Thursday, November 10, 2016

Pamilya Huguteros

Sa ibaba ng No Waiting, No Loading and Unloading at No Jaywalking Sign.

Ate:  Ano ba naman ‘yan, kanina pa tayo para nang para pero wala man lang humihintong bus.

Kuya: (Mapapatingala. Mapapansin ang sign sa ulunan nila) Kaya naman pala hindi humihinto para isakay tayo kasi sa maling lugar tayo naghihintay. Parang love lang.

Ate: Naks! Talino mo diyan!

Habang nasa byahe at sakay ng bus.

Kuya: Talo pa pala nung isang bus yung karamihan sa mga pulitiko natin ‘no?

Ate: Huh? Pinagsasabi mo diyan?

Kuya: Kasi Super Lines.

Ate: Layns kasi ‘yun. Sira ‘to.

Usapan while watching TV.

Ate: Alam mo ba may nagka-amoebiasis sa trabaho namin.

Kuya: E, ano naman ngayon?

Ate: Wala lang. Sabi kasi ni Boss, once na magkaroon ka na ng amoebiasis di ka na raw iiwan ng amoeba kahit kailan.

Kuya: Buti pa yung mikrobyo may forever. Ikaw wala. (Tatawa ng malakas)

Habang nagtatanong si Bunso tungkol sa assignment.

Bunso: Tay, ano po ba yung Kalayaan?

Tatay: (Matatawa) Naku anak, ‘yang Kalayaan na ‘yan sa kalsada mo na lang matatagpuan. Pangalan na lang ng kalye ngayon ang kalayaan.

Bunso: (Sinulat ang sinabi ng tatay) Yung pag-asa naman po?

Kuya: (Sumabat sa usapan) Ay! Alam ko ‘yan! ‘Di ba tay sa QC ‘yan?

Si Ate umiiyak habang hawak ang damit ng isa sa mga tindahan sa mall.

Kuya: O? Bakit bigla ka na lang umiiyak diyan?

Ate:  Mabuti pa kasi ‘tong brand ng damit may “kami” (Ipapakita ang brand ng kamiseta)

Kuya: K. Last mo na ‘yan, ha?

Sa paghuhugas ng pinggan.

May nabasag si ate na baso sa mga hugasan.

Nanay: Alam mo ba ang pag-ibig parang baso at platong babasagin ‘yan. Nababasag kung hindi mo iingatan.

Ate: (Hindi narinig si Nanay) Ano ‘yun nay?

Nanay: Wala, itapon mo na ‘yang bubog at baka masugatan ka pa.

Nanay at Tatay moment sa kilalang Drug Store.

Nanay: Totoo kaya yung motto nila dito?

Tatay: Mas totoo naman siguro sa nangangako ng serbisyo. At mabuti pa nga sila laging sigurado na bago ang mga gamot na itinitinda. Tayo, kailan kaya makakasigurado na bagong mga tao ang inilalagay natin sa serbisyo?

Nanay: ‘Yan ka na naman, uminom ka mamaya ng paracetamol, ha? Para naman ma-enjoy mo yung pagkaing lulutuin ko mamaya. Paborito mo. (Ngumiti at kinurot si Tatay sa tagiliran)

Si Kuya hinihiwalayan ng girlfriend.

Kuya: Sure ka na bang hihiwalayan mo ko?

Girlfriend ni Kuya: Oo, sigurado na ako. Matagal ko rin namang pinag-isipan ‘to.

Kuya: Alam mo sayang, kasing loyal pa naman ako ng .1% na mikrobyong di maalis-alis ng sabon mo.

Girlfriend ni Kuya: Sorry, ha. Liquid soap kasi gamit namin sa bahay.

Ate habang nagtitinda ng halo-halo sa tindahan. Lumapit ang matagal nang manliligaw na ayaw niya naman.

Kuyang Manliligaw: Kailan mo ba ako sasagutin?
Ate: (Hindi maririnig ang sinabi ng lalaki. Bubugawin ang mga nagliliparang langaw sa paninda)

Kuyang Manliligaw: ‘Yung Jollibee, bukas ng 12 hours. Yung 7/11 24 hours. Yung garapon nga ng kaong kahit matigas ang takip nabubuksan. Ikaw kailan mo ba bubuksan ang puso mo para sa akin?

