Monday, September 21, 2015

Diary na may Zombie (kuno)

Alas 11:00 n.u

     Dalawang araw na akong walang makain. Noong isang araw na naubos ang tubig kong nakatabi sa pitsel sa itaas ng bahay ay nagsimula na akong inumin ang ihi ko. Alam ko sa sarili ko na kailangan ko nang umalis dito sa bahay upang maipagpatuloy ang buhay ko. Iniwan na ako ng mga tao rito. Hindi na sila ang mga dating kilala ko, hindi na sila ang mga kapatid ko, kamg-anak at mga kapitbahay. Pero may problema, paano ako makakaalis gayong nasa itaas ako ng parte ng bahay naming samantalang nandoon “sila” sa baba at nag-aabang. Naghihintay ng pwedeng makain dahil gutom na sila (palagi). May maliit na siwang dito sa itaas na ginagamit ko para makita ko kung ano ang ginagawa ng mga kasama ko sa bahay. Palakad-lakad lang sila, paikot-ikot sa buong bahay, kanina ay nakita kong kinain nila si Inday, una nilang binutas ang tiyan nito at pinagsaluhan nila Ama at mga kapatid ko ang atay nito, at sumunod nilang winarak ay ang balat sa ulo. Nagulat ako ng makita ko kung paano hinalukay ng kapatid kong sumunod sa akin ang ulo ni Inday at sinolong kainin ang utak nito. Ako na lang ba ang natitira sa purok na ito? Nasaan na ang mga pulis? Ang mga sundalo? Bakit wala pang dumadating na tulong mula sa gobyerno? Talaga ‘tong bayan ko o, ang tagal ng panahon ang lumipas hindi pa rin nagbabago.

Alas 4:00 n.h

     Sumilip ulit ako sa siwang. May nawawala sa isa sa mga kapatid ko, si Bunso. Nilikot ko ang mata ko sa kung saan, kumpleto naman sil pero wala ang pinakamamahal naming bunso. May yumuko: si Mama. Nakita kong may kinakain siya, nasuka ako at naiyak sa nakita ko. Hawak-hawak ni mama ang damit na kanina lamang ay suot ni bunso, puno ito ng dugo at may mga nadikit na pira-piraso ng laman sa damit. Bumalik ako mula sa pagkakaupo habang pinupunasan ko ng dilaw na t-shirt ang natuyong luha sa pisngi ko.

Alas 8:00 n.h

     Nagtaka pa rin ako kung paano nagsimula ang lahat. Bakit bigla na lang nagkaroon ng Zombie Apocalypse dito sa Pilipinas? Sinampal ko ang pisngi ko. Sa kaliwa muna tapos sa kanan. Masakit. Ibig sabihin totoo ang lahat. Napangiti ako at hinanap ko ang cellphone ko. Nang pagkakita ko ay agad kong binuksan ang switch button. Hindi nagbubukas, naalala kong dalawang araw nap ala simula ng malowbat ang cellphone ko, at isang linggo na simula ng magsimula ang kalbaryo ng purok naming. Putang inang mga zombie ‘to. Kung kano man ang may kasalanan nito, sige, putang inang mga kano ‘to. Anong tingin nila sa mga Pinoy, Lab Rat? Mga burat sila! Hahaha! Hindi ko pwedeng ma-charge ang cellphone ko dahil wala ng kuryente kahapon pa. sumabay ang pagkawala ng kuryente sa pagkawala ng pagkain ko. Nakakainis. Bigla ko tuloy naalala noong panahong marami akong tinitira na pagkain sa fast food na kinakainan ko. Saka si Malaya yung girlfriend ko, hindi ko makontak. Haaaa! Hindi ako pwedeng sumigaw dahil maririnig ako ng mga zombie na nakaabang sa labas. Sensitibo sila pagdating sa ingay pero ang magandang bagay ay bulag at takot sila sa liwanag. Si Malaya, o mahal kong Malaya. Namimiss na kita. Sana ay magtagal ka rin katulad ko. Bukas na bukas din ay aalis ako at pupuntahan kita diyan sa lugar niyo.

Alas 11:00 n.h
   
     Naamoy ko na ang pinaghalong amoy ng tae at panghi dito sa itaas. Ganito ba talaga kapag gutom ka? Nagiging sensitibo ka pagdating sa mga pag-aamoy? Kung nasa normal lang siguro si mama baka napagalitan na ako dahil sa amoy ng kwarto ko, pero kung nasa normal naman sila hindi naman siguro mangyayari ito. Wala man lang akong naisalba sa mga kapatid ko. Nalulungkot ako. Pakiramdam ko hanggang sa mga ganitong sandal ay naging makasarili ako bilang anak at kapatid. Huminga ako ng malalim. Kailangan ko ng magpahinga at mag-ipon ng lakas para kakaharapin kong pagsubok bukas. Tumingin muna ako sa labas, wala ang mga hinayupak. May nakita uli akong pag-asa. Alam ko na kung saan ako dadaan at kung paano ako makakaalis ng bahay at makakahanap ng pagkain. Nakapagdesisyon na ko. Simula bukas bago magpunta sa bahay ni Malaya ay maghahanap ako ng mga nakaligtas at buhay pa, sabay kaming maghahanap ng pagkain. At kung kailangang pumatay ay papatay ako para manatili akong buhay at para makahanap ng makapagbibigay ng lunas sa delubyong ito. Gutom na gutom na ako, iisipin ko na lang yung mga bagay na kinakain ko baka sakaling mabusog ako ng imahe ng mga ito. Ayokong huminga ng malalim dahil amoy ebak at ihi lang ang maaamoy ko. Eto na siguro ang huling araw na makakain ako sa Chow Ping. Good Night.

No comments:

Post a Comment