Saturday, February 8, 2020

Pabrika ng Pangarap


KURSO
                Sumabog ang iba’t ibang kulay sa kuwarto ni Arthur. Mga kulay na isinabog ng itinapong paleta. Parang winasak na bahaghari. Nagkalat ang mga punit na papel at nilamukos na canvas sa sahig. Basag-basag ang ilang piraso ng picture frame na naglalaman ng awards at mga drowing. Pinagmasdan ni Arthur ang hitsura ng kuwarto. Pagkatapos, inalala niya ang payo ng ina.
                “Fine arts? Hindi tayo bubuhayin niyan. Hindi ka gumaya sa anak ni Tita Normie mo, nursing ang tinapos, nasa abroad na ngayon. Si Jake, ‘yung kapitbahay natin, nag-seaman, ilang beses nang nakasampa. Tapos si ano, ‘yung bata diyan sa kabila, engineer ang kinuha, in demand daw kasi, matalinong bata. ‘Wag ka na muna mag-fine arts, ha.”
                Pagbalik ni Arthur sa katinuan, napatay niya na pala ang ilaw nang hindi namamalayan. Kasabay ng kaniyang pangarap na maging pintor ay nilamon na ng dilim ang lahat ng kulay sa paligid.


PAMANA
                “Edukasyon lamang ang tanging bagay na maipapamana ng inyong mga magulang.”
                Hindi na nawala sa isip ni Buknoy ang sinabi ng kaniyang guro. Kahit pa ngayong nakasakay siya sa likurang bahagi ng kuliglig na pagmamay-ari ng kaniyang Tatay. Gusto niyang magpatuloy sa hayskul, naisip niya.
                Bubuksan na sana ni Buknoy ang kagustuhang makapagpatuloy sa pag-aaral nang magsalita ang Tatay niya.
                “Anak, kapag tumangkad-tangkad ka pa, ikaw na ang mamamasada. Sa iyo na itong minamaneho ko. Pamana ni Tatay sa iyo. Gusto mo turuan na kita ngayon, e?” sabi nito sa garalgal na tinig. Umubo-ubo ang tambutso ng matandang kuliglig. Naglaglagan ang mga alikabok na kumapit rito.
               
Noon lang nagsumiksik kay Buknoy ang itsura ng Tatay niya. Hindi na mabilang ang kulubot ng balat nito at ang napakaraming puting buhok sa ulo.
                “Sige po, Tay,” alanganin niyang ngiti. “Pag-aaralan ko po.”



HALIMAW SA KALDERO
                May halimaw sa loob ng kaldero. Ikinukulong daw nito sa loob ang batang hindi kumakain. Narinig lang iyon ni Jepoy sa kapitbahay. Inggit na inggit siya sa bata dahil palagi itong may pagkain. Tatlong beses sa isang araw, at minsan, lima pa. Alam iyon ni Jepoy dahil parating sinesermonan ang bata.
Pangarap niya kasi talagang makakain ng tatlong beses kada araw. Lalo pa’t limang araw na siyang hindi kumakain. Wala na rin naman silang mautangan kahit bigas. Itulog na lang daw muna sabi ng kaniyang mga magulang. Pero hindi na makatulog si Jepoy kahit gutom, hinihintay niya na lang ang halimaw.
Nasa ganoon siyang kalagayan nang maalala ni Jepoy na ibinenta nga pala nila sa Junkshop ang kaldero no’ng nakaraan para may maipambili ng bigas. Sa malaking lata na lang sila no’n nagsaing.
Hindi na hinintay ni Jepoy ang halimaw. Pumikit siya. Pagkatapos, nanalangin na sana’y hindi na magising.




                                 Opisyal na lahok sa 2019 Saranggola Blog Awards



                                   Mga Isponsor ng Saranggola Blog Awards 2019


Thursday, October 25, 2018

Dagling LGBT


Aplikante

                Umaasa si Gionell na matatanggap siya bilang Teacher. Natanggap kasi sa nasabing eskwelahan ang kaibigan niya. Pinasubok siyang mag-apply rin. Kaya nga bago pumunta halos ipaligo niya sa sarili ang inutang na pabango.  Matagal na siyang naghahanap ng tatanggap. Mahirap makapasok lalo na kung wala kang kapit sa loob. Tinawag siya ng mag-iinterbyu. Miss Universe ang peg niya habang naglalakad.

                “You are aware that this is a Catholic School, tama?”

                “Yes po, Ma’am.”

                “Maganda naman ang qualifications mo. I can assure you na maipapasok kita.”

                “Thanks po, Ma’am.” Napakapit siya ng mahigpit sa upuan. Naramdaman niya na ang pagtanggap.

                “But I have some conditions if you want to work here? Okey ba sa’yo?” Gorabels, sa isip niya.

                “Ano pong mga kondisyon?” Inamoy niya ang umalingasaw na hininga ng kaharap.

                “Kelangan mo mag-act as a teacher. Indecent act is not allowed.” Echusera si Ma’m,
malamang teacher ang in-applyan ko, e. Haler.

“Dapat formal ka. You get what I’m trying to say?”

Tumango lang si Gionell. Nakipagkamay. Sinabi ng kausap na tatawag na lang. Bago umalis binawi niya ang resume na hangganan ng pagkakakilanlan. Dumiretso siya sa CR. At hinugasan ang kamay nang matagal na matagal.







ANG NAWAWALA

                                                                         NAWAWALA
May dalawang litrato sa bond paper. Sa kanan, 1x1 picture ng
lalaking pango at malaki ang ilong. Nakasuot ng t-shirt na blue.
Full body pic sa kaliwa, payat, naka-heart sign, kulot ang buhok.
May blush on at may eyeliner. Nakasuot ng pink campaign t-shirt.

PANGALAN: PATRICIO Y. DUMICLAT

EDAD: 16 YEARS OLD

TIRAHAN: BLOCK 1411, LOT 39, Silahis St. Las PiƱas City

UMALIS SA BAHAY NOONG UMAGA NG JULY 15, 2018. MAY DALANG ASUL NA HAND BAG. HULING NAKITA SA LABAS NG WHITE BIRD SA BACLARAN. NAKASUOT NG PULANG DAMIT.

KUNG MATAGPUAN IPAGBIGAY ALAM LAMANG KAY CARMENCITA DUMICLAT.

Smart: 0949627****












Isang Hapon sa Buhay ni K

                Parehong hayop kung umatake ang lungkot at rayuma. Nangangagat ang sakit. Mabilis nang mapagod ang katawan niya dahil sa katandaan. Kaya sa mga hapong gaya nito na lang  siya umaasa.

                Tiningnan ni K ang orasan. Parang hindi inaatake ng rayuma nang tumakbo sa harap ng salamin. Nagpulbos ng mukha. Gumuhit ng pekeng kilay. Konting pahid ng lipstick. Tingin sa salamin na parang tumitingin sa camera.

Ngayong hapon, may pakiramdam si K na mas gumanda siya kumpara noong nakaraang binati siya ng tindero ng balut.

“Salamat po, Lo.” Pakyut na sabi ng tindero no’ng unang linggo.
“Para po kayong bumata ng ilang taon.” No’ng ibang araw naman. Pulbo pa lang ang nilalagay niya no’n sa mukha.

“Ang ganda niyo ho ngayon, Lo! Anong meron?” No’ng nakaraang linggo naman ito. Nagpulbo siya at gumuhit ng kilay.

Ngayon, magandang maganda si K. Kaya sigurado siyang magtatapat na sa kaniya ang tindero. Panay ang dungaw niya sa bintana. Narinig niya ang pamilyar na sigaw. Napangiti siya sa pagkasabik.

Nginitian ni K ang tindero.

“Bili ho ba kayo?”

“Isang balot ng mani.”

Inabot ni K ang bayad.

“Ang ganda-ganda niyo ngayon.”

Iniwan siya ng tindero. Iisipin ni K ang marami pang mga hapon.



Opisyal na lahok sa 2018 Saranggola Blog Awards





Mga Isponsor ng Saranggola Blog Awards 2018

Friday, September 1, 2017

Pagbabalik

Bumabalik lang ang blog na ito tuwing Setyembre. Nakakalungkot, dahil ngayon, ilang buwan na rin ang lumipas simula nang huli akong magsulat. Magsusulat ulit ako. Pipilitin pilipitin ang maliit na karne sa ulo.

Thursday, November 10, 2016

Pamilya Huguteros

Sa ibaba ng No Waiting, No Loading and Unloading at No Jaywalking Sign.

Ate:  Ano ba naman ‘yan, kanina pa tayo para nang para pero wala man lang humihintong bus.

Kuya: (Mapapatingala. Mapapansin ang sign sa ulunan nila) Kaya naman pala hindi humihinto para isakay tayo kasi sa maling lugar tayo naghihintay. Parang love lang.

Ate: Naks! Talino mo diyan!

Habang nasa byahe at sakay ng bus.

Kuya: Talo pa pala nung isang bus yung karamihan sa mga pulitiko natin ‘no?

Ate: Huh? Pinagsasabi mo diyan?

Kuya: Kasi Super Lines.

Ate: Layns kasi ‘yun. Sira ‘to.

Usapan while watching TV.

Ate: Alam mo ba may nagka-amoebiasis sa trabaho namin.

Kuya: E, ano naman ngayon?

Ate: Wala lang. Sabi kasi ni Boss, once na magkaroon ka na ng amoebiasis di ka na raw iiwan ng amoeba kahit kailan.

Kuya: Buti pa yung mikrobyo may forever. Ikaw wala. (Tatawa ng malakas)

Habang nagtatanong si Bunso tungkol sa assignment.

Bunso: Tay, ano po ba yung Kalayaan?

Tatay: (Matatawa) Naku anak, ‘yang Kalayaan na ‘yan sa kalsada mo na lang matatagpuan. Pangalan na lang ng kalye ngayon ang kalayaan.

Bunso: (Sinulat ang sinabi ng tatay) Yung pag-asa naman po?

Kuya: (Sumabat sa usapan) Ay! Alam ko ‘yan! ‘Di ba tay sa QC ‘yan?

Si Ate umiiyak habang hawak ang damit ng isa sa mga tindahan sa mall.

Kuya: O? Bakit bigla ka na lang umiiyak diyan?

Ate:  Mabuti pa kasi ‘tong brand ng damit may “kami” (Ipapakita ang brand ng kamiseta)

Kuya: K. Last mo na ‘yan, ha?

Sa paghuhugas ng pinggan.

May nabasag si ate na baso sa mga hugasan.

Nanay: Alam mo ba ang pag-ibig parang baso at platong babasagin ‘yan. Nababasag kung hindi mo iingatan.

Ate: (Hindi narinig si Nanay) Ano ‘yun nay?

Nanay: Wala, itapon mo na ‘yang bubog at baka masugatan ka pa.

Nanay at Tatay moment sa kilalang Drug Store.

Nanay: Totoo kaya yung motto nila dito?

Tatay: Mas totoo naman siguro sa nangangako ng serbisyo. At mabuti pa nga sila laging sigurado na bago ang mga gamot na itinitinda. Tayo, kailan kaya makakasigurado na bagong mga tao ang inilalagay natin sa serbisyo?

Nanay: ‘Yan ka na naman, uminom ka mamaya ng paracetamol, ha? Para naman ma-enjoy mo yung pagkaing lulutuin ko mamaya. Paborito mo. (Ngumiti at kinurot si Tatay sa tagiliran)

Si Kuya hinihiwalayan ng girlfriend.

Kuya: Sure ka na bang hihiwalayan mo ko?

Girlfriend ni Kuya: Oo, sigurado na ako. Matagal ko rin namang pinag-isipan ‘to.

Kuya: Alam mo sayang, kasing loyal pa naman ako ng .1% na mikrobyong di maalis-alis ng sabon mo.

Girlfriend ni Kuya: Sorry, ha. Liquid soap kasi gamit namin sa bahay.

Ate habang nagtitinda ng halo-halo sa tindahan. Lumapit ang matagal nang manliligaw na ayaw niya naman.

