Kapareho na naman ang tagpo noong mga nakaraang araw. Nagkakatuwaan
na naman ang mga bata sa panunukso sa isang lalaki. Si Isko. Nakapaligid na
naman ang limang bata kay Isko, labing limang taon lang si Isko at mantakin mo,
matagal niya nang tinitiis ang mga panunukso ng mga bata. Ginagaya – gaya ang
pagsasalita niya. Nasa harapan niya ang isang batang lalaki at babae. May mga
sinasabing hindi niya naman naiintindihan at hindi niya naririnig. Pero ramdam
niya na masasama ang sinasabi ng mga batang nakapalibot sa kaniya dahil
nakikita niya sa mga mukha nito ang labis na pagkatuwa sa kaniya kahit wala
naman siyang ginagawa. Mabuti na lang talaga at dumating si Aling Melba.
“Hoy!
Tigilan niyo nga ang anak ko! Araw – araw na ginawa ng Diyos! Mga walang modo!”
pag-awat ni Aling Melba sa mga bata. Sumenyas si Aling Melba kay Isko at pinalapit
sa kaniya ang anak, niyakap, suminghot – singhot na tila ba nagpipigil sa
pag-iyak. Inakay papunta sa bahay.
Nagbabasa
noon si Mang Elmer nang pumasok sa loob ng bahay ang mag – ina.
“Ano na naman ang nangyari? Narinig na naman kitang
sumisigaw. Pinapagalitan mo na naman ba yung mga batang nanunukso diyan sa anak
natin?” Saka ibinaba ni Mang Elmer ang
diyaryo at kinuha ang tasa ng kapeng umaaso pa na nakapatong sa lamesitang nasa
harapan niya.
“Paanong hindi ko papagalitan, lagi na lang inaalaska itong
si Isko ko e.” Sabay hatak sa anak na walang kamuwang – muwang sa pinag-uusapan
ng mga magulang.
“Pabayaan mo na sa susunod ang mga batang yan. Ilang beses
mo na bang sinaway ang mga yan? Magulang dapat ang nagmamando sa mga anak nila.
Hayaan mo’t kakausapin ko sa susunod ang mga magulang kapag inulit pa.”
“Sinabi mo na rin iyan dati pero hindi mo naman kinausap.
Baka pwedeng gawin mo na kapag naulit pa? Si Isko na natin ang kinakawawa e.”
ang pangungumbinsi ni Aling Melba sa asawa.
“Sige na nga, kakausapin ko na. Mahirap na at baka sabihin
mo pang wala akong pakialam diyan sa anak natin.”
Tumigil
lang ang pag-uusap ng mag-asawa nang muling humigop si Mang Elmer ng kape. Muli
itong bumalik sa pagbabasa ng diyaryo. Si Aling Melba naman ay dumiretso na sa
kusina para magluto ng tanghalian.
Natapos
ang usapan ng mga magulang niya na wala na naman siyang naintindihan kahit isa.
Pero kahit ganoon na wala siyang naririnig o naiintindihang salita ay alam
niyang nagtatalo na naman ang mga ito dahil sa mga batang nakapalibot sa kaniya
kanina. Iyon na lang kasi madalas ang tagpo tuwing umaga kaya kabisado na niya
ang ekspresyon ng mukha ng nanay at tatay niya.
Madalas
pa nga siyang inaapi sa kanila. Kapag bumibili sa tindahan ay paminsan –
minsang niloloko ng tinder, paulit – ulit na ipapaturo ang bibilhin niya at minsan din siyang pinipilit na magsalita.
Minsan naman ay napagtitripan siya ng mga tambay na hubad barong nagiinuman sa
isa sa mga eskenitang dinadaanan niya pauwi mula sa eskwelahan. Ang mga
maliliit na bata ay sinisipa siya at sinusuntok paminsan – minsan. Ang mga
kasing edad naman niya ay ayaw sa kaniyang makipagkaibigan dahil nga hindi
naman sila nagkakaintindihan. Ang iba nga ay tinatapat ang bibig sa tenga niya
at sinisigawan siya ng ubod ng lakas. Hindi siya nagsusumbong sa nanay o tatay
niya. Ayaw niyang masakatan ang mga ito ng dahil sa kaniya. Iniintindi niya
lang iyon. Araw – araw niyang iniintindi ang mga ganoong tagpo. Matagal na
niyang tinitiis ang pang-aapi sa kaniya ng mga kapitbahay, ng halos lahat ng
tao sa Baranggay Palara. Pero habang tumatagal ay lalo lang niyang tinitibayan
ang sarili.
