Saturday, May 21, 2016

Dalagang Bukid

Dalagang Bukid
Sabay kami noong naliligo sa sapa. Pinapanhik namin ang mababang puno ng mangga sa tuwing nahihitik ito sa bunga. Kapag nama’y hinog na ang mga palay ay pareho kaming sumasama sa kaniya – kaniya naming mga ama para tumulong sa paggagapas.
Ngunit ilang taon din ang lumipas. Ang sapa ay natuyo. Mga punong mangga at ang iba pang punong aming inaakyat ay binuwag na nang napakaraming bagyong nagdaan. Ang mga palayan ay pinatag ng mga graba at semento.
Si Mina, ang natatangi kong kalaro ay nakasabay kong makatapos ng hayskul. Tumigil siya sa pag-aaral nang makatapos. Ipinagpatuloy ko ang pag-aaral sa kolehiyo para tumapos ng karera. Isang araw nga, noong matagal na kaming hindi nakakapagkita ay may dumating na babaeng taga-Maynila. Naghahanap ng mga babaeng maaaring isama sa pagbabalik, isa si Mina sa napiling isama sa Kamaynilaan. Bibigyan daw ng trabaho sa ibang bansa pagkarating na pagkarating sa Maynila.
“Sumama ka na rin sa akin.” Ang sabi niya pa bago dumaan sa bahay at magpaalam. Naiintindihan kong kailangan niya iyon gawin para matulungan ang kaniyang mga magulang. Halos pareho lang naman ang sinapit ng mga lupang sinasaka ng aming mga ama kaya alam kong naiintindihan ko siya. Ang lupa nami’y hindi natubos dahil nagkasakit si tatay samantalang ang kanilang lupa naman ay inagaw na lang basta – basta, wala raw titulo ang sabi ng kumuha.
“Gusto kong sumama. Pero kailangan kong makatapos, isang taon pa.” Susunduin na lang kita, ang gusto kong sabihin. “Matutulungan ko na rin sila nanay at tatay.” Dahil iyon naman talaga ang pangarap ng napakaraming panganay na tulad ko.
Itinuloy mo ang pag-alis sapagkat kailangan mo ng trabaho. Itinuloy ko ang pag-aaral. Napakaraming taon ang hinintay ko sa pag-aasam na muli kang babalik kahit wala na ang sapa at mabababang puno ng mangga. Nagtatayugan na ang mga gusali at napakarami nang hindi pamilyar na mukha ang naririto sa ating lugar. Hindi ka pa rin nagbabalik Mina, hinihintay pa rin kita.
Trenta y singko na ako nang muli tayong magkatagpo sa isang Mall kung saan dating nakatayo ang mabababang puno ng mangga. Paanong hindi kita makikilala kung matagal ka nang nakatatak sa puso at isip ko? Hinintay kita at hindi ako nag-asawa dahil naniniwala akong magbabalik ka nga, para alalahanin ang napakaraming araw ng ating paglalaro. Lalapitan na kita nang biglang may sumulpot na matanda at lumapit sa iyo.
“Ayako.” Ang tinawag sa’yo ng matanda. Ayako? Nagkamali ba ako, hindi ba ikaw ang Mina na kababata ko?
Lumingon ka sa matanda. At mas lalong lumakas ang hinala ko na ikaw nga si Mina dahil sa pahaba mong balat sa batok na parang mapa ng Palawan. “Ayako.” Muling tawag niya sa iyo. Dali – dali kang lumapit sa matanda at tinulungan ito sa mga bitbit na plastic bags.
“Mina!” sa pagkakataong iyon ay pasigaw kitang tinawag. Lumingon ka at nagbitiw ng malungkot na ngiti.

No comments:

Post a Comment