Ate: Ay, pasensya na, ha? Para ka namang bago nang bago, Miguelito. Pinto ako ng opisina ‘no, No I.D, No Entry.

Kuyang Manliligaw: (Umiyak. Bumili ng 20 pesos na halo-halo.)

Si Bunso habang kinukutuhan ni Nanay.

Bunso: Nay, yung isa ko pong kaklase absent siya nang absent. Ang sabi nga po ni Mam, kapag hindi siya nakapasok ibabagsak na siya. E hindi pa po siya pumapasok hanggang ngayon, e. Ang sabi tumutulong raw po yung kaklase ko sa nanay niya para magtinda ng basahan sa kalsada.
Nanay: Ay. Anak, baka mahirap sila at nahihiyang pumasok ang kaklase mo dahil sa kalagayan nila at sabi mo nga tumutulong siya sa nanay niya. Dapat nating intindihin ang mga katulad nila.

Bunso: Kailan po sila hindi magiging mahirap?

Nanay: Naku, anak, bata ka pa. Isipin mo na lang ganito, yung sinabi ng kuya mo na may forever ang mikrobyo. Ganoon din ang tingin ni Nanay anak sa kahirapan. Walang hangganan.

Bunso: Ganun po ba? Basta po ako, maniniwalang parang pag-ibig ni kuya at ate ang kahirapan. Wala pong forever at matatapos din ang paghihirap sa buong mundo.

Nanay: Kaw talagang bata ka! O sige na, mukhang tinatawag ka na ng mga kalaro mo.



Lahok para sa Saranggola Blog Awards 8 www.sba.ph



 

Sunday, August 28, 2016

35-34

“Hon, yung number three naman.” Hingal na hingal ang babaeng pinagmumulan ng pakiusap.
                “Page 3, o number tri?” tanong ng lalaking pawis na pawis sa ginagawang pagbayo.

                Sa kabilang banda ay napapangiti lang si Arthur sa pagkaaliw nang marinig niya ang usapan ng mga among nasa loob ng kwarto’t nagpapakasasa sa sarap ng bawat pagkakataong ginagawa. Nang banggitin pa lang ng amo nito ang number three ay awtomatiko niya nang alam na ang librong Kama Sutra ang tinutukoy ng mga ito.

                “Malilibog talaga itong si Sir at Mam. Nagseseks na naman.” Ngiting asong sambit niya habang pinapakinggan ang awit ng libog at pagnanasa.
                Alam ni Arthur na ang number three ay hindi talaga number three pagdatin sa seks. Ang number three kasi ay 69, hindi rin ito ang sagot kapag ima-minus mo ang 6 sa 9. Ang 69 ay isang mainit na kainan. Kumbaga sa bingo, baligtaran ang sinisigaw ng taga-bola. Sa libro ng Kama Sutra, kainan ito sa pagitan ng babae at lalaki. Kainan ng titi at puki. Nalaman iyon ni Arthur dahil ilang ulit na rin niyang nakita ang libro. Wala noon ang mga amo niya nang makita niyang nakatiwangwang ang libro sa sahig. Ilang beses niya pa uling nakita ang nasabing libro. Itinataon niya kasi palaging wala ang mga amo. Alam niya kung anong araw at oras umaalis at bumabalik ang mga ito. Matagal na kasi siyang bantay rito.
                Malakas na ungol ng lalaki ang naginghudyat ng katapusan ng pagtatalik na naririnig ni Arthur.
                Ang bilis namang matapos ni sir, sa isip – isip pa niya. Pagkatapos noon ay lumabas na ang dalawang amo nito sa kwarto. Suot na muli ang mga damit. Linggo ngayon kaya naman sigurado siyang aalis na naman ito sa bahay na pinangalanan niya nang House no. 34.
                Siya si Arthur na may gusto kay Agatha ang muli na namang maiiwan sa House no. 34. Sisilip – silipin niyang muli ang minamahal na si Agatha sa maliit na butas ng gate. Mamahalin niya itong muli pati na rin ang House no. 35 kung saan ito nakatira. Ang totoo niyan ay matagal niya nang minamahal si Agatha. Matagal niya na rin itong sinasamba. Araw – araw sa tuwing sumisilip siya sa maliit na butas ng gate ay hinihiling niya na sana ay pansinin naman siya nito. Iyong kahit tingnan lang siya, katulad ng ginagawa ng mahal na Agatha niya sa iba. Mahal niyang tunay si Agatha at wala nang kahit ano pang paliwanag ang nararapat. At paminsan – minsan iniisip niyang sabay silang umiibig at hindi mapakali, iniisip iyon ni Arthur. Bawat araw at sa bawat gabing hindi niya ito nasisilip sa butas ng gate. Ngunit ang nakakalungkot nga lang, ang katotohanan na ang pagnanasa at pagmamahal pala niyang iyon ang papatay sa minamahal.
               