Mapapatunayan ko rin
sa inyo na may silbi rin ako. Iyon ang palaging nasa isip ni Isko. May
paniniwala kasi siyang ang lahat ng tao ay may silbi sa mundo.
Isa
lang iyon sa normal na araw ng buhay niya. Sa Baranggay Palara kung saan
nakatirik ang bahay nila kasama ng iba pang bahay na mas matagal nang naroon
kaysa sa bahay nila. Dikit – dikit ang mga bahay, iba’t – iba ang sukat, ang
anyo, at ang mga pagkakatayo. May mga bahay na ang ginamit na pader ay ang mga
mga yero, plywood o semento. May mga haliging matibay, may mga haliging hindi
sigurado kung kailan bibigay.
Palagi
rin mainit ang lugar nila mapatanghali man o umaga. Kaya naman makikitang
nakahubad ng pang-itaas ang karamihan sa mga lalaki, payat man o mataba. Ang
ibang babae naman, na madalas ay binubuo ng mga nanay ay nasa labas ng bahay
madalas kapag tanghaling tapat, nakikipagtsismisan sa mga kumare, kutuhan at kung hindi na matiis ang init ay dumadayo
ng mall para magpalamig, minsan ring nagpupunta sa tong – it – an. Ang ibang
binata, dahil bakasyon ay karaniwang nagbabasketbol, naghahalakhakan,
nagkukwentuhan, naglalaro sa computer shop at mayroon din namang kumakanta at
isinasabay sa tugtog ng gitara. Ang ibang dalaga ay nagpupunta sa mall,
nakikipagkuwentuhan sa mga kaklaseng nasa kabilang baranggay o kaya naman ay
nanonood ng telebisyon. Ang ibang bata ay naglalaro ng tumbang preso,
nagpapatintero, naghahabulan, tumatambay sa computer shop at kapag tanghali ay
sapilitang pinapatulog ng mga magulang.
Iyon
ang kulay ng Baranggay Palara na nakikita ni Isko, ang kulay na nagbibigay sa
kaniya ng pag-asa para maipakita sa mga kapitbahay na may silbi rin siya. Ang
mga kulay na kahit hindi niya naririnig at hindi naiintindihan ay hindi niya
naman pinagsasawaang titigan. Araw – araw. Mahal ni Isko ang lugar nila, kahit
pa sabihing iskwater’s area lang iyon o kahit pa sabihin ng ibang wala siyang
mga kaibigang nakatira roon. Mahal niya ito sa simpleng kadahilanan: ang lugar
kasing iyon ang humubog sa pagkatao niya.
Ngunit
dumarating talaga ang araw ng pagbabago sa buhay ng tao. At dumating iyon kay Isko.
Isang gabi, noong huling linggo ng Marso. May curfew kaya naman ang halos lahat
ng tao ay nasa kani – kanilang bahay na at natutulog. Ang mga tanod na
nagroronda ay tumigil na sa paglalakad at humanap na ng pwesto para magawa ang
seremonya ng pag-inom at mabanatan na ang alak na pinag-ambag – ambagan. Naubos
ang alak. Nakatulog ang mga tanod.
Hindi
makatulog si Isko noong gabing iyon sa hindi niya malamang kadahilanan kaya
naman nagpasya siyang umakyat na lang sa bubong ng kanilang bahay sa pagbabakasakaling
madampian ang balat ng malamig na hangin ng gabi. Dahan – dahan niyang binuksan
ang pinto ng bahay para hindi magising ang natutulog na mga magulang. Madali
niyang naakyat ang bubong. Nag-unat – unat pa siya ng kamay. Nang mapalingon
siya sa gawing kanan ay malinaw na nakita ng mata niya ang lahat. Ang nasusunog
na bahay ng isa sa mga kapitbahay niya.