Kuyang Manliligaw: Kailan mo ba ako sasagutin?
Ate: (Hindi maririnig ang sinabi ng lalaki. Bubugawin ang mga nagliliparang langaw sa paninda)

Kuyang Manliligaw: ‘Yung Jollibee, bukas ng 12 hours. Yung 7/11 24 hours. Yung garapon nga ng kaong kahit matigas ang takip nabubuksan. Ikaw kailan mo ba bubuksan ang puso mo para sa akin?

Ate: Ay, pasensya na, ha? Para ka namang bago nang bago, Miguelito. Pinto ako ng opisina ‘no, No I.D, No Entry.

Kuyang Manliligaw: (Umiyak. Bumili ng 20 pesos na halo-halo.)

Si Bunso habang kinukutuhan ni Nanay.

Bunso: Nay, yung isa ko pong kaklase absent siya nang absent. Ang sabi nga po ni Mam, kapag hindi siya nakapasok ibabagsak na siya. E hindi pa po siya pumapasok hanggang ngayon, e. Ang sabi tumutulong raw po yung kaklase ko sa nanay niya para magtinda ng basahan sa kalsada.
Nanay: Ay. Anak, baka mahirap sila at nahihiyang pumasok ang kaklase mo dahil sa kalagayan nila at sabi mo nga tumutulong siya sa nanay niya. Dapat nating intindihin ang mga katulad nila.

Bunso: Kailan po sila hindi magiging mahirap?

Nanay: Naku, anak, bata ka pa. Isipin mo na lang ganito, yung sinabi ng kuya mo na may forever ang mikrobyo. Ganoon din ang tingin ni Nanay anak sa kahirapan. Walang hangganan.

Bunso: Ganun po ba? Basta po ako, maniniwalang parang pag-ibig ni kuya at ate ang kahirapan. Wala pong forever at matatapos din ang paghihirap sa buong mundo.

Nanay: Kaw talagang bata ka! O sige na, mukhang tinatawag ka na ng mga kalaro mo.



Lahok para sa Saranggola Blog Awards 8 www.sba.ph



 

Sunday, August 28, 2016

35-34

“Hon, yung number three naman.” Hingal na hingal ang babaeng pinagmumulan ng pakiusap.
                “Page 3, o number tri?” tanong ng lalaking pawis na pawis sa ginagawang pagbayo.

                Sa kabilang banda ay napapangiti lang si Arthur sa pagkaaliw nang marinig niya ang usapan ng mga among nasa loob ng kwarto’t nagpapakasasa sa sarap ng bawat pagkakataong ginagawa. Nang banggitin pa lang ng amo nito ang number three ay awtomatiko niya nang alam na ang librong Kama Sutra ang tinutukoy ng mga ito.

                “Malilibog talaga itong si Sir at Mam. Nagseseks na naman.” Ngiting asong sambit niya habang pinapakinggan ang awit ng libog at pagnanasa.
                Alam ni Arthur na ang number three ay hindi talaga number three pagdatin sa seks. Ang number three kasi ay 69, hindi rin ito ang sagot kapag ima-minus mo ang 6 sa 9. Ang 69 ay isang mainit na kainan. Kumbaga sa bingo, baligtaran ang sinisigaw ng taga-bola. Sa libro ng Kama Sutra, kainan ito sa pagitan ng babae at lalaki. Kainan ng titi at puki. Nalaman iyon ni Arthur dahil ilang ulit na rin niyang nakita ang libro. Wala noon ang mga amo niya nang makita niyang nakatiwangwang ang libro sa sahig. Ilang beses niya pa uling nakita ang nasabing libro. Itinataon niya kasi palaging wala ang mga amo. Alam niya kung anong araw at oras umaalis at bumabalik ang mga ito. Matagal na kasi siyang bantay rito.
                Malakas na ungol ng lalaki ang naginghudyat ng katapusan ng pagtatalik na naririnig ni Arthur.
                Ang bilis namang matapos ni sir, sa isip – isip pa niya. Pagkatapos noon ay lumabas na ang dalawang amo nito sa kwarto. Suot na muli ang mga damit. Linggo ngayon kaya naman sigurado siyang aalis na naman ito sa bahay na pinangalanan niya nang House no. 34.
                Siya si Arthur na may gusto kay Agatha ang muli na namang maiiwan sa House no. 34. Sisilip – silipin niyang muli ang minamahal na si Agatha sa maliit na butas ng gate. Mamahalin niya itong muli pati na rin ang House no. 35 kung saan ito nakatira. Ang totoo niyan ay matagal niya nang minamahal si Agatha. Matagal niya na rin itong sinasamba. Araw – araw sa tuwing sumisilip siya sa maliit na butas ng gate ay hinihiling niya na sana ay pansinin naman siya nito. Iyong kahit tingnan lang siya, katulad ng ginagawa ng mahal na Agatha niya sa iba. Mahal niyang tunay si Agatha at wala nang kahit ano pang paliwanag ang nararapat. At paminsan – minsan iniisip niyang sabay silang umiibig at hindi mapakali, iniisip iyon ni Arthur. Bawat araw at sa bawat gabing hindi niya ito nasisilip sa butas ng gate. Ngunit ang nakakalungkot nga lang, ang katotohanan na ang pagnanasa at pagmamahal pala niyang iyon ang papatay sa minamahal.
               
                Isang mahabang na busina ng motorsiklo ang nagpabalik kay Arthur sa ulirat. Tumigil na siya sa pagsilip sa butas ng gate nang marinig niya ang mahabang busina at pagsigok – sigok ng motorsiklo. Nariyan na ang amo ni Agatha. Hindi niya na naman makikita ang minamahal na si Agatha sa House no. 35 dahil kakailanganin na naman ito ng amo. Isang mahabang busina pa ang pinakawalan ng motor bago niya maalala ang dahilan ng pagkakakilala niya kay Agatha.

                “Takbo! May motor sa likuran mo!”

                Bago pa man mahagip ang katawan ni Arthur ng motor ay mabilis na siyang nakatalon at nakalayo sa kalsda. Nagpasalamat siya sa tinig na hindi niya pa alam kung kanino nagmumula.Pagkatapos ay hinanap niya iyon at natagpuan niya ang sariling  nasa harap na ng House no. 35.

                “Salamat sa sigaw mo, ha? Nakaligtas ako dahil sa’yo.”
Doon niya natagpuan si Agatha. Ang mahal niyang si Agatha na hindi man lang pinansin ang pagpapasalamat niya. Agad itong lumayo nang makita siya sa harapan ng gate. Ngunit sa kabila noon ay minahal niya pa rin si Agatha. Dahil utang niya rito ang buhay niya.

Wala na naman siyang pagkakaabalahan dahil wala na ang mga malilibog na amo niya. Wala na ang kinawiwilihan niyang pakinggan araw – araw. Pumasok na rin naman sa loob ng House no. 35 si Agatha. Kaya pumasok na rin siya sa loob ng House no. 34. Sa pagpasok niya sa kwartong pinangyarihan ng seks ng mga amo ay nakita niya sa lapag ang mga nagkalat na ebidensiya. Condom sa sahig. Bra. Brief. Shorts at mga damit. Doon lang napansin ni Arthur na nagpalit lang pala ng damit ang mga amo niya. Sa paglakad – lakad pa sa kwarto ay nakita niya ang isang pinakamatibay na ebidensiyang nagpakasasa nga sa laman ang mga amo. Patak ng tamod sa sahig. Inamoy niya. Amoy Zonrox ang putangna. At nagulat pa siya na ilang hakbang lang ang layo mula sa  tamod ay may mga nagkalat na kumpol ng kulot na buhok.
Kulot? Wala namang kulot kina Sir at Mam. Naisip pa niya. Pagkatapos ay nakita niya ang isang bagay na ginamit ng mga amo niya kanina. Ang librong Kama Sutra. Muli na namang pumasok sa isip ni Arthur ang minamahal niyang si Agatha. Isinara niya kaagad ang libro. Hindi naman sa sawa na siya rito ngunit wala siya sa mood ngayon para tingnan ang Kama Sutra. Nilibot niya pa ang paningin sa kabuuan ng kwarto. Nakakita siya ng dalawang babasahin na bago lang sa kaniyang paningin. Fuck The Summer ang pamagat. Sa cover ay may isang lalaking nasa middle age at babaeng maliit na mukhang mas bata rito ng sampung taon. Nangingiti – ngiti niyang binuklat ang libro. Naaliw siya sa pagbabasa hanggang sa humantong siya sa pahina kung saan subo-subo ng babae ang ari ng lalaking napag-alaman niyang tiyuhin pala nito mula Amerika. Nag-init pa ng husto ang katawan niya nang makita ang mga susunod na pahina. Sa mga sandaling iyon, naisip ni Arthur na mangyari sana ang ganoon sa kanila ni Agatha. Hindi pagmamahal lang. Gusto niya rin ng seks na ganoon katindi kahit napakaimposibleng mangyari.
                “Arthur, nandito na kami.” Ang bati ng amo niyang lalaking kakarating pa lang. Hindi niya ito pinansin. Huling pumasok sa House no. 34 ang babae. Gabi na nang dumating ang kaniyang mga amo kaya nagtataka siya kung saan nagpunta ang dalawa. Pero hindi naman niya kayang tanungin ang mga ito, taga-bantay lang siya at palaging walang karapatan ang taga-bantay para magtanong.
 Sa kwartong pinagmulan niya kanina ay muling pumasok ang dalawa. Ilang minuto lang ang lumipas ay nakarinig na si Arthur nang mga pigil na paghinga. Napangiti na naman siya. Simula na naman kasi ang palabas na kinaaaliwan niya. Ang mga mahinang paghinga ay napalitan ng mahinang kalabog at pag-untog. Dahil sa katahimikan ng gabi ay mas malinaw na naririnig ni Arthur ang lahat. Ang mabibilis na paghakbang. Ang pag-click ng switch ng ilaw. Ang pagbukas ng gripo. Pagpatak ng tubig. Tunog ng mga nag-aalab na halik. Ang musika ng mga patinig na nililikha ng kaniyang mga amo. Pagkatapos ng mga sunod – sunod na pagkamatay ng gripo at mga tinig ay narinig niya ang mabibilis na paghakbang ng mga paa na para bang ang mga pagdikit ng mga iyon sa sahig ay lumilikha ng nakakahalinang tinig sa kaniyang pandinig. Malinaw niyang narinig ang muling pagbuklat ng libro. Kama Sutra, sa isip – isip ni Arthur na para bang iyon lang ang pinakaimportanteng libro sa buong mundo. Muli na namang pumasok sa isip niya si Agatha.
Sa pagpapatuloy ng mga tunog ay narinig niya ang isang pamilyar na tunog ng pagkapunit ng plastic. Condom, sa isip – isip niya. At napangiti na naman siya sa pag-iisip na ang mga amo niya’y pinoproblema ang ligtas na paraan ng pakikipagtalik. Samantalang siya, hindi niya iyon kahit kailan pagdadaanan.
“Teach Me Master. Bagong bili kong manga, honey. Ito na muna ang gamitin natin ha.” Mahina lang ang pagkakasambit ng lalaki ngunit malinaw iyong naririnig ni Arthur. Sumablay siya sa unang pagkakataon. Hindi Kama Sutra ang libro na gagamitin nila kaya nawala siya ng gana na ipagpatuloy pa ang palabas. Hindi niya rin naman kasi alam kung tungkol saan ang Teach Me Master na binanggit ng amo niya. Ayaw niya ring mag-imahe nang wala siyang kaide-ideya kung ano ang dapat isipin.
“Role-playing muna tayo ngayon, honey. Gayahin na lang natin dito sa manga na nabili ko.”
Iyon na ang huling salita na narinig ni Arthur bago siya umalis ng House no. 34. Hindi na siya mapakali nang labasin niya ang pinto ng bahay. Gusto niyang silipin ang butas sa gate para muling tingnan si Agatha. Gusto niya itong isipin buong magdamag. Gagawin niya ang lahat – lahat para lang mapatunayang mahal niya ito.
Kaya naman nang matabihan ni Arthur ang butas sa gate ay hindi niya na napigil pa ang sarili. Marahan at buong pagmamahal niyang sinuyod ng paningin ang labas ng pinto ng House no. 35. Umaasa siyang naroon pa rin ang minamahal at gising. Ngunit wala. Wala roon ang Agatha na kaniyang sinasamba. Ang tanging naroon lang ay ang malamlam na liwanag ng ilaw na paminsan – minsa’y kumikindat. Kinutuban na siya nang mga oras na iyon. Totoo nga siguro ang usap – usapan na ang minamahal niyang si Agatha ay marami nang beses na nakasta ng iba. Kalat na iyon, matagal na, pero dahil mahal niya si Agatha ay hindi agad siya naniwala. Hindi siya maniniwala hangga’t wala siyang nakikita. Kung saang House no. nagsimula ang balita ay hindi niya na alam. Hindi nga rin alam ni Arthur kung ilan ba talaga ang bilang ng mga bahay sa kanila. Hanggang House no. 50 pa lang ang alam niya dahil iyon pa lang ang numerong kaya niyang bilangin sa kasalukuyan.

