Wednesday, October 12, 2011

Si Paulo at ang Laruang Eroplano




“Kunwari ako si Batman, susuntukin daw kita tapos tatalsik ka. Ayan na susuntukin na daw kita” masayang naglalaro ang dalawang bata habang inaarte ang palabas na napanuod sa kapitbahay.

            Sa kabilang dako ay masusing pinagmamasdan ni Paulo ang dalawang batang ilang metro lang ang layo mula sa pintuan ng kanilang bahay. Nasa ika-unang baiting ng elementary si Paulo, sa edad niyang walo ay aakalain mong limang taong gulang lamang siya dahil sa payat nang kanyang pangangatawan. Nung mga oras na yun naisip niya, ano kaya kung maglaro rin siya. Magmula sa pintuan ng kanilang munting barong-barong ay naglakad siya ng ilang hakbang para kunin ang kulay asul na plastic na laruang eroplano na nakapatong sa tokador. Matapos kunin ang laruan ay siyang-siyang iwinagyaway ng musmos ang laruan na animo’y ngayon lang nakadama ng ganoong kasiyahan. Yun ang kauna-unahan niyang laruan, luma na sapagkat nakita lamang iyon ng kaniyang ama habang nangangalahig sa bundok ng basura ilang metro lang ang layo sa bahay nila. Naalala pa niya, tuwang-tuwa siya noon habang pinagmamasdan ang paglilinis na ginagawa ng  kaniyang ina sa laruang dinala ng kaniyang ama.

“Ma-de in  tsii-na” binabasa niya noon ang mga nakasulat sa ilalim ng laruang eroplano nang dumating ang ama at narinig siya.

“Meyd in Tsayna.” Pagtatama ng ama – Si Mang Carlos na bagamat na nasa edad singkuwenta’y sais na ay hindi mo makikitaan nang anumang kunot sa mukha na bakas nang mga nagdaang problema.


Muling bumalik sa paglalaro ang utak ni Paulo, ang mga bata sa tapat ng pintuan, ang kumakalam na sikmura at ang laruang eroplano na nagbibigay sa kanya nang kakaibang kasiyahan na nagiging dahilan para makalimutan ang lahat kabilang na ang kumakalam na sikmura.

“Anak  ‘pag nagutom ka, meron nang makakain diyan sa lamesa. Kumain ka na lang diyan at baka hapon na makauwi ang tatay mo.” Hawak ng ina ang labada pero hindi nakalimot paalalahanan ang anak na may tuyong isda at kamatis na nakahain sa lamesa. Ang ulam na madalas nilang ulamin isang beses sa bawat araw ng linggo.

Ngunit hindi iyon pinansin ng bata, sa paglalaro ni Paulo ng eroplano ay muling pumasok sa kanyang isipan ang isang gunita.

“Anak, anong gusto mo paglaki mo?” masayang tanong nang kanyang ama nang minsan ay dumating itong pagod galling sa pagtatrabaho.

“Gusto ko pong maging masaya tay.” Masayang tugon ni Paulo.

“Ang ibig kong sabihin anak ay kung ano ba ang pangarap mo? Parang gusto mo maging trabaho pag laki mo, ganun. Doktor? Nars? Indyinir?” masayang inaantay ni Mang Carlos ang isasagot nang anak nang biglang sumabat sa usapan ang may bahay niyang si Aling Tasya.

“Hoy Caloy! Tigil-tigilan mo nga yang pagpapaasa sa anak natin! Pangarap, pangarap, baka isang araw basurero na rin yang anak mo katulad mo.”

Yumukod lang si Mang Carlos bilang simbolo nang pagkatalo, tama ang asawa niya. Malaman man niya kung ano ang pangarap ng anak ay imposible niyang mabigyang katuparan ang gusto nito.


Bumalik muli ang isip ni Paulo nang dumating ang ama, sa isip-isip niya alam niya na kung ano ang pangarap niya at sasabihin niya na ito sa ama. Mabilis niyang sinalubong ang ama, nagmano at pagkatapos ay kumuha ng baso ng tubig para ipainom sa ama.

“Tay alam ko nap o ang pangarap ko.” Masayang sabi ni Paulo.

“Ano anak?”

“Drayber po ng eroplano.”
Napangiti si Mang Carlos sa sinabi ng anak. “Piloto ba kamo?”

“Opo. Piloto nga po.” masayang tugon ni Paulo. Muli ay humakbang siya papunta sa isang sulok ng bahay para hanapin ang kanyang laruan, laruan na nagbigay nang maraming ala-ala, ang laruang eroplanong nagsilbing kayamanan niya.

                                         Opisyal na Lahok para sa Kategoryang Maikling Kwento
                                                              Saranggola Blog Awards 3
               


No comments:

Post a Comment