                Isang mahabang na busina ng motorsiklo ang nagpabalik kay Arthur sa ulirat. Tumigil na siya sa pagsilip sa butas ng gate nang marinig niya ang mahabang busina at pagsigok – sigok ng motorsiklo. Nariyan na ang amo ni Agatha. Hindi niya na naman makikita ang minamahal na si Agatha sa House no. 35 dahil kakailanganin na naman ito ng amo. Isang mahabang busina pa ang pinakawalan ng motor bago niya maalala ang dahilan ng pagkakakilala niya kay Agatha.

                “Takbo! May motor sa likuran mo!”

                Bago pa man mahagip ang katawan ni Arthur ng motor ay mabilis na siyang nakatalon at nakalayo sa kalsda. Nagpasalamat siya sa tinig na hindi niya pa alam kung kanino nagmumula.Pagkatapos ay hinanap niya iyon at natagpuan niya ang sariling  nasa harap na ng House no. 35.

                “Salamat sa sigaw mo, ha? Nakaligtas ako dahil sa’yo.”
Doon niya natagpuan si Agatha. Ang mahal niyang si Agatha na hindi man lang pinansin ang pagpapasalamat niya. Agad itong lumayo nang makita siya sa harapan ng gate. Ngunit sa kabila noon ay minahal niya pa rin si Agatha. Dahil utang niya rito ang buhay niya.

