Wednesday, October 12, 2011

Saranggola

Sa tatay ko nagumpisa ang lahat, mula sa paghahanap ng plastic at lumang diyaryo ng Bulgar para gawing saranggola hanggang sa panguumit nang papirapirasong ting-ting sa walis ng kapitbahay. Adik kasi sa saranggola ang tatay ko.

Naalala ko, may isang beses noon na bumili ng tatlong saranggola ang tatay ko, para sa aming magkakapatid yun. Bumili siya nang tatlong tagtrenta’y singko pesos na saranggolang tela. Nasayang nga lang yung pera niya dahil wala man lang lumipad ni isa man sa saranggolang binili niya. Pero hindi natapos ang adiksyon ng tatay ko sa saranggola, isang beses naman, galling siya sa pamamasada ng taxi nang umuwi siyang may dala-dalang sandamakmak na diyaryo. Tinanong naming siya.

“Anong gagawin mo diyan pa?” tapos isasagot niya sa amin, “Saranggola” with matching ngiti pa. Ilang beses din nangyari ang ganiyang eksena. Tuwing may dalang diyaryo si papa inuutusan niya kaming kumuha ng kanin na bahaw sa kaldero, pagkatapos nun itatanong uli ng isa sa amin.

“Anong gagawin mo sa kanin pa?” inosenteng tanong namin noon na sasagutin niya naman nang, “pandikit para sa saranggola” with matching ngiti pa. Dahil sa saranggola kaya ko nalamang pwedeng gamiting pandikit ang kanin.

‘Pag natapos na ni papang gawin ang tatlong saranggola noon, tatawagin niya kami isa-isa sa palayaw naming. “Dawe! Mike! Yok!” tapos maya-maya lang magyayaya na siyang umakyat sa bubong para magpalipad nang saranggola. ‘Pag napalipad niya na ang tatlong saranggola ipapahawak niya sa amin yun isa-isa. Matibay –tibay pa ang bubong naming noon kaya siguro malakas ang loob ng tatay kong magpalipad nang saranggola sa bubong kasama ang tatlong mga anak niya.

Sa ngayon matanda na ko, hindi pa rin ako marunong gumawa nang saranggola. Nasanay siguro ako na tatay ko ang gumagawa nun para sa akin. At ngayon nalaman ko ang paniniwala ng erpat ko sa saranggola.

Sumisimbolo pala sa aming tatlong magkakapatid ang saranggolang yun, at kung gaano kataas ang ililipad nun ay ganun din kalayo ang mararating naming baling araw. Naisip ko ngayon na siguro hindi mataas ang lipad nang saranggola ko noon kaya wala pa kong nararating sa buhay ko pero sa kabila nun naisip ko rin na kung totoo man yun, ilan kayang tatay ang magpapalipad ng saranggola para malaman kung gaano kalayo ang mararating ng anak nila? Kaya pala pinipilit ni Erpat noon na bumili at gumawa ng saranggola ng paulit-ulit kasi gusto niyang mataas ang marating ko. Anak ng tipaklong! Sana naging saranggola na lang ako.


Sa ngayon hindi na gumagawa ng saranggola si Papa, kalawangin na ang bubong para akyatan pa, kinakain na namin ang bahaw, [pero ginagamit pa rin bilang pandikit paminsan-minsan] iniipon ang mga diyaryo at plastic para maibenta sa junkshop at wala na rin ang bungangerang kapitbahay na sumisigaw ng “sino ang kumuha ng ting-ting ko.”. Nawala na ang sinulid na naguugnay sa saranggola at pangarap ko pero nag-iwan ito sa puso ko ng matinding aral: Wag aakyat sa bubong ng kapitbahay.

Marami akong nakuhang benepisyo sa pagpapalipad ng saranggola, bonding kasama si tatay, kasiyahan sa paggamit nito bilang laruan at ang di matutumbasang aral na nakadikit sa saranggola at sinulid nito.

“Sa buhay minsan aangat ka pero darating din ang araw na lalagpak ka, pero kahit ilang beses mang mangyari yun hanapin mo ang sinulid nang buhay para muling lumipad.”
-Tatay ko habang nagpapalipad ng saranggola kasama ko.

                                      Opisyal na Lahok para sa Kategoryang Blog(Freestyle)
                                                             Saranggola Blog Awards 3


No comments:

Post a Comment