Desidido na si Arthur nang mga oras na iyon. Lalabasin niya ang gate ng House no. 34 at hahanapin si Agatha sa kalagitnaan ng gabi. Matagal na siyang naglalakad – lakad nang makita niya ang minamahal ilang metro lang ang layo sa bahay na kaniyang pinagmulan. Nag-iisa lang ito kaya naisip niya na sa wakas ay napatunayan niyang hindi totoo ang balitang nagpapakasta ito kahit kanino. Mabilis ang ginawa niyang pagtakbo. Pabilis na pabilis ang tibok ng puso niya.
“Ito na ang tamang oras para patunayan kay Agatha kung gaano ko siya kamahal” ang nasabi niya sa sarili. Mula sa likuran ay mabilis niyang dinamba si Agatha. Nagpumiglas pa ito ng todo – todo mula sa pagkakabaon ng kaniyang mga kuko. At upang hindi makawala ang minamahal ay lalo niya pang hinigpitan ang pagkakakapit kay Agatha. Natanggal pa ang ilang balahibo ng babae bago niya tuluyang maipasok ang galit na galit na ari niya rito. Habang nasa kaloob – looban ng minamahal ang ari niya ay naisip niyang muli ang librong Kama Sutra. Naalala niyang bigla na ito ang number 6 sa libro. Dog Style. Ang natural na pagtatalik ng mga asong kagaya niya.
Hindi na pinansin pa ni Arthur ang pag-iyak ni Agatha. Iisa lang ang importante na pumapasok sa isip niya habang kinakasta ang kapitbahay na matagal niya na ring minamahal at pinagnanasahan. Umiyak pa nang umiyak si Agatha. Bumilis naman nang bumilis ang ginawa niyang pagbayo. Hanggang sa naisip niyang gawin ang number three sa librong Kama Stura. Bumilis pa lalo nang bumilis ang ginawa niyang paggalaw sa likuran ni Agatha. Una’y dahil sa pagmamahal. At ang ikalawa’y dahil sa galit na hindi nagagawa ng mga asong katulad niya ang number three sa Kama Sutra. Sa gitna nang pag-iisip ay hindi niya namalayang nag-iba na pala siya ng posisyon. Nagdikit ang puwitan nilang dalawa ni Agatha. Pareho silang hindi gumagalaw. Sa punto lang na iyon niya napagtanto na nakabuo sila ng isang numero. Number three na nakaharap sa kalsada. Ang bagong number three na natuklasan niya. Ngunit hindi pa rin siya nakuntento pagkatapos noon. Hindi kayang punan ng number three na natuklasan niya ngayon ang number three na nasa libro ng Kama Sutra.
Pagkatapos ng ginawa niyang pagkasta kay Agatha ay iniwan niya na ito. Bumalik na siya sa House no. 34 sa takot na mapansin ng mga amo ang kaniyang pagkawala.

                Ilang araw pa ang nagdaan nang unti – unting napalitan ng higit pang pagnanasa ang pagmamahal niya kay Agatha. Parati na lang iniisip ni Arthur ang nangyari noong gabing makasta niya ito. Tinigil niya na ang pagsilip sa butas ng gate. Tinigil niya na ang pagsamba kay Agatha at sa House no. 35. Palagi niya na lang iniisip ang Number Three sa libro na Kama Sutra.
                Kinabukasan din matapos ang ginawa niyang pagkasta kay Agatha ay napuno ng ingay ang House no. 35. Ingay ng pag-iyak at paulit – ulit na tahol mula sa minamahal. Hanggang sa ang ingay ay napalitan na nang katahimikan. Nang minsang sumilip siya sa gate ng bahay ay wala na roon ang dating minamahal na si Agatha.
                Isang malaking piraso ng karne ang hinagis ng mga nag-iinuman sa kabilang gate na agad namang sinunggaban ni Arthur. Nginuya niya nang nginuya ang buto at pinaglaro sa lalamunan. Para bang naroon ang sarap na matagal niya nang hinahanap – hanap.

“Tingnan mo pre, yung aso hindi marunong kumilala ng kamag-anak niya. Kainin ba naman ang kapwa?” Hindi na narinig ni Arthur ang usapan na iyon dahil abala siya sa pagkain.
Pagkatapos ay narinig niya ang malalakas na halakhakan. Nakangiti pa rin siyang nginangasab ang karne. Hindi niya malalaman kahit kailan na nagawa niya pala ang isang bagay na matagal niya nang inaasam. Ang number three.
               


Saturday, May 21, 2016

Raid

Malakas na tadyak ang nagpatumba sa pintong yero ng isa sa mga bahay sa Putting Diablo. Nagtakbuhan ang ilang tao sa loob. Nagkapalitan ng putok ang magkabilang panig. Pagtigil ng barilan, pumasok agad si SPO1 Reyes. Syringe, aluminum foil, sachet ng droga, drug paraphernalia at isang bangkay na nakatihaya.
Ang anak niyang matagal nang nawawala.

Lamig

Ilang gabi na akong giniginaw. Wala na kasi ang kumot na bigay mo nitong huli nating anibersaryo.

Dalagang Bukid

Dalagang Bukid
Sabay kami noong naliligo sa sapa. Pinapanhik namin ang mababang puno ng mangga sa tuwing nahihitik ito sa bunga. Kapag nama’y hinog na ang mga palay ay pareho kaming sumasama sa kaniya – kaniya naming mga ama para tumulong sa paggagapas.
Ngunit ilang taon din ang lumipas. Ang sapa ay natuyo. Mga punong mangga at ang iba pang punong aming inaakyat ay binuwag na nang napakaraming bagyong nagdaan. Ang mga palayan ay pinatag ng mga graba at semento.
Si Mina, ang natatangi kong kalaro ay nakasabay kong makatapos ng hayskul. Tumigil siya sa pag-aaral nang makatapos. Ipinagpatuloy ko ang pag-aaral sa kolehiyo para tumapos ng karera. Isang araw nga, noong matagal na kaming hindi nakakapagkita ay may dumating na babaeng taga-Maynila. Naghahanap ng mga babaeng maaaring isama sa pagbabalik, isa si Mina sa napiling isama sa Kamaynilaan. Bibigyan daw ng trabaho sa ibang bansa pagkarating na pagkarating sa Maynila.
“Sumama ka na rin sa akin.” Ang sabi niya pa bago dumaan sa bahay at magpaalam. Naiintindihan kong kailangan niya iyon gawin para matulungan ang kaniyang mga magulang. Halos pareho lang naman ang sinapit ng mga lupang sinasaka ng aming mga ama kaya alam kong naiintindihan ko siya. Ang lupa nami’y hindi natubos dahil nagkasakit si tatay samantalang ang kanilang lupa naman ay inagaw na lang basta – basta, wala raw titulo ang sabi ng kumuha.
“Gusto kong sumama. Pero kailangan kong makatapos, isang taon pa.” Susunduin na lang kita, ang gusto kong sabihin. “Matutulungan ko na rin sila nanay at tatay.” Dahil iyon naman talaga ang pangarap ng napakaraming panganay na tulad ko.
Itinuloy mo ang pag-alis sapagkat kailangan mo ng trabaho. Itinuloy ko ang pag-aaral. Napakaraming taon ang hinintay ko sa pag-aasam na muli kang babalik kahit wala na ang sapa at mabababang puno ng mangga. Nagtatayugan na ang mga gusali at napakarami nang hindi pamilyar na mukha ang naririto sa ating lugar. Hindi ka pa rin nagbabalik Mina, hinihintay pa rin kita.
Trenta y singko na ako nang muli tayong magkatagpo sa isang Mall kung saan dating nakatayo ang mabababang puno ng mangga. Paanong hindi kita makikilala kung matagal ka nang nakatatak sa puso at isip ko? Hinintay kita at hindi ako nag-asawa dahil naniniwala akong magbabalik ka nga, para alalahanin ang napakaraming araw ng ating paglalaro. Lalapitan na kita nang biglang may sumulpot na matanda at lumapit sa iyo.
“Ayako.” Ang tinawag sa’yo ng matanda. Ayako? Nagkamali ba ako, hindi ba ikaw ang Mina na kababata ko?
Lumingon ka sa matanda. At mas lalong lumakas ang hinala ko na ikaw nga si Mina dahil sa pahaba mong balat sa batok na parang mapa ng Palawan. “Ayako.” Muling tawag niya sa iyo. Dali – dali kang lumapit sa matanda at tinulungan ito sa mga bitbit na plastic bags.
“Mina!” sa pagkakataong iyon ay pasigaw kitang tinawag. Lumingon ka at nagbitiw ng malungkot na ngiti.

Excerpt mula sa Kung Paano Nawala si Nanay nang Hindi Nakikita ng Kapitbahay

Dala – dala ko na naman ang sakong puno ng umaalingasaw ng basura. Kung bakit ba kasi ako na lang palagi ang napag-uutusang itapon ang basura sa creek. Hindi ba mautusan ni Nanay si Jun, e wala namang ginagawa ‘yon kundi manuod ng t.v at gumala. Bukod sa biglaan na nga lang nawawala si Jun. Pero bukod doon, wala naman na akong problema kay Jun dahil may malaki kaming sikretong pinaghahawakan. At kapag nalaman ni Nanay ang sikreto, siguradong yari kaming dalawa ng kapatid ko.
Iika – ika na nga ako maglakad ako pa rin ang palaging inuutusan. Kung pwede lang, sasabihan ko si Nanay na siya na ang magtapon ng basura, ang tanda niya na tapos ako pang may kapansanan ang inuutusan niya. Bakit ba kasi hindi mahagilap si Jun. Maghapon na naman sigurong gumala at sa kabarkada na nagpalipas ng umaga. Putangna talaga ‘yang kapatid ko. Kung ‘di ko lang mahal baka isinama ko na rin siya sa pagkakagapos ko, e.
Ramdam ko pa rin ang pagkakakapit ng kadena sa paa ko, inalis pero parang nanatili. Nag-iwan pa ng marka. Parang pambubugbog at pang-aabuso ni Nanay na hindi na tumigil magmula noong mawala si Tatay.
Malapit na ako sa creek nang makaramdam ako ng ginhawa. Sa wakas ay matatapon ko na rin ang sako ng basura. Mawawala na rin ang bigat ng dinadala ko. Kaya bago ko itapon nang tuluyan ang sako sa creek na tinawag ko nang black dragon spirit dahil kakulay nga ng dragon ni Vincent sa Ghost Fighter ay tumitig muna ako sa langit. Pero bago pa tuluyang marating ng isip ko ang langit ay nakita ko na muna ang mga langaw na nakalutang sa ere at hindi gumagalaw. Ang galing – galing ng mga gago. Pero mas magaling din ako dahil nagkakaroon din ng araw na nagiging langaw muna ako bago maging tao. Gaya ngayong oras na ito, madaling araw ang oras ko para maging tao dahil ito ang oras na pinagtatapon ako ng basura ni Nanay. Para daw makatipid. Minsan gusto kong sabihin kay nanay na baka para makatipid at mapipangdagdag sa pagsusugal niya. Pagkatapos nito, kapag naitapon ko na ‘tong sako ng basura sigurado akong magsasalangaw na naman ako pagka-uwi sa bahay. Hindi makakagalaw. Ang pinagkaiba ko nga lang sa mga langaw, may kadena ako, e wala namang kadena ang mga gago.
Nilamon na nang black dragon spirit ang sakong puno ng basura nang lakarin ko ang daan pauwi sa amin. Wala pa rin si Jun. Sira talaga ang ulo nitong kapatid ko.