Wala na naman siyang pagkakaabalahan dahil wala na ang mga malilibog na amo niya. Wala na ang kinawiwilihan niyang pakinggan araw – araw. Pumasok na rin naman sa loob ng House no. 35 si Agatha. Kaya pumasok na rin siya sa loob ng House no. 34. Sa pagpasok niya sa kwartong pinangyarihan ng seks ng mga amo ay nakita niya sa lapag ang mga nagkalat na ebidensiya. Condom sa sahig. Bra. Brief. Shorts at mga damit. Doon lang napansin ni Arthur na nagpalit lang pala ng damit ang mga amo niya. Sa paglakad – lakad pa sa kwarto ay nakita niya ang isang pinakamatibay na ebidensiyang nagpakasasa nga sa laman ang mga amo. Patak ng tamod sa sahig. Inamoy niya. Amoy Zonrox ang putangna. At nagulat pa siya na ilang hakbang lang ang layo mula sa  tamod ay may mga nagkalat na kumpol ng kulot na buhok.
Kulot? Wala namang kulot kina Sir at Mam. Naisip pa niya. Pagkatapos ay nakita niya ang isang bagay na ginamit ng mga amo niya kanina. Ang librong Kama Sutra. Muli na namang pumasok sa isip ni Arthur ang minamahal niyang si Agatha. Isinara niya kaagad ang libro. Hindi naman sa sawa na siya rito ngunit wala siya sa mood ngayon para tingnan ang Kama Sutra. Nilibot niya pa ang paningin sa kabuuan ng kwarto. Nakakita siya ng dalawang babasahin na bago lang sa kaniyang paningin. Fuck The Summer ang pamagat. Sa cover ay may isang lalaking nasa middle age at babaeng maliit na mukhang mas bata rito ng sampung taon. Nangingiti – ngiti niyang binuklat ang libro. Naaliw siya sa pagbabasa hanggang sa humantong siya sa pahina kung saan subo-subo ng babae ang ari ng lalaking napag-alaman niyang tiyuhin pala nito mula Amerika. Nag-init pa ng husto ang katawan niya nang makita ang mga susunod na pahina. Sa mga sandaling iyon, naisip ni Arthur na mangyari sana ang ganoon sa kanila ni Agatha. Hindi pagmamahal lang. Gusto niya rin ng seks na ganoon katindi kahit napakaimposibleng mangyari.
                “Arthur, nandito na kami.” Ang bati ng amo niyang lalaking kakarating pa lang. Hindi niya ito pinansin. Huling pumasok sa House no. 34 ang babae. Gabi na nang dumating ang kaniyang mga amo kaya nagtataka siya kung saan nagpunta ang dalawa. Pero hindi naman niya kayang tanungin ang mga ito, taga-bantay lang siya at palaging walang karapatan ang taga-bantay para magtanong.
 Sa kwartong pinagmulan niya kanina ay muling pumasok ang dalawa. Ilang minuto lang ang lumipas ay nakarinig na si Arthur nang mga pigil na paghinga. Napangiti na naman siya. Simula na naman kasi ang palabas na kinaaaliwan niya. Ang mga mahinang paghinga ay napalitan ng mahinang kalabog at pag-untog. Dahil sa katahimikan ng gabi ay mas malinaw na naririnig ni Arthur ang lahat. Ang mabibilis na paghakbang. Ang pag-click ng switch ng ilaw. Ang pagbukas ng gripo. Pagpatak ng tubig. Tunog ng mga nag-aalab na halik. Ang musika ng mga patinig na nililikha ng kaniyang mga amo. Pagkatapos ng mga sunod – sunod na pagkamatay ng gripo at mga tinig ay narinig niya ang mabibilis na paghakbang ng mga paa na para bang ang mga pagdikit ng mga iyon sa sahig ay lumilikha ng nakakahalinang tinig sa kaniyang pandinig. Malinaw niyang narinig ang muling pagbuklat ng libro. Kama Sutra, sa isip – isip ni Arthur na para bang iyon lang ang pinakaimportanteng libro sa buong mundo. Muli na namang pumasok sa isip niya si Agatha.
Sa pagpapatuloy ng mga tunog ay narinig niya ang isang pamilyar na tunog ng pagkapunit ng plastic. Condom, sa isip – isip niya. At napangiti na naman siya sa pag-iisip na ang mga amo niya’y pinoproblema ang ligtas na paraan ng pakikipagtalik. Samantalang siya, hindi niya iyon kahit kailan pagdadaanan.
“Teach Me Master. Bagong bili kong manga, honey. Ito na muna ang gamitin natin ha.” Mahina lang ang pagkakasambit ng lalaki ngunit malinaw iyong naririnig ni Arthur. Sumablay siya sa unang pagkakataon. Hindi Kama Sutra ang libro na gagamitin nila kaya nawala siya ng gana na ipagpatuloy pa ang palabas. Hindi niya rin naman kasi alam kung tungkol saan ang Teach Me Master na binanggit ng amo niya. Ayaw niya ring mag-imahe nang wala siyang kaide-ideya kung ano ang dapat isipin.
“Role-playing muna tayo ngayon, honey. Gayahin na lang natin dito sa manga na nabili ko.”
Iyon na ang huling salita na narinig ni Arthur bago siya umalis ng House no. 34. Hindi na siya mapakali nang labasin niya ang pinto ng bahay. Gusto niyang silipin ang butas sa gate para muling tingnan si Agatha. Gusto niya itong isipin buong magdamag. Gagawin niya ang lahat – lahat para lang mapatunayang mahal niya ito.
Kaya naman nang matabihan ni Arthur ang butas sa gate ay hindi niya na napigil pa ang sarili. Marahan at buong pagmamahal niyang sinuyod ng paningin ang labas ng pinto ng House no. 35. Umaasa siyang naroon pa rin ang minamahal at gising. Ngunit wala. Wala roon ang Agatha na kaniyang sinasamba. Ang tanging naroon lang ay ang malamlam na liwanag ng ilaw na paminsan – minsa’y kumikindat. Kinutuban na siya nang mga oras na iyon. Totoo nga siguro ang usap – usapan na ang minamahal niyang si Agatha ay marami nang beses na nakasta ng iba. Kalat na iyon, matagal na, pero dahil mahal niya si Agatha ay hindi agad siya naniwala. Hindi siya maniniwala hangga’t wala siyang nakikita. Kung saang House no. nagsimula ang balita ay hindi niya na alam. Hindi nga rin alam ni Arthur kung ilan ba talaga ang bilang ng mga bahay sa kanila. Hanggang House no. 50 pa lang ang alam niya dahil iyon pa lang ang numerong kaya niyang bilangin sa kasalukuyan.

