Thursday, November 10, 2016

Pamilya Huguteros

Sa ibaba ng No Waiting, No Loading and Unloading at No Jaywalking Sign.

Ate:  Ano ba naman ‘yan, kanina pa tayo para nang para pero wala man lang humihintong bus.

Kuya: (Mapapatingala. Mapapansin ang sign sa ulunan nila) Kaya naman pala hindi humihinto para isakay tayo kasi sa maling lugar tayo naghihintay. Parang love lang.

Ate: Naks! Talino mo diyan!

Habang nasa byahe at sakay ng bus.

Kuya: Talo pa pala nung isang bus yung karamihan sa mga pulitiko natin ‘no?

Ate: Huh? Pinagsasabi mo diyan?

Kuya: Kasi Super Lines.

Ate: Layns kasi ‘yun. Sira ‘to.

Usapan while watching TV.

Ate: Alam mo ba may nagka-amoebiasis sa trabaho namin.

Kuya: E, ano naman ngayon?

Ate: Wala lang. Sabi kasi ni Boss, once na magkaroon ka na ng amoebiasis di ka na raw iiwan ng amoeba kahit kailan.

Kuya: Buti pa yung mikrobyo may forever. Ikaw wala. (Tatawa ng malakas)

Habang nagtatanong si Bunso tungkol sa assignment.

Bunso: Tay, ano po ba yung Kalayaan?

Tatay: (Matatawa) Naku anak, ‘yang Kalayaan na ‘yan sa kalsada mo na lang matatagpuan. Pangalan na lang ng kalye ngayon ang kalayaan.

Bunso: (Sinulat ang sinabi ng tatay) Yung pag-asa naman po?

Kuya: (Sumabat sa usapan) Ay! Alam ko ‘yan! ‘Di ba tay sa QC ‘yan?

Si Ate umiiyak habang hawak ang damit ng isa sa mga tindahan sa mall.

Kuya: O? Bakit bigla ka na lang umiiyak diyan?

Ate:  Mabuti pa kasi ‘tong brand ng damit may “kami” (Ipapakita ang brand ng kamiseta)

Kuya: K. Last mo na ‘yan, ha?

Sa paghuhugas ng pinggan.

May nabasag si ate na baso sa mga hugasan.

Nanay: Alam mo ba ang pag-ibig parang baso at platong babasagin ‘yan. Nababasag kung hindi mo iingatan.

Ate: (Hindi narinig si Nanay) Ano ‘yun nay?

Nanay: Wala, itapon mo na ‘yang bubog at baka masugatan ka pa.

Nanay at Tatay moment sa kilalang Drug Store.

Nanay: Totoo kaya yung motto nila dito?

Tatay: Mas totoo naman siguro sa nangangako ng serbisyo. At mabuti pa nga sila laging sigurado na bago ang mga gamot na itinitinda. Tayo, kailan kaya makakasigurado na bagong mga tao ang inilalagay natin sa serbisyo?

Nanay: ‘Yan ka na naman, uminom ka mamaya ng paracetamol, ha? Para naman ma-enjoy mo yung pagkaing lulutuin ko mamaya. Paborito mo. (Ngumiti at kinurot si Tatay sa tagiliran)

Si Kuya hinihiwalayan ng girlfriend.

Kuya: Sure ka na bang hihiwalayan mo ko?

Girlfriend ni Kuya: Oo, sigurado na ako. Matagal ko rin namang pinag-isipan ‘to.

Kuya: Alam mo sayang, kasing loyal pa naman ako ng .1% na mikrobyong di maalis-alis ng sabon mo.

Girlfriend ni Kuya: Sorry, ha. Liquid soap kasi gamit namin sa bahay.

Ate habang nagtitinda ng halo-halo sa tindahan. Lumapit ang matagal nang manliligaw na ayaw niya naman.

Kuyang Manliligaw: Kailan mo ba ako sasagutin?
Ate: (Hindi maririnig ang sinabi ng lalaki. Bubugawin ang mga nagliliparang langaw sa paninda)

Kuyang Manliligaw: ‘Yung Jollibee, bukas ng 12 hours. Yung 7/11 24 hours. Yung garapon nga ng kaong kahit matigas ang takip nabubuksan. Ikaw kailan mo ba bubuksan ang puso mo para sa akin?

Ate: Ay, pasensya na, ha? Para ka namang bago nang bago, Miguelito. Pinto ako ng opisina ‘no, No I.D, No Entry.

Kuyang Manliligaw: (Umiyak. Bumili ng 20 pesos na halo-halo.)

Si Bunso habang kinukutuhan ni Nanay.

Bunso: Nay, yung isa ko pong kaklase absent siya nang absent. Ang sabi nga po ni Mam, kapag hindi siya nakapasok ibabagsak na siya. E hindi pa po siya pumapasok hanggang ngayon, e. Ang sabi tumutulong raw po yung kaklase ko sa nanay niya para magtinda ng basahan sa kalsada.
Nanay: Ay. Anak, baka mahirap sila at nahihiyang pumasok ang kaklase mo dahil sa kalagayan nila at sabi mo nga tumutulong siya sa nanay niya. Dapat nating intindihin ang mga katulad nila.

Bunso: Kailan po sila hindi magiging mahirap?

Nanay: Naku, anak, bata ka pa. Isipin mo na lang ganito, yung sinabi ng kuya mo na may forever ang mikrobyo. Ganoon din ang tingin ni Nanay anak sa kahirapan. Walang hangganan.

Bunso: Ganun po ba? Basta po ako, maniniwalang parang pag-ibig ni kuya at ate ang kahirapan. Wala pong forever at matatapos din ang paghihirap sa buong mundo.

Nanay: Kaw talagang bata ka! O sige na, mukhang tinatawag ka na ng mga kalaro mo.



Lahok para sa Saranggola Blog Awards 8 www.sba.ph



 

No comments:

Post a Comment