Ano ang gagawin mo kapag
nakikita mong nasusunog ang isa sa mga bahay ng kapitbahay mo? Iyon agad
ang tanong na pumasok sa isip ni Isko nang makita niya ang sunog.
Sisigaw.
Iyon ang karaniwang sagot. Ngunit hindi sa katulad ni Isko, sapagkat noong
gabing nakita niyang natutupok ng apoy ang isa sa mga bahay na malayo sa kanila
ay mabilis siyang bumaba ng bubong. Ginising niya ang mga magulang na natutulog
pa. Nang mapaharap ang mga ito sa kaniya at magulat ay sumenyas siya sa kamay.
Itinaas papunta sa kanang tenga.
“Aaah! Aaah! Eeeh!” Tumawag kayo ng bumbero.Iyon talaga ang
gusto niyang sabihin sa nanay at tatay niya. Nang hindi makuha ng nanay at
tatay niya ang sasabihin ay alistong nagpunta si Isko sa kalan. Binuksan niya,
tinuro – turo niya ang apoy. Nang masiguro niyang nakuha na ng magulang niya ang
gustong iparating ay dali – dali niyang kinuha ang dalawang isang litrong
plastic na bote ng coke na pinaglalagyan nila ng tubig. Pagkalabas niya ng
pintuan ay ibinuhos niya agad ang natitirang laman ng bote sa katawan. Hindi na
nahabol pa ng mga magulang niya si Isko.
Parang si
The Flash ang bilis ng takbo at ang pakiramdam ni Isko ng takbuhin niya ang
bahay na nakitang nasusunog kanina. Habang tumatakbo ay sumisigaw siya ng ubod
ng lakas at pinupukpok ang mga bahay na dinadaanan niya ng plastic na bote ng
coke na hawak – hawak niya. Ginagawa niya ang lahat para magising ang kaniyang
mga kapitbahay. Wala siyang tigil sa pagsigaw. Sa pagpukpok sa mga bahay na
dinadaanan. Nang marating niya ang bahay
na nasusunog ay kinatok niya ang pinto ng sunod – sunod. Nagmamadaling mga
katok. Sapagkat iyon lang ang tanging magagawa ng piping katulad niya sa mga
ganoong pagkakataon: ang mag-ingay para magising ang mga kapitbahay.
Ngunit
mabagal pa rin pala ang pagtakbong kaniyang ginawa. Tinalo ng bilis ng pagkalat
ng apoy ang kaniyang pagtakbo. Doon lang din sa puntong iyon napuno ng
pagtataka ang isip niya, na kung bakit
sa mga ganoong uri ng gabi na nangyayari ang sakuna ay tila himbing na
natutulog ang mga kapitbahay niya. Para bang siya lang at ang mga magulang niya
ang gising, na para bang tanging sila lang ang may buhay sa lugar na iyon. O
maaari ring siya ang napili ng panahon para iligtas sa pagkalamon ng apoy ang
daang – daang, dagat – dagatang bahay na dikit – dikit sa Baranggay Palara.
“Eeeaahhh!
Aaaaah!” ang hindi maintindihang sigaw ni Isko. Sunog ang kanina niya pa paulit
– ulit na gustong isigaw ngunit tanging mga palahaw lang ang inilalabas ng
kaniyang bibig. Kinatok niya pa nang kinatok ang bahay. Ilang ulit. Hanggang sa
makita niyang gumalaw ang pinto. May taong iniluwa ang pintuan na sinabayan ng
paglabas ng maitim na usok mula sa loob ng bahay. Umubo – ubo. Umiiyak at panay
ang pahid ng luha at sipon. May itinuturo kay Isko.
“Nasa
loob pa ang anak ko!” ang umiiyak na sigaw ng babaeng iniluwa ng pintuan.
Nakailang turo pa ang babae sa
pinto bago maintindihan ni Isko ang ibig nitong iparating. Mabilis niyang
pinasok ang pintuan. Sa pagbukas ng pinto ay unti – unting naglaglagan ang
ilang piraso ng mga kahoy na nagsisilbing pundasyon ng bubong. Nang makakita
siya ng katiting na tsansa para mapasok ng tuluyan ang nasusunog na bahay ay
hindi na siya nagdalawang isip pa. Kailangan niyang mailigtas ang bata at
maialis sa kamang noon din ay dinidilaan na ng apoy. Alisto ang kilos niya, ang
pakiramdam ni Isko ay nasa kaniya ang lahat ng lakas ng mundo para
makapagligtas. Kinuha niya agad ang bata na muntik nang madilaan ng apoy.