Desidido na si Arthur nang mga oras na iyon. Lalabasin niya ang gate ng House no. 34 at hahanapin si Agatha sa kalagitnaan ng gabi. Matagal na siyang naglalakad – lakad nang makita niya ang minamahal ilang metro lang ang layo sa bahay na kaniyang pinagmulan. Nag-iisa lang ito kaya naisip niya na sa wakas ay napatunayan niyang hindi totoo ang balitang nagpapakasta ito kahit kanino. Mabilis ang ginawa niyang pagtakbo. Pabilis na pabilis ang tibok ng puso niya.
“Ito na ang tamang oras para patunayan kay Agatha kung gaano ko siya kamahal” ang nasabi niya sa sarili. Mula sa likuran ay mabilis niyang dinamba si Agatha. Nagpumiglas pa ito ng todo – todo mula sa pagkakabaon ng kaniyang mga kuko. At upang hindi makawala ang minamahal ay lalo niya pang hinigpitan ang pagkakakapit kay Agatha. Natanggal pa ang ilang balahibo ng babae bago niya tuluyang maipasok ang galit na galit na ari niya rito. Habang nasa kaloob – looban ng minamahal ang ari niya ay naisip niyang muli ang librong Kama Sutra. Naalala niyang bigla na ito ang number 6 sa libro. Dog Style. Ang natural na pagtatalik ng mga asong kagaya niya.
Hindi na pinansin pa ni Arthur ang pag-iyak ni Agatha. Iisa lang ang importante na pumapasok sa isip niya habang kinakasta ang kapitbahay na matagal niya na ring minamahal at pinagnanasahan. Umiyak pa nang umiyak si Agatha. Bumilis naman nang bumilis ang ginawa niyang pagbayo. Hanggang sa naisip niyang gawin ang number three sa librong Kama Stura. Bumilis pa lalo nang bumilis ang ginawa niyang paggalaw sa likuran ni Agatha. Una’y dahil sa pagmamahal. At ang ikalawa’y dahil sa galit na hindi nagagawa ng mga asong katulad niya ang number three sa Kama Sutra. Sa gitna nang pag-iisip ay hindi niya namalayang nag-iba na pala siya ng posisyon. Nagdikit ang puwitan nilang dalawa ni Agatha. Pareho silang hindi gumagalaw. Sa punto lang na iyon niya napagtanto na nakabuo sila ng isang numero. Number three na nakaharap sa kalsada. Ang bagong number three na natuklasan niya. Ngunit hindi pa rin siya nakuntento pagkatapos noon. Hindi kayang punan ng number three na natuklasan niya ngayon ang number three na nasa libro ng Kama Sutra.
Pagkatapos ng ginawa niyang pagkasta kay Agatha ay iniwan niya na ito. Bumalik na siya sa House no. 34 sa takot na mapansin ng mga amo ang kaniyang pagkawala.

                Ilang araw pa ang nagdaan nang unti – unting napalitan ng higit pang pagnanasa ang pagmamahal niya kay Agatha. Parati na lang iniisip ni Arthur ang nangyari noong gabing makasta niya ito. Tinigil niya na ang pagsilip sa butas ng gate. Tinigil niya na ang pagsamba kay Agatha at sa House no. 35. Palagi niya na lang iniisip ang Number Three sa libro na Kama Sutra.
                Kinabukasan din matapos ang ginawa niyang pagkasta kay Agatha ay napuno ng ingay ang House no. 35. Ingay ng pag-iyak at paulit – ulit na tahol mula sa minamahal. Hanggang sa ang ingay ay napalitan na nang katahimikan. Nang minsang sumilip siya sa gate ng bahay ay wala na roon ang dating minamahal na si Agatha.
                Isang malaking piraso ng karne ang hinagis ng mga nag-iinuman sa kabilang gate na agad namang sinunggaban ni Arthur. Nginuya niya nang nginuya ang buto at pinaglaro sa lalamunan. Para bang naroon ang sarap na matagal niya nang hinahanap – hanap.