Nakakatakot sa Pantry

Sa Pantry nung madaling araw may narinig akong nagkukwentuhan. Ang sabi ni girlet, nakakatakot sa cr.
Bakit, tanong ni boyet.
Kasi daw wala namang tao pero may tae.

Friday, October 30, 2015

Isko

Kapareho na naman ang tagpo noong mga nakaraang araw. Nagkakatuwaan na naman ang mga bata sa panunukso sa isang lalaki. Si Isko. Nakapaligid na naman ang limang bata kay Isko, labing limang taon lang si Isko at mantakin mo, matagal niya nang tinitiis ang mga panunukso ng mga bata. Ginagaya – gaya ang pagsasalita niya. Nasa harapan niya ang isang batang lalaki at babae. May mga sinasabing hindi niya naman naiintindihan at hindi niya naririnig. Pero ramdam niya na masasama ang sinasabi ng mga batang nakapalibot sa kaniya dahil nakikita niya sa mga mukha nito ang labis na pagkatuwa sa kaniya kahit wala naman siyang ginagawa. Mabuti na lang talaga at dumating si Aling Melba.
                “Hoy! Tigilan niyo nga ang anak ko! Araw – araw na ginawa ng Diyos! Mga walang modo!” pag-awat ni Aling Melba sa mga bata. Sumenyas si Aling Melba kay Isko at pinalapit sa kaniya ang anak, niyakap, suminghot – singhot na tila ba nagpipigil sa pag-iyak. Inakay papunta sa bahay.
                Nagbabasa noon si Mang Elmer nang pumasok sa loob ng bahay ang mag – ina.
“Ano na naman ang nangyari? Narinig na naman kitang sumisigaw. Pinapagalitan mo na naman ba yung mga batang nanunukso diyan sa anak natin?” Saka ibinaba ni Mang Elmer  ang diyaryo at kinuha ang tasa ng kapeng umaaso pa na nakapatong sa lamesitang nasa harapan niya.
“Paanong hindi ko papagalitan, lagi na lang inaalaska itong si Isko ko e.” Sabay hatak sa anak na walang kamuwang – muwang sa pinag-uusapan ng mga magulang.
“Pabayaan mo na sa susunod ang mga batang yan. Ilang beses mo na bang sinaway ang mga yan? Magulang dapat ang nagmamando sa mga anak nila. Hayaan mo’t kakausapin ko sa susunod ang mga magulang kapag inulit pa.”
“Sinabi mo na rin iyan dati pero hindi mo naman kinausap. Baka pwedeng gawin mo na kapag naulit pa? Si Isko na natin ang kinakawawa e.” ang pangungumbinsi ni Aling Melba sa asawa.
“Sige na nga, kakausapin ko na. Mahirap na at baka sabihin mo pang wala akong pakialam diyan sa anak natin.”
                Tumigil lang ang pag-uusap ng mag-asawa nang muling humigop si Mang Elmer ng kape. Muli itong bumalik sa pagbabasa ng diyaryo. Si Aling Melba naman ay dumiretso na sa kusina para magluto ng tanghalian.
                Natapos ang usapan ng mga magulang niya na wala na naman siyang naintindihan kahit isa. Pero kahit ganoon na wala siyang naririnig o naiintindihang salita ay alam niyang nagtatalo na naman ang mga ito dahil sa mga batang nakapalibot sa kaniya kanina. Iyon na lang kasi madalas ang tagpo tuwing umaga kaya kabisado na niya ang ekspresyon ng mukha ng nanay at tatay niya.
                Madalas pa nga siyang inaapi sa kanila. Kapag bumibili sa tindahan ay paminsan – minsang niloloko ng tinder, paulit – ulit na ipapaturo ang bibilhin niya  at minsan din siyang pinipilit na magsalita. Minsan naman ay napagtitripan siya ng mga tambay na hubad barong nagiinuman sa isa sa mga eskenitang dinadaanan niya pauwi mula sa eskwelahan. Ang mga maliliit na bata ay sinisipa siya at sinusuntok paminsan – minsan. Ang mga kasing edad naman niya ay ayaw sa kaniyang makipagkaibigan dahil nga hindi naman sila nagkakaintindihan. Ang iba nga ay tinatapat ang bibig sa tenga niya at sinisigawan siya ng ubod ng lakas. Hindi siya nagsusumbong sa nanay o tatay niya. Ayaw niyang masakatan ang mga ito ng dahil sa kaniya. Iniintindi niya lang iyon. Araw – araw niyang iniintindi ang mga ganoong tagpo. Matagal na niyang tinitiis ang pang-aapi sa kaniya ng mga kapitbahay, ng halos lahat ng tao sa Baranggay Palara. Pero habang tumatagal ay lalo lang niyang tinitibayan ang sarili. 
Mapapatunayan ko rin sa inyo na may silbi rin ako. Iyon ang palaging nasa isip ni Isko. May paniniwala kasi siyang ang lahat ng tao ay may silbi sa mundo.
                Isa lang iyon sa normal na araw ng buhay niya. Sa Baranggay Palara kung saan nakatirik ang bahay nila kasama ng iba pang bahay na mas matagal nang naroon kaysa sa bahay nila. Dikit – dikit ang mga bahay, iba’t – iba ang sukat, ang anyo, at ang mga pagkakatayo. May mga bahay na ang ginamit na pader ay ang mga mga yero, plywood o semento. May mga haliging matibay, may mga haliging hindi sigurado kung kailan bibigay.
                Palagi rin mainit ang lugar nila mapatanghali man o umaga. Kaya naman makikitang nakahubad ng pang-itaas ang karamihan sa mga lalaki, payat man o mataba. Ang ibang babae naman, na madalas ay binubuo ng mga nanay ay nasa labas ng bahay madalas kapag tanghaling tapat, nakikipagtsismisan sa mga kumare, kutuhan  at kung hindi na matiis ang init ay dumadayo ng mall para magpalamig, minsan ring nagpupunta sa tong – it – an. Ang ibang binata, dahil bakasyon ay karaniwang nagbabasketbol, naghahalakhakan, nagkukwentuhan, naglalaro sa computer shop at mayroon din namang kumakanta at isinasabay sa tugtog ng gitara. Ang ibang dalaga ay nagpupunta sa mall, nakikipagkuwentuhan sa mga kaklaseng nasa kabilang baranggay o kaya naman ay nanonood ng telebisyon. Ang ibang bata ay naglalaro ng tumbang preso, nagpapatintero, naghahabulan, tumatambay sa computer shop at kapag tanghali ay sapilitang pinapatulog ng mga magulang.
                Iyon ang kulay ng Baranggay Palara na nakikita ni Isko, ang kulay na nagbibigay sa kaniya ng pag-asa para maipakita sa mga kapitbahay na may silbi rin siya. Ang mga kulay na kahit hindi niya naririnig at hindi naiintindihan ay hindi niya naman pinagsasawaang titigan. Araw – araw. Mahal ni Isko ang lugar nila, kahit pa sabihing iskwater’s area lang iyon o kahit pa sabihin ng ibang wala siyang mga kaibigang nakatira roon. Mahal niya ito sa simpleng kadahilanan: ang lugar kasing iyon ang humubog sa pagkatao niya.
                Ngunit dumarating talaga ang araw ng pagbabago sa buhay ng tao. At dumating iyon kay Isko. Isang gabi, noong huling linggo ng Marso. May curfew kaya naman ang halos lahat ng tao ay nasa kani – kanilang bahay na at natutulog. Ang mga tanod na nagroronda ay tumigil na sa paglalakad at humanap na ng pwesto para magawa ang seremonya ng pag-inom at mabanatan na ang alak na pinag-ambag – ambagan. Naubos ang alak. Nakatulog ang mga tanod.
                Hindi makatulog si Isko noong gabing iyon sa hindi niya malamang kadahilanan kaya naman nagpasya siyang umakyat na lang sa bubong ng kanilang bahay sa pagbabakasakaling madampian ang balat ng malamig na hangin ng gabi. Dahan – dahan niyang binuksan ang pinto ng bahay para hindi magising ang natutulog na mga magulang. Madali niyang naakyat ang bubong. Nag-unat – unat pa siya ng kamay. Nang mapalingon siya sa gawing kanan ay malinaw na nakita ng mata niya ang lahat. Ang nasusunog na bahay ng isa sa mga kapitbahay niya.
               
                Ano ang gagawin mo kapag nakikita mong nasusunog ang isa sa mga bahay ng kapitbahay mo? Iyon agad ang tanong na pumasok sa isip ni Isko nang makita niya ang sunog.
                Sisigaw. Iyon ang karaniwang sagot. Ngunit hindi sa katulad ni Isko, sapagkat noong gabing nakita niyang natutupok ng apoy ang isa sa mga bahay na malayo sa kanila ay mabilis siyang bumaba ng bubong. Ginising niya ang mga magulang na natutulog pa. Nang mapaharap ang mga ito sa kaniya at magulat ay sumenyas siya sa kamay. Itinaas papunta sa kanang tenga.
 “Aaah! Aaah! Eeeh!” Tumawag kayo ng bumbero.Iyon talaga ang gusto niyang sabihin sa nanay at tatay niya. Nang hindi makuha ng nanay at tatay niya ang sasabihin ay alistong nagpunta si Isko sa kalan. Binuksan niya, tinuro – turo niya ang apoy. Nang masiguro niyang nakuha na ng magulang niya ang gustong iparating ay dali – dali niyang kinuha ang dalawang isang litrong plastic na bote ng coke na pinaglalagyan nila ng tubig. Pagkalabas niya ng pintuan ay ibinuhos niya agad ang natitirang laman ng bote sa katawan. Hindi na nahabol pa ng mga magulang niya si Isko.
                Parang si The Flash ang bilis ng takbo at ang pakiramdam ni Isko ng takbuhin niya ang bahay na nakitang nasusunog kanina. Habang tumatakbo ay sumisigaw siya ng ubod ng lakas at pinupukpok ang mga bahay na dinadaanan niya ng plastic na bote ng coke na hawak – hawak niya. Ginagawa niya ang lahat para magising ang kaniyang mga kapitbahay. Wala siyang tigil sa pagsigaw. Sa pagpukpok sa mga bahay na dinadaanan.  Nang marating niya ang bahay na nasusunog ay kinatok niya ang pinto ng sunod – sunod. Nagmamadaling mga katok. Sapagkat iyon lang ang tanging magagawa ng piping katulad niya sa mga ganoong pagkakataon: ang mag-ingay para magising ang mga kapitbahay.
                Ngunit mabagal pa rin pala ang pagtakbong kaniyang ginawa. Tinalo ng bilis ng pagkalat ng apoy ang kaniyang pagtakbo. Doon lang din sa puntong iyon napuno ng pagtataka ang isip niya,  na kung bakit sa mga ganoong uri ng gabi na nangyayari ang sakuna ay tila himbing na natutulog ang mga kapitbahay niya. Para bang siya lang at ang mga magulang niya ang gising, na para bang tanging sila lang ang may buhay sa lugar na iyon. O maaari ring siya ang napili ng panahon para iligtas sa pagkalamon ng apoy ang daang – daang, dagat – dagatang bahay na dikit – dikit sa Baranggay Palara.
                “Eeeaahhh! Aaaaah!” ang hindi maintindihang sigaw ni Isko. Sunog ang kanina niya pa paulit – ulit na gustong isigaw ngunit tanging mga palahaw lang ang inilalabas ng kaniyang bibig. Kinatok niya pa nang kinatok ang bahay. Ilang ulit. Hanggang sa makita niyang gumalaw ang pinto. May taong iniluwa ang pintuan na sinabayan ng paglabas ng maitim na usok mula sa loob ng bahay. Umubo – ubo. Umiiyak at panay ang pahid ng luha at sipon. May itinuturo kay Isko.
                “Nasa loob pa ang anak ko!” ang umiiyak na sigaw ng babaeng iniluwa ng pintuan.
Nakailang turo pa ang babae sa pinto bago maintindihan ni Isko ang ibig nitong iparating. Mabilis niyang pinasok ang pintuan. Sa pagbukas ng pinto ay unti – unting naglaglagan ang ilang piraso ng mga kahoy na nagsisilbing pundasyon ng bubong. Nang makakita siya ng katiting na tsansa para mapasok ng tuluyan ang nasusunog na bahay ay hindi na siya nagdalawang isip pa. Kailangan niyang mailigtas ang bata at maialis sa kamang noon din ay dinidilaan na ng apoy. Alisto ang kilos niya, ang pakiramdam ni Isko ay nasa kaniya ang lahat ng lakas ng mundo para makapagligtas. Kinuha niya agad ang bata na muntik nang madilaan ng apoy. Lumabas. At pagkatapos makaalis ni Isko kasama ang mag-inang iniligtas ay saka lang lumaki ang apoy na kumain sa buong bahay. Mabuti na lang at nailigtas niya ang bata.
                Yumakap ang bata sa kaniyang ina. Tumingin kay Isko. Nang magkatinginan si Isko at ang bata ay saka niya lang naalala na iyon ang batang madalas na nang-aasar sa kaniya. Nginitian niya ito. Saka sila tumakbong tatlo papalayo sa nasusunog na bahay.
                “Salamat at iniligtas mo ang anak ko.” Ang sabi pa ng babae kay Isko habang tumatakbo silang tatlo.
Hindi na rin nabigyang pansin ni Isko ang pagpapasalamat sa kaniya ng babae dahil natuon ang pansin niya sa apoy na gumapang sa wire ng kuryente. Inabot na ng apoy ang iba pang mga bahay na kadikit ng bahay na nauna nang nasunog. Sinenyasan na lang niya ang dalawang taong nailigtas. Kinalabit ni Isko ang nanay ng bata para lingunin siya at sa pagharap nito ay itinaas niya ang kanang kamay at itinapat sa tenga na parang inaaktong tumatawag sa telepono.