Lumabas. At pagkatapos makaalis ni Isko kasama ang mag-inang iniligtas ay saka lang
lumaki ang apoy na kumain sa buong bahay. Mabuti na lang at nailigtas niya ang
bata.
Yumakap
ang bata sa kaniyang ina. Tumingin kay Isko. Nang magkatinginan si Isko at ang
bata ay saka niya lang naalala na iyon ang batang madalas na nang-aasar sa
kaniya. Nginitian niya ito. Saka sila tumakbong tatlo papalayo sa nasusunog na
bahay.
“Salamat
at iniligtas mo ang anak ko.” Ang sabi pa ng babae kay Isko habang tumatakbo
silang tatlo.
Hindi na rin nabigyang pansin ni
Isko ang pagpapasalamat sa kaniya ng babae dahil natuon ang pansin niya sa apoy
na gumapang sa wire ng kuryente. Inabot na ng apoy ang iba pang mga bahay na
kadikit ng bahay na nauna nang nasunog. Sinenyasan na lang niya ang dalawang
taong nailigtas. Kinalabit ni Isko ang nanay ng bata para lingunin siya at sa
pagharap nito ay itinaas niya ang kanang kamay at itinapat sa tenga na parang
inaaktong tumatawag sa telepono.
Umalis na kayo dito! Tumawag kayo ng
bumbero! Humingi kayo ng tulong! Iyon ang mensaheng gustong sabihin ni Isko
kung nakakapagsalita lang sana siya. Pagkatapos nang makailang ulit na
pagsenyas ay umalis na ang mga ito. Tumango – tango ang babae tanda ng
pagkakaintindi sa mga senyas ni Isko. Sa
pag-alis ng mga nailigtas ay muling inulit ni Isko ang pagsigaw. Wala na sa
kaniya ang mga plastic na bote kaya ginamit niya ang mga kamay. Kinalampag niya
ng paulit – ulit ang mga bahay na malapit ng maabot ng apoy. Mabilis. Makailang
ulit siya sa pagtakbo kahit pa ang mga paa’y maraming beses ng natutusok ng mga
bato.
Ililigtas ko ang mga kapitbahay
ko. Mahal ko ang Baranggay na ‘to. Ang gustong isigaw ni Isko, kahit pa ang
totoong lumalabas lang naman sa kaniyang bibig ay mga salitang hindi
maintindihan. Kahit pa mga pagsigaw lang iyon na hindi nabigyan ng kabuuhan.
Marami
na ang nagising ni Isko bago pa kumalat ang apoy sa kabuuhan ng Baranggay
Palara. Ang mga naggising ni Isko ay nanggising din ng mga kapitbahay. At ang
mga nagising ng mga nanggising ay nanggising ng iba pa. Hanggang ang kabuuan
nga ng Baranggay Palara ay magising na. Bilang pa sa daliri ang bahay na
nadidilaan noon ng apoy. Si Isko ay napagod na rin sa pagtakbo. Nilakad na
lamang niya ang daan pauwi sa mga magulang. At nang hindi na magawang makalakad
ay bumagsak na lang siyang bigla sa sementadong daan. Saka lang din napansin ng
kaniyang mga kapitbahay na puno na ng sugat at bubog ang kaniyang mga paa.
Hindi
na nagawang samantalahin pa ng mga magnanakaw ang pagkakataon. Walang nawalang
plantsa, rice cooker, kalan at electric fan na karaniwang nawawala sa tuwing
nagkakasunog. Tila ba pati mga magnanakaw ay sumali sa nangyaring bayanihan. Nagtulong
– tulong ang mga bumbero at ang mga tao sa Baranggay Palara. Binuksan ang gripo
noong gabing iyon ng bawat bahay malapit sa nasusunog. Ang mga kalalakihan ay nagbuhat
ng timba- timbang tubig at pinagpasa – pasahan hanggang sa makarating sa
pinakauna ng pila para maibuhos sa apoy. Ang mga kababaihan naman ay tumulong
din sa pagsasahod ng tubig, hawak ng karamihan sa mga babae ay tabo at
planggana. Ang mga bata ay kumuha ng maliliit na galon. Kumuha rin ang iba sa
mga bata ng mga tabo at pitsel at sinahod sa gripong nasa loob ng kani –
kanilang bahay. Kapag napupuno ang mga pitsel, galon at mga tabo ay inilalagay
iyon ng mga bata sa iba pang timbang walang laman. Para bang pinatay ng
pagkakaisa ng lahat ng tao sa Baranggay Palara ang dapat sana ay pagkataranta.