“Tingnan mo pre, yung aso hindi marunong kumilala ng kamag-anak niya. Kainin ba naman ang kapwa?” Hindi na narinig ni Arthur ang usapan na iyon dahil abala siya sa pagkain.
Pagkatapos ay narinig niya ang malalakas na halakhakan. Nakangiti pa rin siyang nginangasab ang karne. Hindi niya malalaman kahit kailan na nagawa niya pala ang isang bagay na matagal niya nang inaasam. Ang number three.
               


Saturday, May 21, 2016

Raid

Malakas na tadyak ang nagpatumba sa pintong yero ng isa sa mga bahay sa Putting Diablo. Nagtakbuhan ang ilang tao sa loob. Nagkapalitan ng putok ang magkabilang panig. Pagtigil ng barilan, pumasok agad si SPO1 Reyes. Syringe, aluminum foil, sachet ng droga, drug paraphernalia at isang bangkay na nakatihaya.
Ang anak niyang matagal nang nawawala.

Lamig

Ilang gabi na akong giniginaw. Wala na kasi ang kumot na bigay mo nitong huli nating anibersaryo.

Dalagang Bukid

Dalagang Bukid
Sabay kami noong naliligo sa sapa. Pinapanhik namin ang mababang puno ng mangga sa tuwing nahihitik ito sa bunga. Kapag nama’y hinog na ang mga palay ay pareho kaming sumasama sa kaniya – kaniya naming mga ama para tumulong sa paggagapas.
Ngunit ilang taon din ang lumipas. Ang sapa ay natuyo. Mga punong mangga at ang iba pang punong aming inaakyat ay binuwag na nang napakaraming bagyong nagdaan. Ang mga palayan ay pinatag ng mga graba at semento.
Si Mina, ang natatangi kong kalaro ay nakasabay kong makatapos ng hayskul. Tumigil siya sa pag-aaral nang makatapos. Ipinagpatuloy ko ang pag-aaral sa kolehiyo para tumapos ng karera. Isang araw nga, noong matagal na kaming hindi nakakapagkita ay may dumating na babaeng taga-Maynila. Naghahanap ng mga babaeng maaaring isama sa pagbabalik, isa si Mina sa napiling isama sa Kamaynilaan. Bibigyan daw ng trabaho sa ibang bansa pagkarating na pagkarating sa Maynila.
“Sumama ka na rin sa akin.” Ang sabi niya pa bago dumaan sa bahay at magpaalam. Naiintindihan kong kailangan niya iyon gawin para matulungan ang kaniyang mga magulang. Halos pareho lang naman ang sinapit ng mga lupang sinasaka ng aming mga ama kaya alam kong naiintindihan ko siya. Ang lupa nami’y hindi natubos dahil nagkasakit si tatay samantalang ang kanilang lupa naman ay inagaw na lang basta – basta, wala raw titulo ang sabi ng kumuha.
“Gusto kong sumama. Pero kailangan kong makatapos, isang taon pa.” Susunduin na lang kita, ang gusto kong sabihin. “Matutulungan ko na rin sila nanay at tatay.” Dahil iyon naman talaga ang pangarap ng napakaraming panganay na tulad ko.
Itinuloy mo ang pag-alis sapagkat kailangan mo ng trabaho. Itinuloy ko ang pag-aaral. Napakaraming taon ang hinintay ko sa pag-aasam na muli kang babalik kahit wala na ang sapa at mabababang puno ng mangga. Nagtatayugan na ang mga gusali at napakarami nang hindi pamilyar na mukha ang naririto sa ating lugar. Hindi ka pa rin nagbabalik Mina, hinihintay pa rin kita.
Trenta y singko na ako nang muli tayong magkatagpo sa isang Mall kung saan dating nakatayo ang mabababang puno ng mangga. Paanong hindi kita makikilala kung matagal ka nang nakatatak sa puso at isip ko? Hinintay kita at hindi ako nag-asawa dahil naniniwala akong magbabalik ka nga, para alalahanin ang napakaraming araw ng ating paglalaro. Lalapitan na kita nang biglang may sumulpot na matanda at lumapit sa iyo.
“Ayako.” Ang tinawag sa’yo ng matanda. Ayako? Nagkamali ba ako, hindi ba ikaw ang Mina na kababata ko?
Lumingon ka sa matanda. At mas lalong lumakas ang hinala ko na ikaw nga si Mina dahil sa pahaba mong balat sa batok na parang mapa ng Palawan. “Ayako.” Muling tawag niya sa iyo. Dali – dali kang lumapit sa matanda at tinulungan ito sa mga bitbit na plastic bags.
“Mina!” sa pagkakataong iyon ay pasigaw kitang tinawag. Lumingon ka at nagbitiw ng malungkot na ngiti.