                Umalis na kayo dito! Tumawag kayo ng bumbero! Humingi kayo ng tulong! Iyon ang mensaheng gustong sabihin ni Isko kung nakakapagsalita lang sana siya. Pagkatapos nang makailang ulit na pagsenyas ay umalis na ang mga ito. Tumango – tango ang babae tanda ng pagkakaintindi sa mga senyas ni Isko.  Sa pag-alis ng mga nailigtas ay muling inulit ni Isko ang pagsigaw. Wala na sa kaniya ang mga plastic na bote kaya ginamit niya ang mga kamay. Kinalampag niya ng paulit – ulit ang mga bahay na malapit ng maabot ng apoy. Mabilis. Makailang ulit siya sa pagtakbo kahit pa ang mga paa’y maraming beses ng natutusok ng mga bato.

                Ililigtas ko ang mga kapitbahay ko. Mahal ko ang Baranggay na ‘to. Ang gustong isigaw ni Isko, kahit pa ang totoong lumalabas lang naman sa kaniyang bibig ay mga salitang hindi maintindihan. Kahit pa mga pagsigaw lang iyon na hindi nabigyan ng kabuuhan.
                Marami na ang nagising ni Isko bago pa kumalat ang apoy sa kabuuhan ng Baranggay Palara. Ang mga naggising ni Isko ay nanggising din ng mga kapitbahay. At ang mga nagising ng mga nanggising ay nanggising ng iba pa. Hanggang ang kabuuan nga ng Baranggay Palara ay magising na. Bilang pa sa daliri ang bahay na nadidilaan noon ng apoy. Si Isko ay napagod na rin sa pagtakbo. Nilakad na lamang niya ang daan pauwi sa mga magulang. At nang hindi na magawang makalakad ay bumagsak na lang siyang bigla sa sementadong daan. Saka lang din napansin ng kaniyang mga kapitbahay na puno na ng sugat at bubog ang kaniyang mga paa.
               
                Hindi na nagawang samantalahin pa ng mga magnanakaw ang pagkakataon. Walang nawalang plantsa, rice cooker, kalan at electric fan na karaniwang nawawala sa tuwing nagkakasunog. Tila ba pati mga magnanakaw ay sumali sa nangyaring bayanihan. Nagtulong – tulong ang mga bumbero at ang mga tao sa Baranggay Palara. Binuksan ang gripo noong gabing iyon ng bawat bahay malapit sa nasusunog. Ang mga kalalakihan ay nagbuhat ng timba- timbang tubig at pinagpasa – pasahan hanggang sa makarating sa pinakauna ng pila para maibuhos sa apoy. Ang mga kababaihan naman ay tumulong din sa pagsasahod ng tubig, hawak ng karamihan sa mga babae ay tabo at planggana. Ang mga bata ay kumuha ng maliliit na galon. Kumuha rin ang iba sa mga bata ng mga tabo at pitsel at sinahod sa gripong nasa loob ng kani – kanilang bahay. Kapag napupuno ang mga pitsel, galon at mga tabo ay inilalagay iyon ng mga bata sa iba pang timbang walang laman. Para bang pinatay ng pagkakaisa ng lahat ng tao sa Baranggay Palara ang dapat sana ay pagkataranta.
                Sa pagdating ng iba pang trak ng bumbero ay lalo pang pinagbuti ng mga lalaki ang pagpapasahan ng mga timbang may lamang tubig. Mabilisang pasahan ng mga timba. Hindi alintana ang pagsakit ng mga kamay. Kailangang mapatay ang apoy. Kailangang magpatuloy ang buhay at manatiling naroroon ang bahay nila sa Baranggay Palara.
Si Isko naman, noong mga oras na iyon ay nakatingin lang, nakahiga pa rin sa sementadong daan, nakangiting pinagmamasdan ang kaniyang mga kapitbahay habang nagtutulong – tulong para mapatay ang apoy.
Nang matapos maapula ang sunog ay may isang babaeng nagtanong.

“Sino pala ang unang nakakita ng sunog?” tanong ng babaeng may hawak na planggana.
“Iyun! Yung Pipi.” Nguso ng babaeng may hawak na tabo kay Isko na nakahiga pa rin at nakasalampak sa sementadong daan.
“Kung hindi dahil sa batang iyan baka nasunog ang lahat ng bahay natin.” Sabi pa ng isang babaeng may hawak na pitsel na nakisali na rin sa usapan.
“E, ano raw pala ang pinagmulan ng sunog? Sino ang may kasalanan?”  tanong ng lalaking may hawak na timba na hindi na rin nakapagpigil na huwag sumabat sa usapan ng mga babae.
“Ewan. Baka pinasunog na naman ni Meyor. Alam mo na…” sadyang putol ng babaeng may hawak na pitsel sa sasabihin niya. “Noon pa ito balak kunin ni Meyor ‘di ba? Saka wala naman daw kandilang nakalimutan doon sa pinagmulan ng sunog sabi nung may –ari.”
“Hayaan niyo na. Ang importante ay ligtas tayong lahat. Huwag na nga kayo magkalat ng kung ano – ano pang tsismis.” Ang sabi ng babaeng may hawak na planggana. “Batiin niyo na lang yung bata. Siya ang dahilan kung bakit nakaligtas tayo.”
                At nagdagsaan na nga ang mga tao tungo sa kinahihigaan ni Isko. Nakangiti pa rin siya. Wala na ang apoy na muntik lumamon sa Baranggay Palara. Binuhat siya ng mga kalalakihan at initsa – itsa sa ere ng mga ito. Masayang nagtatawanan ang lahat habang ihinahagis ang katawan ni Isko sa ere.
                “Si Isko! Ang bayaning nagligtas sa Baranggay Palara!” sigaw ng isang lalaki.
                “Mabuhay!”
                “Isa kang tunay na bayani!”
                “Matapang! Walang alinlangan.”
                “Mabuhay si Isko!”
Iyon ang mga sinisigaw ng kapitbahay niya. Hindi man naririnig ni Isko ang lahat ay nakaramdam naman siya ng labis na saya. Na kahit minsan, sa buhay ng isang piping tulad niya ay napatunayan niyang may silbi siya. May maitutulong din siya sa kaniyang kapwa.
“Ang anak natin, Mer.” Ang naiiyak na sabi ni Aling Melba sa asawang si Mang Elmer habang pinagmamasdan ang anak na hinahagis ng mga kalalakihan.

“Bayani ang anak natin.” Ang tugon ni Mang Elmer. Pagkatapos ay tuluyan na nitong binitiwan ang timbang hawak at kinulong sa pagkakayakap ang asawa.



                                   Opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 7

                                     




Si Abe at Ang Kaniyang mga Tanong


                “Abe, oras na para uminom ng gatas anak.” Ang sabi ng kaniyang Ina.
Kaya naman dali – dali siyang tumakbo kasabay ng mga kapatid patungo sa kanilang ina. Nakahiga lang ito at hinihintay ang mga anak sa pag-inom ng gatas mula sa kaniya. Abe ang itinawag sa kaniya ng ina dahil iyon ang pinaikling pangalan ng amo niyang si Abelardo at malapit iyon sa kulay ng kaniyang balahibo. Iyon din kasi ang tawag ng amo niya sa kaniya. Siya ang unang pinangalanan nito sa kanilang magkakapatid. Nakapikit pa nga siya ng una niya itong marinig. Ang isa namang kapatid niya ay Brownie ang pangalan. At ang isa naman ay Blackie alinsunod sa mga kulay ng mga ito. Siya lang ang natatangi ang pangalan sa kanilang tatlo. Kaya naman pakiramdam niya isa siyang espesyal na tuta sa tuwing tinatawag siya nito.
“Inay, bakit po pala Abe ang pangalan ko?” tanong ni Abe na katatapos lang pakainin ng ina.
“Abe, dahil malapit ang pangalang iyon sa kulay ng balahibo mo anak. Kulay abo kasi ang balahibo mo. “
“Kung ganoon po, espesyal po ba ako inay?” pagtatanong pa ulit ni Abe.
“Espesyal kayong lahat sa akin ng kapatid mo dahil lahat kayo ay anak ko.”
“Talaga po? Kung ganoon po, maaari po akong maglaro kung kalian ko gusto?”
“Oo naman. Dahil bata ka pa kailangan mong maglaro para masanay kang kumilos.”
“Kung ganoon po ay aalis po muna ako para maglaro.” Pagpapaalam ni Abe sa ina. Kakawag – kawag ang buntot niyang tinakbo ang kinaroroonan ng mga kapatid na nauna ng nakapagpaalam para makapaglaro.

