-lakas kasi niya at kahit matapos ang maghapong paglalaba, hindi nalilimutan ni Mama na makipaglaro sa akin at ako’y kargahin.

Palagi akong nagtataka sa totoong katauhan ni Mama. Kung isa siya sa mga superhero sa cartoons o pelikula, ano naman kaya ang kapangyarihan niya?

Kaya niya kayang lumipad ng pagkataas-taas at magtago sa likod ng mga ulap? Kaya niya kayang sagipin ang tren na nawalan ng preno? O kaya’y tulungan ang eroplanong makababa ng maayos kapag nagkaproblema sa paglipad?

Baka nga superhero si Mama pero hindi niya pwedeng sabihin sa akin kung ano ang kapangyarihan niya. Dahil gusto niyang protektahan ako mula sa mga kalaban. Kaya naman inalam ko ang totoong katauhan ni Mama at inilista ang mga bagay na napansin ko.

Napansin kong palaging maaga kung gumising si Mama kapag walang pasok sa trabaho. Marami siguro siyang inililigtas. Ilang pusa na kaya ang tinulungan ni Mama sa pagbaba mula sa matataas na puno? Ilang lumipad na lobo na kaya ang kaniyang hinabol? Ilang tao na kaya ang nailigtas niya sa mga bahay na nasusunog? Maraming-marami na siguro. Pero kahit napakaraming trabaho ng superherong kagaya ng mama ko, nagtataka pa rin ako na hindi niya nakakalimutang lutuan ako ng mga paborito kong almusal. Itlog, sinangag, lugaw o champorado ang palaging nakahain kapag nagigising na ako.

Isa pa, parang napakabilis ring kumilos ni Mama. Sa isang saglit lang, mabilis niyang naaayos ang mga kumot, unan at kama na aming hinigaan. Palagi ring malinis ang bawat sulok ng bahay. Takot siguro kahit ang mga alikabok kay Mama dahil superhero nga siya. Pagkatapos naman maglinis ng bahay, papaliguan na ako ni Mama at kukusut-kusutin ang buhok ko habang nilalagyan ng shampoo. Wala talaga sigurong kapaguran ang mga superhero.

Minsan talagang gusto ko nang tanungin si Mama kung superhero nga ba siya?

Kasi naman kaya niya ring gawin kung ano ang ginagawa ng mga tatay ng kaklase ko. Kaya niyang magpalit ng nasirang bumbilya. Pinapatibay niya ang bakod ng tanim naming mga gulay. At katulad ng isang tatay, kayang-kaya niyang ayusin ang tubo ng tubig kapag nasira.

Minsan na rin akong pinagtanggol ni Mama sa mga umaaway sa akin sa eskwela. Superhero nga talaga siguro ang Mama ko. Hindi pa man kasi niya pinagsasabihan ang mga umaaway sa akin, tumakbo na agad ang mga bata ng ubod ng tulin.

Superhero nga talaga si Mama dahil umaalis siya pagsapit ng gabi at iniiwan ako kay Lola. Papasok lang sa trabaho ang palagi niyang sinasabi. Pero ang totoo, alam kong maraming inililigtas ang Mama ko. Pinaparusahan niya ang mga masasama at idinadala sa mga pulis ang nang-aapi ng kapwa. Kaya naman kapag umuwi si Mama pagsapit ng umaga, halik at yakap agad ang isinasalubong ko sa kaniya. Yayakapin niya naman ako at kakargahin na parang hindi siya napagod sa magdamagang pagkikipagbakbakan sa mga kalaban.

Lulutuan pa ako ni Mama ng almusal. Itlog, sinangag, lugaw o champorado at iba pang masarap na ulam na gusto kong kainin.

Superhero talaga si Mama dahil kaya niyang gawin lahat kahit ang gawain ng mga tatay. Para siyang nanay pero tatay din. Parang tatay na nanay din dahil kaya niya ngang gawin alin man sa gawain ng dalawa.  Siguro, ganoon talaga ang ibang superhero. Isa siguro sa kapangyarihan ni Mama ang maging tatay dahil wala akong tatay katulad ng ibang bata.

Pero saan kaya nanggagaling ang lakas ni Mama? Itanong ko na kaya sa kaniya? Pero hindi pa sapat ang ebidensiyang magpapatunay na superhero nga si Mama kaya naman nagmasid pa ako ng palihim.
Meron kaya siyang nilulunok na bato? Meron kaya siyang sinusuot na damit at kapa? Meron kaya siyang binubuhat at isinisigaw para maging superhero siya?

Kaya isang hapon, muli akong nagmasid. Papatunayan ko sa mga kalaro ko na superhero nga ang Mama ko. At sa unang pagkakataon, nakita ko ang mahinang bahagi ng superhero kong Mama.

Halata sa mukha niya ang pagod habang binubuhat ang plangganang puno ng labahan.

Winawalisan niya ang ilalim ng sofa kahit hirap sa pagbubuhat.

Mabagal niyang pinapagpagan at inaayos ang aming higaan.

Muntik na siyang makabasag ng baso at pinggan.

Halata sa mukha ni Mama ang labis na pagod.

Pagkatapos ng lahat ng ginawa ni Mama sa maghapon, parang noon niya lang ako napansin. Ngumiti siya at kinawayan ako upang lumapit sa sofa kung saan siya nakaupo.

“Halika, anak. Halika.” Pagkatapos ay ngumiti si Mama ng ubod ng ganda. “Umupo ka muna rito at mukhang napagod ka sa paglalaro.”

At umupo ako sa tabi ni Mama. Inisip ko na superhero talaga siya. Huminga ako nang malalim at lakas loob na nagtanong.

“Mama, superhero ka po ba?” Ngiti lang ang isinagot ni Mama.

“Saan po nanggagaling ang lakas mo? Kaya mo po bang lumipad na parang si Darna? O magbuhat ng eroplano na parang si Superman?”

Marami pa akong gustong itanong pero hindi na ako nakapagsalita pa nang yakapin ako ni Mama ng mahigpit at kinarga.

“Ikaw ang pinagmumulan ng lakas ko, anak.”

Pagtapos, nakangiti akong kinarga ni Mama papuntang kusina. Inisip kong lumilipad ako na parang si Darna. Ano naman kaya ang niluto ng Mama kong superhero? Itlog kaya, sinangag lugaw o champorado?

Lahok sa Saranggola Blog Awards 8 www.sba.ph



No comments:

Post a Comment