Saturday, February 8, 2020

Pabrika ng Pangarap


KURSO
                Sumabog ang iba’t ibang kulay sa kuwarto ni Arthur. Mga kulay na isinabog ng itinapong paleta. Parang winasak na bahaghari. Nagkalat ang mga punit na papel at nilamukos na canvas sa sahig. Basag-basag ang ilang piraso ng picture frame na naglalaman ng awards at mga drowing. Pinagmasdan ni Arthur ang hitsura ng kuwarto. Pagkatapos, inalala niya ang payo ng ina.
                “Fine arts? Hindi tayo bubuhayin niyan. Hindi ka gumaya sa anak ni Tita Normie mo, nursing ang tinapos, nasa abroad na ngayon. Si Jake, ‘yung kapitbahay natin, nag-seaman, ilang beses nang nakasampa. Tapos si ano, ‘yung bata diyan sa kabila, engineer ang kinuha, in demand daw kasi, matalinong bata. ‘Wag ka na muna mag-fine arts, ha.”
                Pagbalik ni Arthur sa katinuan, napatay niya na pala ang ilaw nang hindi namamalayan. Kasabay ng kaniyang pangarap na maging pintor ay nilamon na ng dilim ang lahat ng kulay sa paligid.


PAMANA
                “Edukasyon lamang ang tanging bagay na maipapamana ng inyong mga magulang.”
                Hindi na nawala sa isip ni Buknoy ang sinabi ng kaniyang guro. Kahit pa ngayong nakasakay siya sa likurang bahagi ng kuliglig na pagmamay-ari ng kaniyang Tatay. Gusto niyang magpatuloy sa hayskul, naisip niya.
                Bubuksan na sana ni Buknoy ang kagustuhang makapagpatuloy sa pag-aaral nang magsalita ang Tatay niya.
                “Anak, kapag tumangkad-tangkad ka pa, ikaw na ang mamamasada. Sa iyo na itong minamaneho ko. Pamana ni Tatay sa iyo. Gusto mo turuan na kita ngayon, e?” sabi nito sa garalgal na tinig. Umubo-ubo ang tambutso ng matandang kuliglig. Naglaglagan ang mga alikabok na kumapit rito.
               
Noon lang nagsumiksik kay Buknoy ang itsura ng Tatay niya. Hindi na mabilang ang kulubot ng balat nito at ang napakaraming puting buhok sa ulo.
                “Sige po, Tay,” alanganin niyang ngiti. “Pag-aaralan ko po.”



HALIMAW SA KALDERO
                May halimaw sa loob ng kaldero. Ikinukulong daw nito sa loob ang batang hindi kumakain. Narinig lang iyon ni Jepoy sa kapitbahay. Inggit na inggit siya sa bata dahil palagi itong may pagkain. Tatlong beses sa isang araw, at minsan, lima pa. Alam iyon ni Jepoy dahil parating sinesermonan ang bata.
Pangarap niya kasi talagang makakain ng tatlong beses kada araw. Lalo pa’t limang araw na siyang hindi kumakain. Wala na rin naman silang mautangan kahit bigas. Itulog na lang daw muna sabi ng kaniyang mga magulang. Pero hindi na makatulog si Jepoy kahit gutom, hinihintay niya na lang ang halimaw.
Nasa ganoon siyang kalagayan nang maalala ni Jepoy na ibinenta nga pala nila sa Junkshop ang kaldero no’ng nakaraan para may maipambili ng bigas. Sa malaking lata na lang sila no’n nagsaing.
Hindi na hinintay ni Jepoy ang halimaw. Pumikit siya. Pagkatapos, nanalangin na sana’y hindi na magising.




                                 Opisyal na lahok sa 2019 Saranggola Blog Awards



                                   Mga Isponsor ng Saranggola Blog Awards 2019