Saturday, May 21, 2016

Excerpt mula sa Kung Paano Nawala si Nanay nang Hindi Nakikita ng Kapitbahay

Dala – dala ko na naman ang sakong puno ng umaalingasaw ng basura. Kung bakit ba kasi ako na lang palagi ang napag-uutusang itapon ang basura sa creek. Hindi ba mautusan ni Nanay si Jun, e wala namang ginagawa ‘yon kundi manuod ng t.v at gumala. Bukod sa biglaan na nga lang nawawala si Jun. Pero bukod doon, wala naman na akong problema kay Jun dahil may malaki kaming sikretong pinaghahawakan. At kapag nalaman ni Nanay ang sikreto, siguradong yari kaming dalawa ng kapatid ko.
Iika – ika na nga ako maglakad ako pa rin ang palaging inuutusan. Kung pwede lang, sasabihan ko si Nanay na siya na ang magtapon ng basura, ang tanda niya na tapos ako pang may kapansanan ang inuutusan niya. Bakit ba kasi hindi mahagilap si Jun. Maghapon na naman sigurong gumala at sa kabarkada na nagpalipas ng umaga. Putangna talaga ‘yang kapatid ko. Kung ‘di ko lang mahal baka isinama ko na rin siya sa pagkakagapos ko, e.
Ramdam ko pa rin ang pagkakakapit ng kadena sa paa ko, inalis pero parang nanatili. Nag-iwan pa ng marka. Parang pambubugbog at pang-aabuso ni Nanay na hindi na tumigil magmula noong mawala si Tatay.
Malapit na ako sa creek nang makaramdam ako ng ginhawa. Sa wakas ay matatapon ko na rin ang sako ng basura. Mawawala na rin ang bigat ng dinadala ko. Kaya bago ko itapon nang tuluyan ang sako sa creek na tinawag ko nang black dragon spirit dahil kakulay nga ng dragon ni Vincent sa Ghost Fighter ay tumitig muna ako sa langit. Pero bago pa tuluyang marating ng isip ko ang langit ay nakita ko na muna ang mga langaw na nakalutang sa ere at hindi gumagalaw. Ang galing – galing ng mga gago. Pero mas magaling din ako dahil nagkakaroon din ng araw na nagiging langaw muna ako bago maging tao. Gaya ngayong oras na ito, madaling araw ang oras ko para maging tao dahil ito ang oras na pinagtatapon ako ng basura ni Nanay. Para daw makatipid. Minsan gusto kong sabihin kay nanay na baka para makatipid at mapipangdagdag sa pagsusugal niya. Pagkatapos nito, kapag naitapon ko na ‘tong sako ng basura sigurado akong magsasalangaw na naman ako pagka-uwi sa bahay. Hindi makakagalaw. Ang pinagkaiba ko nga lang sa mga langaw, may kadena ako, e wala namang kadena ang mga gago.
Nilamon na nang black dragon spirit ang sakong puno ng basura nang lakarin ko ang daan pauwi sa amin. Wala pa rin si Jun. Sira talaga ang ulo nitong kapatid ko.

No comments:

Post a Comment