Excerpt mula sa Kung Paano Nawala si Nanay nang Hindi Nakikita ng Kapitbahay

Dala – dala ko na naman ang sakong puno ng umaalingasaw ng basura. Kung bakit ba kasi ako na lang palagi ang napag-uutusang itapon ang basura sa creek. Hindi ba mautusan ni Nanay si Jun, e wala namang ginagawa ‘yon kundi manuod ng t.v at gumala. Bukod sa biglaan na nga lang nawawala si Jun. Pero bukod doon, wala naman na akong problema kay Jun dahil may malaki kaming sikretong pinaghahawakan. At kapag nalaman ni Nanay ang sikreto, siguradong yari kaming dalawa ng kapatid ko.
Iika – ika na nga ako maglakad ako pa rin ang palaging inuutusan. Kung pwede lang, sasabihan ko si Nanay na siya na ang magtapon ng basura, ang tanda niya na tapos ako pang may kapansanan ang inuutusan niya. Bakit ba kasi hindi mahagilap si Jun. Maghapon na naman sigurong gumala at sa kabarkada na nagpalipas ng umaga. Putangna talaga ‘yang kapatid ko. Kung ‘di ko lang mahal baka isinama ko na rin siya sa pagkakagapos ko, e.
Ramdam ko pa rin ang pagkakakapit ng kadena sa paa ko, inalis pero parang nanatili. Nag-iwan pa ng marka. Parang pambubugbog at pang-aabuso ni Nanay na hindi na tumigil magmula noong mawala si Tatay.
Malapit na ako sa creek nang makaramdam ako ng ginhawa. Sa wakas ay matatapon ko na rin ang sako ng basura. Mawawala na rin ang bigat ng dinadala ko. Kaya bago ko itapon nang tuluyan ang sako sa creek na tinawag ko nang black dragon spirit dahil kakulay nga ng dragon ni Vincent sa Ghost Fighter ay tumitig muna ako sa langit. Pero bago pa tuluyang marating ng isip ko ang langit ay nakita ko na muna ang mga langaw na nakalutang sa ere at hindi gumagalaw. Ang galing – galing ng mga gago. Pero mas magaling din ako dahil nagkakaroon din ng araw na nagiging langaw muna ako bago maging tao. Gaya ngayong oras na ito, madaling araw ang oras ko para maging tao dahil ito ang oras na pinagtatapon ako ng basura ni Nanay. Para daw makatipid. Minsan gusto kong sabihin kay nanay na baka para makatipid at mapipangdagdag sa pagsusugal niya. Pagkatapos nito, kapag naitapon ko na ‘tong sako ng basura sigurado akong magsasalangaw na naman ako pagka-uwi sa bahay. Hindi makakagalaw. Ang pinagkaiba ko nga lang sa mga langaw, may kadena ako, e wala namang kadena ang mga gago.
Nilamon na nang black dragon spirit ang sakong puno ng basura nang lakarin ko ang daan pauwi sa amin. Wala pa rin si Jun. Sira talaga ang ulo nitong kapatid ko.

Nakakatakot sa Pantry

Sa Pantry nung madaling araw may narinig akong nagkukwentuhan. Ang sabi ni girlet, nakakatakot sa cr.
Bakit, tanong ni boyet.
Kasi daw wala namang tao pero may tae.