                                                                -------------------------------------------
                Isang araw nga pagkatapos uminom ng gatas ay naitanong niya sa kaniyang ina.
“Ano po ang gagawin ko inay kapag dumating ang araw ng aking paglaki?”
“Malalaman mo rin iyon sa takdang panahon, Abe.” Ang sabi ng inay ni Abe.
“Hindi ko po ba pwedeng malaman na ngayon?” pangungulit ni Abe.
“Pwede ko sa iyong ipaalam. Ngunit sigurado akong hindi mo maiintindihan dahil bata ka pa.”
“Kung ganoon po nanay, hihintayin ko na lang po ang aking paglaki”
“Mabuti iyan anak. Sa ngayon maging masaya ka muna sa paglalaro.”
                At muli na naman siyang tumakbo papalayo na kakawag –kawag ang buntot. Habang tumatakbo sa bakuran ay iniisip niya. Ano kaya ang gagawin niya sa pagtanda? Makakapaglaro pa rin kaya siya kapag tumanda? Makakapaghabulan pa kaya sila ng mga kapatid niya?
Ngunit sa labis na pag-iisip ay naligaw si Abe. Napalayo yata ang takbo niya mula sa kinaroroonan ng ina. Nanginig siya. Natakot siya dahil baka hindi na makauwi sapagkat hindi niya na matunton ang amoy ng ina.
Noon din ay napadpad siya sa bakuran kung nasaan si Monicang Manok na madalas na ikwento sa kanya ng ina. Kasama ni Monica ang mga anak nito. Nagkakahig sa lupa at tumutuka. Sa puntong iyon ay pansamantala siyang namangha at nakalimutan ang pagkaligaw.
“Magandang umaga po, Aling Monica. Ako nga po pala si Abe at ako po ay nawawala. Ang nanay ko po ay hindi ko makita. Maaari po bang dito na muna ako para samahan kayo?”
“Kak. Kak.” Ang sabi ni Monicang Manok. “Maaari naman kung iyon talaga ang gusto mo, Abe. Kak. Kak. Ngunit gusto ko sanang pabantayan sandali sa iyo ang mga anak ko. Ayos lang ba iyon sa iyo?”
“Ayos lang po sa akin. Ngunit kapag naging makulit ang mga anak niyo at kung saan – saan tumakbo. Sa paanong paraan ko po kayo tatawagin?”
“Kak. Kak. Narito lang ako sa aking pugad. Kailangan kong limliman ang dalawa pang itlog na naririto. Kak.Kak.” Sako ito umupo sa mga itlog. “Kak. Kak. Ngunit maaari kang tumahol para matawag ang pansin ko. Kak. Kak.”
“Kung ganoon po ay babantayan ko na ang mga anak niyo.”
                                                                ---------------------------------

“Pwede ko bang malaman ang ginagawa ninyo kaibigang sisiw?” tanong niya sa pitong sisiw na nasa harapan.
“Naghahanap kami ng pagkain.” Sabay – sabay na sagot ng mga sisiw na animo’y mag-kakakambal.
“Hindi ba kayo pinapakain ng inyong inay?” tanong niya pa uli.
“Pinapakain noong umpisa. Ngunit tinuruan niya kami kung paano maghanap ng pagkain dahil iyon daw ang gagawin namin sa aming paglaki.” Sabay – sabay ulit na sabi ng mga sisiw.
Aw. Aw. Aw. Tahol ni Abe. Agad na tumalon si Monicang Manok mula sa pugad.
“Kak. Kak. Kak. Anong nangyari? Nasa panganib ba ang mga anak ko?” natatakot na tanong nito.
“Ayos lang po sila Aling Monica. May gusto lang po sana akong itanong kaya tinawag kita.”
“Ano ang itatanong mo, Abe?”
“Alam niyo po ba ang gagawin ko kapag lumaki na ako?” tanong ni Abe kay Monicang Manok.
“Kak. Kak. Naku! Hindi ko alam ang sagot sa tanong mo. Kak. Kak.” sagot ni Monicang Manok habang nililingon ang mga sisiw nito.
“Dahil po ba hindi kayo ang nanay ko?”
“Kak. Siguro. Ang alam ko lang kasi ay ang gagawin ng mga anak ko kapag sila’y malalaki na. Kak.”
“Wala po ba kayong kahit anong ideya?” tanong ulit ni Abe.
“Wala Abe. Kak. Kak. Bata ka pa. Maging masaya ka muna sa paglalaro bago mo isipin ang pagtanda. Kak. Kak.” Ang sabi ni Monicang Manok.
“Kung ganoon po ay maaari niyo po ba akong samahan para makabalik kay nanay?” pagpapaalam ni Abe.
“Naku! Kak. Hindi kita masasamahan. May mga itlog pa akong kailangang limliman. Ngunit pwede ko sa iyong ituro ang direksyon pauwi sa iyong nanay.”
“Talaga po? Kung ganoon po ay pwede niyo na po bang ituro sa akin ang daan?” masayang tanong ni Abe.
“Kak. Kak. Doon! Maglalakad ka ng pakanan. At sa gilid ng haliging iyon ay naroon ang silungan. Iyon ang daan papunta sa iyong inay.”
“Salamat po, Aling Monica.” At umalis si Abeng kakawag – kawag ang buntot.

                                                -----------------------------------------------------
Sa paglalakad ni Abe patungo sa haligi ng bahay ay nakita niya ang isang gagamba na naghahabi ng sapot nito. Sumasayaw ang gagamba, iyon ang naisip niya. Gumalaw ito ng pakanan. Pakaliwa. Patalon. Kaliwa. Kanan. Si Abe ay namangha at muli niyang nalimutan ang pagkaligaw.
“Magandang umaga, Gagamba. Pwede ko po bang malaman ang iyong ginagawa?” tanong ni Abe sa gagamba na minsan na ring naikwento ng kaniyang ina.
“Ginagawa ko ang bahay ko. Nasira na kasi ang unang bahay na ginawa ko nang may dumapong insekto. Ano nga pala ang iyong pangalan abuhing nilalang?” tanong sa kaniya ng gagamba.
“Abe. Katunog ng Abo, dahil iyon ang kulay ko. Ikaw, Ano pala ang pangalan mo?” masayang sagot at pagtatanong ni Abe.
“Beni. Iyon na lang ang itawag mo sa akin.” Ang sagot ng gagamba.
“Kung ganoon Beni, pwede ba kitang kaibiganin?”
“Oo naman. Mula ngayon ay pwede mo na akong ituring na kaibigan.” sagot ng gagambang si Beni habang itinutuloy ang pag-gawa ng bahay niya.
“Pwede ba akong magtanong, Beni?” sabi ni Abe.
“Oo naman. Dahil natural lang ang pagtatanong at pagsagot sa magkaibigan.”
“Alam mo ba ang gagawin ko paglaki ko?” ang tanong ni Abe kay Beni. Kumawag – kawag pa ang buntot niya. Pinagmamasdan ang nasa taas ng haligi na gagamba.
“Hindi ko alam ang sagot diyan kaibigan.” Sagot ni Beni habang patalon – talon sa ginagawang bahay.
“Baka mayroon kang kahit anong ideya?” pangungulit ni Abe.
“Wala. Hindi ko talaga alam kaibigan. Ngunit alam ko ang mangyayari kapag lumaki ang mga anak ko. Bubuo rin sila ng bahay na gawa sa sapot katulad ko.”
Nalungkot si Abe nang marinig ang sagot ng kaibigan niyang gagamba.
“Dahil siguro hindi ikaw ang nanay ko kaya hindi mo nasasagot ang tanong ko.”
Muli ay gumalaw ang gagamba ng pakaliwa. Pakanan. Pinagmamasdan lang siya ni Abe habang naghihintay ng sagot.
“Maaari. O baka naman hindi ngayon ang tamang panahon para malaman mo ang sagot.” Ang sabi ni Beni.
“Kung ganoon nga ay aalis na muna ako kaibigan. Maraming salamat sa mga sagot sa aking mga katanungan.” Ang sabi ni Abe sa kaibigang si Beni.
“Walang anuman kaibigan. Sa ngayon ay huwag mo munang problemahin ang paglaki. Maging masaya ka muna at malibang sa paglalaro.” Sagot ng gagamba habang itinutuloy ang paghabi sa bahay na papatapos na.

                Bago lumiko sa haligi ay nginitian ni Abe si Bening Gagamba. Ikinawag-kawag niya ang buntot niya at nagpaduyan – duyan naman sa sapot si Beni habang ikinakaway nito ang walong galamay.
“Salamat ulit kaibigang Beni.”
                                                                ------------------------------------------
                Ilang hakbang na lang ang layo ni Abe sa kaniyang ina nang makita niya ito. Sa tabi naman ng ina ay naroon ang dalawang kapatid nitong naglalaro. Kakawag – kawag ang buntot niyang tinakbo ang mga kapatid. Nakipaghabulan siya sa mga ito. Nagpaikot – ikot silang magkakapatid sa ina. Nang mapagod ay tinanong ni Abe ang ina.
“Nay, ayos lang naman po kung hindi ko muna isipin kung ano ang gagawin ko paglaki ko hindi po ba?”
“Oo naman, anak. Dahil hindi dapat minamadali ang paglaki.”
“Kung ganoon po, magpapakasaya na lang po muna ako sa paglalaro. Maglilibang po muna ako dahil bata pa ako.”

At magmula noon ding araw na iyon ay hindi niya na muna inisip pa ang tungkol sa pagtanda. Sapagkat siya’y bata pa. Saka na lang niya iisipin ang pagtanda.

                             Opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 7

                                        

Monday, September 21, 2015

Sayaw sa Patinig

At nag-usap ang inyong mga katawan. Sapagkat alam ninyong iyon ang tanging ritwal na maiintindihan niyo ang isa't - isa.

Mapanganib kasi ang mga salita.
Higit na sumusugat. Matalim. Malalim kung dumiin. 
Sabay na sumayaw,
 Humiyaw,
 Mainit,
 Pawisan,

Nabuo ng patinig ang gabi.

Hindi natuloy sa pag-uwi si lolo

     Ngayon sana uuwi si lolo papuntang probinsya.Pero may nangyari na itinuturing naming kababalaghan ngayon sa bahay. Bumaluktot kasi ang elesi ng industrial fan na nakalagay sa kwarto kung nasaan si lolo.Kung paanong ngayon lang bumaluktot hindi namin alam, matagal na naming gnagamit ang electric fan at ni minsan hndi nabaluktot ang elesi nun. Sabi ni mama baka si lola daw ang bumaluktot dahil ayaw pang pauwiin sa Bicol si lolo. Pero kahit ano man ang dahilan, pinost ko lang talaga to para ipaalam na ayos na uli ang elesi ng electric fan.At siyempre hndi na namin papauwiin si lolo ngayon.

Diary na may Zombie (kuno)

Alas 11:00 n.u

     Dalawang araw na akong walang makain. Noong isang araw na naubos ang tubig kong nakatabi sa pitsel sa itaas ng bahay ay nagsimula na akong inumin ang ihi ko. Alam ko sa sarili ko na kailangan ko nang umalis dito sa bahay upang maipagpatuloy ang buhay ko. Iniwan na ako ng mga tao rito. Hindi na sila ang mga dating kilala ko, hindi na sila ang mga kapatid ko, kamg-anak at mga kapitbahay. Pero may problema, paano ako makakaalis gayong nasa itaas ako ng parte ng bahay naming samantalang nandoon “sila” sa baba at nag-aabang. Naghihintay ng pwedeng makain dahil gutom na sila (palagi). May maliit na siwang dito sa itaas na ginagamit ko para makita ko kung ano ang ginagawa ng mga kasama ko sa bahay. Palakad-lakad lang sila, paikot-ikot sa buong bahay, kanina ay nakita kong kinain nila si Inday, una nilang binutas ang tiyan nito at pinagsaluhan nila Ama at mga kapatid ko ang atay nito, at sumunod nilang winarak ay ang balat sa ulo. Nagulat ako ng makita ko kung paano hinalukay ng kapatid kong sumunod sa akin ang ulo ni Inday at sinolong kainin ang utak nito. Ako na lang ba ang natitira sa purok na ito? Nasaan na ang mga pulis? Ang mga sundalo? Bakit wala pang dumadating na tulong mula sa gobyerno? Talaga ‘tong bayan ko o, ang tagal ng panahon ang lumipas hindi pa rin nagbabago.

Alas 4:00 n.h

     Sumilip ulit ako sa siwang. May nawawala sa isa sa mga kapatid ko, si Bunso. Nilikot ko ang mata ko sa kung saan, kumpleto naman sil pero wala ang pinakamamahal naming bunso. May yumuko: si Mama. Nakita kong may kinakain siya, nasuka ako at naiyak sa nakita ko. Hawak-hawak ni mama ang damit na kanina lamang ay suot ni bunso, puno ito ng dugo at may mga nadikit na pira-piraso ng laman sa damit. Bumalik ako mula sa pagkakaupo habang pinupunasan ko ng dilaw na t-shirt ang natuyong luha sa pisngi ko.