Sa
pagdating ng iba pang trak ng bumbero ay lalo pang pinagbuti ng mga lalaki ang
pagpapasahan ng mga timbang may lamang tubig. Mabilisang pasahan ng mga timba.
Hindi alintana ang pagsakit ng mga kamay. Kailangang mapatay ang apoy.
Kailangang magpatuloy ang buhay at manatiling naroroon ang bahay nila sa
Baranggay Palara.
Si Isko naman, noong mga oras na
iyon ay nakatingin lang, nakahiga pa rin sa sementadong daan, nakangiting
pinagmamasdan ang kaniyang mga kapitbahay habang nagtutulong – tulong para
mapatay ang apoy.
Nang matapos maapula ang sunog ay
may isang babaeng nagtanong.
“Sino pala ang unang nakakita ng sunog?” tanong ng babaeng
may hawak na planggana.
“Iyun! Yung Pipi.” Nguso ng babaeng may hawak na tabo kay Isko
na nakahiga pa rin at nakasalampak sa sementadong daan.
“Kung hindi dahil sa batang iyan baka nasunog ang lahat ng
bahay natin.” Sabi pa ng isang babaeng may hawak na pitsel na nakisali na rin
sa usapan.
“E, ano raw pala ang pinagmulan ng sunog? Sino ang may
kasalanan?” tanong ng lalaking may hawak
na timba na hindi na rin nakapagpigil na huwag sumabat sa usapan ng mga babae.
“Ewan. Baka pinasunog na naman ni Meyor. Alam mo na…”
sadyang putol ng babaeng may hawak na pitsel sa sasabihin niya. “Noon pa ito
balak kunin ni Meyor ‘di ba? Saka wala naman daw kandilang nakalimutan doon sa
pinagmulan ng sunog sabi nung may –ari.”
“Hayaan niyo na. Ang importante ay ligtas tayong lahat.
Huwag na nga kayo magkalat ng kung ano – ano pang tsismis.” Ang sabi ng babaeng
may hawak na planggana. “Batiin niyo na lang yung bata. Siya ang dahilan kung
bakit nakaligtas tayo.”
At nagdagsaan
na nga ang mga tao tungo sa kinahihigaan ni Isko. Nakangiti pa rin siya. Wala
na ang apoy na muntik lumamon sa Baranggay Palara. Binuhat siya ng mga
kalalakihan at initsa – itsa sa ere ng mga ito. Masayang nagtatawanan ang lahat
habang ihinahagis ang katawan ni Isko sa ere.
“Si
Isko! Ang bayaning nagligtas sa Baranggay Palara!” sigaw ng isang lalaki.
“Mabuhay!”
“Isa
kang tunay na bayani!”
“Matapang!
Walang alinlangan.”
“Mabuhay
si Isko!”
Iyon ang mga sinisigaw ng
kapitbahay niya. Hindi man naririnig ni Isko ang lahat ay nakaramdam naman siya
ng labis na saya. Na kahit minsan, sa buhay ng isang piping tulad niya ay
napatunayan niyang may silbi siya. May maitutulong din siya sa kaniyang kapwa.
“Ang anak natin, Mer.” Ang naiiyak
na sabi ni Aling Melba sa asawang si Mang Elmer habang pinagmamasdan ang anak
na hinahagis ng mga kalalakihan.
“Bayani ang anak natin.” Ang tugon
ni Mang Elmer. Pagkatapos ay tuluyan na nitong binitiwan ang timbang hawak at
kinulong sa pagkakayakap ang asawa.
Opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 7
Opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 7
No comments:
Post a Comment