Alas 8:00 n.h

     Nagtaka pa rin ako kung paano nagsimula ang lahat. Bakit bigla na lang nagkaroon ng Zombie Apocalypse dito sa Pilipinas? Sinampal ko ang pisngi ko. Sa kaliwa muna tapos sa kanan. Masakit. Ibig sabihin totoo ang lahat. Napangiti ako at hinanap ko ang cellphone ko. Nang pagkakita ko ay agad kong binuksan ang switch button. Hindi nagbubukas, naalala kong dalawang araw nap ala simula ng malowbat ang cellphone ko, at isang linggo na simula ng magsimula ang kalbaryo ng purok naming. Putang inang mga zombie ‘to. Kung kano man ang may kasalanan nito, sige, putang inang mga kano ‘to. Anong tingin nila sa mga Pinoy, Lab Rat? Mga burat sila! Hahaha! Hindi ko pwedeng ma-charge ang cellphone ko dahil wala ng kuryente kahapon pa. sumabay ang pagkawala ng kuryente sa pagkawala ng pagkain ko. Nakakainis. Bigla ko tuloy naalala noong panahong marami akong tinitira na pagkain sa fast food na kinakainan ko. Saka si Malaya yung girlfriend ko, hindi ko makontak. Haaaa! Hindi ako pwedeng sumigaw dahil maririnig ako ng mga zombie na nakaabang sa labas. Sensitibo sila pagdating sa ingay pero ang magandang bagay ay bulag at takot sila sa liwanag. Si Malaya, o mahal kong Malaya. Namimiss na kita. Sana ay magtagal ka rin katulad ko. Bukas na bukas din ay aalis ako at pupuntahan kita diyan sa lugar niyo.

Alas 11:00 n.h
   
     Naamoy ko na ang pinaghalong amoy ng tae at panghi dito sa itaas. Ganito ba talaga kapag gutom ka? Nagiging sensitibo ka pagdating sa mga pag-aamoy? Kung nasa normal lang siguro si mama baka napagalitan na ako dahil sa amoy ng kwarto ko, pero kung nasa normal naman sila hindi naman siguro mangyayari ito. Wala man lang akong naisalba sa mga kapatid ko. Nalulungkot ako. Pakiramdam ko hanggang sa mga ganitong sandal ay naging makasarili ako bilang anak at kapatid. Huminga ako ng malalim. Kailangan ko ng magpahinga at mag-ipon ng lakas para kakaharapin kong pagsubok bukas. Tumingin muna ako sa labas, wala ang mga hinayupak. May nakita uli akong pag-asa. Alam ko na kung saan ako dadaan at kung paano ako makakaalis ng bahay at makakahanap ng pagkain. Nakapagdesisyon na ko. Simula bukas bago magpunta sa bahay ni Malaya ay maghahanap ako ng mga nakaligtas at buhay pa, sabay kaming maghahanap ng pagkain. At kung kailangang pumatay ay papatay ako para manatili akong buhay at para makahanap ng makapagbibigay ng lunas sa delubyong ito. Gutom na gutom na ako, iisipin ko na lang yung mga bagay na kinakain ko baka sakaling mabusog ako ng imahe ng mga ito. Ayokong huminga ng malalim dahil amoy ebak at ihi lang ang maaamoy ko. Eto na siguro ang huling araw na makakain ako sa Chow Ping. Good Night.

Pagbabalik

     Umalis ako ng bahay matagal ng panahon. At alam kong kahit kailan ay hindi na ako makakabalik rito bilang ako. Iba na ang ako makalipas ang labing limang taong pambubugbog ng mga magulang ko. Masaya na ako sa buhay ko ngayon, walang nambubugbog. Walang magulang, pero namimiss ko rin si inay, kamusta na kaya siya? Ang mga kapatid ko? At yung kupal na amain kong walang ginawa kundi uminom at pumunta sa sugalan buong maghapon. Siguro oras na para puntahan sila. Pero ano naman kayang sasabihin ko? Anong ipapasalubong ko? Makikilala pa kaya nila ako? Habang nag-iisip ay tiningnan ko ang sariling repleksyon sa salamin, sinapo ko ng magkabilang kamay ang dibdib ko. Malaki. Malaki na nga ang pinagbago ko. Babaeng babae na ako. Si Mario ako noon, si Mary ako ngayon.

Friday, November 14, 2014

Nagkita at Nagkalayo

            Palihim niyang pinagmamasdan ang babaeng nakatayo sa kabilang parte ng waiting shed. Marahil ay naghihintay din ng pagtila ng ulan o kaya ng sundo. Sa kaso ni Jay, pagtila ng ulan ang hinihintay niya para makasakay na ng dyip. Siya na isa sa pinakamatalinong lalaki sa kurso nila ay nakatitig lang sa babaeng maaaring kabilang sa pinakamagaganda at matatalinong babae sa unibersidad na pinapasukan niya. Hindi naman niya makausap o di kaya ay magawang kawayan man lang sapagkat nahihiya siya rito. Sayang, iyon lang ang salitang nasambit niya nang maalala ang dahilan kung bakit siya naghihintay tumila ang ulan sa lumang waiting shed ng kanilang paaralan. Kung may payong siya, baka inalok niya itong sumabay sa kaniya. Problema nga lang kung papayag ba ito o hindi kapag inalok na niya. Kung papayag man ay hindi siya kakanta habang nakasukob sila sa payong habang naglalakad sa gitna ng pagbuhos ng ulan, ayaw niyang kumanta dahil baka lumakas pa lalo ang ulan. Hindi niya din isasayaw ang magandang dalaga katulad ng napapanood niya sa mga pelikula.

            Matapos ang pangangarap ay muli pang pinagmasdan ni Jay ang babae na para bang kinikilatis ang bawat galaw nito. Mayroon itong mahabang itim na buhok na abot hanggang baywang, pabagsak iyon at walang tali o ipit na pumipigil sa pagkatuwid ng buhok nito. Morena lang ang kulay ng balat. Walang kahit anong burloloy sa katawan. Simple kumbaga. Bago niya muling iiwas ang pagkakatitig sa babae ay tiningnan niya naman ang mukha nito. May magaganda itong mga mata, hindi singkit at hindi din malaki. May tangos ang ilong at mapupula ang labi at mahahalata mong walang lipstick na humalik sa mga labi ng babae. Sa madaling sabi ay maganda.

            Walang kainip – inip ang babaeng naghihintay sa pagtila ng ulan, hindi niya katulad na kanina pa naiinip dahil may trabaho pa nga siyang papasukan sa malapit na fastfood restaurant. Isang sakay lang ng dyip ang layo sa kanilang paaralan. Sa pag-iwas niya sa tuwing tumitingin sa kaniya ang babae ay siya namang pagbabalik ng tingin niya sa tuwing hindi ito nakatingin. Tiningnan muli ni Jay ang mga mapupulang labi nito, tila sa sandaling nasa ilalim sila ng waiting shed ay para bang gusto niyang hagkan ang labi ng babae na nasa kabilang parte ng kanilang sinisilungan. Hahalikan niya iyon ng may lambing, may pagmamahal o di kaya’y pipigilin ang labi nito gamit ang kanyang hintuturo sa tuwing sasabihin ng babaeng mahal din siya nito. Sapagkat kung magkakaganoon man ay alam niyang mahal nga din siya nito.

            Pagmulat ni Jay sa gitna ng pangangarap ay nagulat na lang siya ng bigla niyang mapansing nakatitig na sa kanya ang babae. Nginitian siya nito na para bang alam ng babae kung ano ang iniisip niya. Dala na din ng matinding hiya ay mabilis niyang iniwas ang kaniyang tingin sa babaeng kanina niya pa pinagmamasdan at saglit na pinangarap na mahagkan. Sayang, iyon uli ang salitang sa isip ay sinambit niya nang naunahan siya ng hiya at nakalimutang ngumiti pabalik sa babae. Ilang minuto pa ang lumipas ay nagkahiwalay na sila ng babaeng sa darating na panahon ay malalaman niyang Shiela ang pangalan. Umalis sila sa waiting shed na walang impormasyon na nalalaman sa isa’t – isa. Walang pangalan, cellphone number o simpleng batian man lang.

            Matapos umalis ng babae sa waiting shed ay umalis na din siya. Tumila na din kasi ang ulan.

            Ilang araw pa ang lumipas bago nakilala ni Jay ang babae. Nalaman niyang matalino nga ito tulad ng unang akala niya. Nagpasiya siyang ligawan ito dahil naniniwala siyang kaya niyang gawing pariwara ang buhay ng babae. Natutuwa siyang isipin na babagsak ang mga grado nito nang dahil sa kaniya. Isa pa ay gusto niya naman talaga kasi ang babae mula pa man ng makita niya ito sa waiting shed na malapit sa kanilang unibersidad.

            Nangyari at nagawa nga ni Jay ang panliligaw ngunit ikinagulat niya ang resulta sa babaeng kaniyang nagustuhan mula pa noong unang araw na una niya itong masilayan. Hindi man lang naging bagsak ang mga grado nito bagkus ay mas naging matataas pa ang mga ito.

            Huling taon nila noon sa kolehiyo at mula pa noong nakaraang dalawang taon ay nililigawan niya na ito. Minamal na niya kaya siguro tumagal ng ganoon ang pangliligaw niya kay Shiela. Naalala niya pa nang sabihin nito sa kaniyang darating ang tamang oras na sasagutin din niya ito.

            “Sasagutin mo ba ako?” tanong ni Jay sa kaharap na nakatingin lang sa mga estudyanteng nagdaraan sa kanilang harapan.

            “Bakit, nanliligaw ka ba?” tanong ni Shiela. Saka ngumiti ito na para bang inaasar siya.

            “Manliligaw ako. Sisimulan ko na ba ngayon?”

            “Ikaw ang bahala.”

            “Pwede bang bukas na lang?” nangingiting tanong ni Jay sa kaharap. Sabay silang tumawa ng malakas. Malulutong na halakhak. Malagkit na tingin at tahimik na ngiti na nagpapahiwatig ng lihim na pagtingin sa isa’t – isa.

            Sa araw ng pagtatapos ni Jay ay para bang pinasok ng napakaraming kabayo ang puso niya. Kumakabog. Napakabilis. Mula sa kumpulan ng mga estudyanteng kasabay nila sa pagtatapos ay lumabas si Shiela at sinunggaban siya ng yakap. Si Shiela na noon pa man ay minahal na niya at ginawang inspirasyon.

Nakangiti na naman ito sa kaniya. Ngiti na kung maaari lang ay gusto niya palaging nakikita. Bumilis na naman ang tibok ng puso niya. At lalo pa itong bumilis ng halikan siya ng babae sa pisngi. Gwapo siya pero iyon ang kauna-unahang halik na hindi nanggaling sa kanyang magulang. Para bang uminit ang pisngi niya ng madama ang halik ng babaeng matagal nang minamahal. Nayakap niya na din si Shiela, marahil ay dala iyon ng labis na pagkatuwa. Mahigpit ang yakap niya na parang ayaw niya itong bitawan. Bago pa siya bumitaw mula sa pagkakayakap sa nililigawan ay hinalikan niya ito, sa noo nga lang. Madiin at puno iyon ng respeto at pagmamahal. Saka niya naibulong sa sarili ang pagmamahal sa babae.

            “Bumitaw na ako sa pagkakayakap ha?” pagtataka niyang tanong habang tinitingnan ang babaeng hanggang kili – kili niya lang ang tangkad. “Bakit nakakapit ka pa diyan?”

            “Ayaw mo ba?”

            “Gusto.”

            “Ayaw mo yata e. Aalisin ko na lang.”

Pinigil niya sa pagkalas mula sa pagkakayakap ang kamay ng kaharap at tiningnan ito sa mata.
            “Huwag. Yakapin mo lang ako, hanggang mangalay yang braso mo.” Sambit niya habang nakatingin sa mata ng babaeng kaharap. Nginitian niya pa ito.

            “May bayad na.” pagbibiro ni Shiela.

            “Magkano?”

            “Hindi magkano ang tanong kundi ano.”

            “Ano pala?”

            “Pagmamahal.”
Nagtawanan sila ng malakas.

            “Ibig sabihin ba nito e sinasagot mo na ‘ko?”

            “Hindi.” Ngumiti ito saka muling nagsalita. “Minamahal na kasi kita.”

            Ayaw mang aminin ni Jay sa sarili na kinikilig siya pero lumalabas iyon sa bawat ngiting itinutugon niya sa kausap. Siya na siguro ang pinakamasayang lalaki noong gabi ng kanilang pagtatapos. Sa kalagitnaan ng gabi ay ipinangako niya sa mga bituin, buwan at sa sarili na mamahalin niya ang babaeng kaharap kahit ano pa man ang mangyari.

Muli bago magpunta sa kanilang mga magulang ay nagyakap silang muli. Nagpaalam sa isa’t – isa. Buong gabi siyang hindi nakatulog noong araw na iyon.

Hindi niya alam na napakatagal pa ng lalakbayin ng kanilang pag-iibigan. Paulit – ulit na masasayang tagpo na puno ng pagmamahal ang nangyari sa kanilang dalawa ng kasintahan. Mga bagay na ginagawa ng mga magkasintahan na kasing edad lang nila. Walang oras ang sayang sa tuwing magkasama sila ni Shiela. Kahit pa noong nagtatrabaho na sila. Sa mga magulang nila ay wala naman silang problema dahil hindi naman ito tutol sa kanilang relasyon, botong – boto pa nga ang mga magulang ni Shiela sa kaniya.

Ngunit sa paglipas ng maraming taon ay laging may pagsubok na dumadating sa kahit anong relasyon. Pinasya ni Jay na magtrabaho sa Qatar at iwanan pansamantala ang kasintahan dala ang pangakong madalas niya itong tatawagan at i-chachat. Kasabay ng pangakong iyon ay ang pagsasabi niya kay Shiela na hindi na ito muling mabibigo sa pagbabalik niya. Dadalhin niya patungo sa Qatar ang pangarap niyang iyon para sa kaniyang pamilya at kay Shiela.

Tiniis niya pa ang mahabang taon ng hirap para sa mga minamahal at sa babaeng kanyang iniibig na naiwan sa Pilipinas. Ilang taon pa nilang hinawakan ang pag-ibig at tiwala sa isa’t – isa. Madalas ay tatawagan niya at kukumustahin ang kasintahan.

Madami pang araw, linggo at buwan at taon ang tiniis ni Jay para makapiling si Shiela. Hindi siya naiinip sa paghihintay na darating ang araw na aalis na siya ng Qatar at hindi na muling babalik pa rito. Magpapakasal sila. Lalagay sa tahimik at bubuo ng pamilyang masaya. Pamilya lang, naniniwala kasi siyang matagal ng nabuo ang mundo nilang magkasintahan.

Isang napakalaking balita ang nagpabago ng kanilang pag-iibigan. Ang balitang nagahasa ang kaniyang minamahal. Sobrang sakit ang nadama niya ng malaman ang balita, para bang winawasak ang dibdib niya ng sobrang sakit at pagkalungkot na nadarama. Naawa siya sa minamahal. Umiyak siya sa opisina niya ng palihim. Hindi makapaniwalang mangyayari iyon sa kasintahan niyang madalas niyang ipinagdarasal na sana ay ilayo sa kapahamakan. Sa kabila ng sakit na nadarama para sa sarili at pagkaawa sa kasintahan ay para bang gusto na niyang umuwi at bumalik kaagad ng Pilipinas. Gusto niyang yakapin ito ng mahigpit, yakap na mas mahigpit pa noong araw ng kanilang pagtatapos. Iniisip niya na kapag yakap niya na kapag yakap niya na si Shiela ay sasabihin niya rito ang mga salitang pinag-isipan niya bago pa siya umalis sa Qatar. Sasabihin niya siguro sa kasintahan ang ganito,

“Andito lang ako, hindi kita iiwan kahit ano pa ang mangyari.”

Iyon ang salitang gusto niyang sabihin sa minamahal, iyon kasi ang ipinangako niya sa buwan, bituin at sa sarili noong araw na sagutin siya nito. Iyon din siguro ang gagawin niya kahit hindi man siya nangako noon. Noong mga panahong iyon ay naisip niya na sana ay siya na lang si Superman, gusto niyang lumipad para makapunta agad patungong Pilipinas. Alam niyang masakit ang nararamdaman niya ngunit mas masakit ang nararamdaman ng kasintahan niya.

Nang mabalitaan ng among Arabo ni Jay ang nangyari sa kasintahan ay pinagbigyan siya nitong umuwi muna ng Pilipinas at magbakasyon doon. Naisip niya habang nakasakay sa eroplano na para pala siyang tanga na ipinaglalaban ang karapatan para maging ama kung sakaling may mabubuo mang bata sa sinapupunan ni Shiela. Tanga na siya sa lahat ng tanga, ganoon naman talaga kapag nagmamahal hindi ba?

Demonyo ang lalaking gumahasa sa kaniyang kasintahan. Demonyong sumira sa kanilang pag-iibigan at sa kanilang mga pangarap. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na tinawag niya ang isang rapist na demonyo.

Ilang buwan pa ang lilipas ay may mabubuo ngang bata sa sinapupunan ni Shiela. Hindi iyon kay Jay. Lumusob pa siya sa bahay ng mga magulang nito para sabihin na siya na lang ang gawing ama, tutal naman ay mahal na mahal niya si Shiela. Hindi pumayag ang mga magulang ni Shiela, sinabi nito sa kanya na kung sino man ang nakabuntis sa anak nila ay siya din ang dapat managot sa responsibilidad.

Labis na pag-iyak ang ginawa ni Jay noong araw na iyon. Umuulan na para bang ipinapaalala nito ang unang pagkakita niya sa kasintahan. Sinasabayan ng ulan ang pagluha niya na para bang pagdamay iyon sa pagkabigo ng kaniyang pagtatangkang makuhang pabalik ang kasintahan. Hindi niya man nakitang ipinaglaban ng babae ang kanilang pagmamahalan ay ayos lang. Inisip niya na lang na labis na trauma siguro ang dahilan kaya hindi man lang nakatutol ang kasintahan sa kagustuhan ng mga magulang nito. Masakit na naman ang dibdib niya. Napakabigat ng kaniyang dinadala. Habang naglalakad sa ulanan ay niyakap niya ang sarili na para bang lamig na lamig. Sa paglalakad sa gitna ng ulan ay napaluhod na lang siyang bigla nang hindi na kayang ilabas ng luha ang sakit na nadarama. Iyon ang huling araw na naalala niyang nakita niya ang kasintahan.

Sa paglipas pa ng ilang taon ay magtatagpo muli sila ni Shiela sa isang social networking site, sa facebook. Trenta anyos na si Shiela at bente otso naman siya. Magkakamustahan. Nasa Amerika na si Jay at nasa Pilipinas naman si Shiela. Pareho ng may kaniya – kaniyang pamilya. Tatlo ang naging anak ni Shiela, isa naman ang naging anak ni Jay. Palihim nilang ginagawa ang pag-chachat. Ang pag-alala sa naputol nilang pag-iibigan ay itinuloy nila sa pamamagitan ng pag-uusap at pagkukumustahan.

Nobyembre ng taong 2014 ng muling makabalik si Jay sa Pilipinas. Araw ng Linggo ang napag-usapan nilang araw para makita ang isa’t -isa. Sila at tanging sila lang, walang mga anak o asawang kailangan. Sa Entrance pa lang ng mall ay mabilis  na silang nagyakap ng makita ang isa’t –isa. Walang umiiyak at walang nagpapahalata na kulang ang bawat isa.

“Kamusta?” si Jay ang unang nagsalita.

“Ito, ayos lang. Ikaw ba?” nakangiting tanong ni Shiela.

“Malungkot, simula ng nawala ka.”

“Sus! Drama mo ha!”

Saka muli ay nagtawanan sila na para bang walang nangyaring kakaiba. Ramdam sa bawat puso na sila pa din ang dating magkasintahan kahit sa dami na ng taon ang lumipas. Alam nila na masama ang palihim na pagkikitang kanilang ginagawa. Masama sa mata ng ibang tao ngunit hindi sa kanila. Magyayaya si Jay na manood ng sine. Bibili ng ticket at papasok sa sinehan na magkahawak ang kamay. Sa dilim ng sinehan ay mas pinapanood ni Jay ang mukha ng dating kasintahan kaysa sa palabas sa malaking screen na nasa kanilang harapan. Hinahaplos niya ang kamay nito. Hindi sila nagbibitaw. Nangingiti siya at nagtatanong sa sarili kung bakit hindi man lang nagiba ang tingin niya sa dating sinisinta. Sa kalagitnaan ng palabas ay magtatanong siya.

“Kamusta na pala kayo ng asawa mo?” tanong ni Jay kay Shiela.

“Okay naman kami. Mabait naman ang asawa ko.”

Hindi man iyon ang inaasahan niyang sagot ay magiging masaya siya para sa dating kasintahan. Iyon naman kasi talaga ang pangarap niya noon pa, ang maging masaya sa buhay si Shiela.

“Hindi magagalit kahit sabihin mong nagkita tayo ngayon dito?”

“Magagalit siyempre. Ikaw talaga Jay, palabiro ka pa din hanggang ngayon.”

“Hindi no. Sineryoso kaya kita.”

“Kumukorni na yata ang pagjojoke mo. Last mo na yan ha?” pang-aasar ni Shiela sa kaniya.

Hindi siya iimik saglit.
            “Ayoko nga.”

            Ngingiti siya na para bang nangaasar. Saka sila magtatawanan ng malakas sa loob ng sinehan.

Matapos ang palabas ay maglalakad ulit silang magkahawak ang kamay na para bang mga tinedyer. Magkukwentuhan habang naglalakad. Kakain sa isang restaurant. Magtatawanan. Alam ni Jay sa sarili na nagkahiwalay man sila ng mahabang panahon ay patuloy namang mabubuhay ang pag-iibigan nila. Sa pamamagitan marahil ng kanilang masayang ala-ala. Marahil ay naghihintay lang sila ng pagkakataon para ipagpagtuloy ang naudlot na pag-iibigan noon.

Sa pagbibitiw ng kanilang kamay at paghihiwalay ng landas ay maiisip ni Jay na hindi man maghinang ang kanilang mga labi o di man magkayakap ng matagal ay patuloy naman nilang mamahalin ang isa’t –isa. Naramdaman niya iyon noong nagkayap sila at noong hawakan niya ang kamay ng dating kasintahan. Alam niyang naramdaman din iyon ni Shiela. Ang munting kislap ng kuryenteng mayroon pa sila. Hindi man nila nasabi sa isa’t – isa ang nararamdaman ay alam naman nilang mabubuo muli ang kanilang mga puso na winasak ng pangyayari at panahon. Muling maglalapit iyon o magdidikit katulad ng mga kamay nila mula noong pumasok at lumabas sila ng sinehan.

Pag-labas ng mall ay kinawayan ni Jay si Shiela. Hinatid niya ng tanaw ang dating kasintahan hanggang sa mawala ito sa kaniyang paningin. Ingat at hindi paalam ang salitang sinambit niya. Nakangiti silang iniwan ang landas ng isa’t -isa. Nang mawala ang babaeng minamahal ay muling ibinulong ni Jay sa hangin ang pagmamahal sa dating kasintahan.


“Mahal na mahal kita Shiela. Hanggang sa muli, paalam.”



* Lahok para sa Saranggola Blog Awards 6 http://www.sba.ph/